Tumataas na presyo ng mga bilihin.

Pabago-bagong halaga ng piso kontra dolyar.

Kakulangan sa supply ng bigas.

Ilan lang ito sa mga samot-saring pangyayari sa ekonomiya ng Pilipinas na nakikita mo sa TV o nababasa mo sa iyong Facebook timelines o Twitter feeds. Nagiging dahilan pa nga ang mga ito ng mahahabang diskurso o debate sa mga comment section.

Sa totoo lang, nakakatuwang may malayang talakayan sa mga usaping pang-ekonomiya sa iba’t-ibang social media platforms ngayon.

Kaya lang, bilang mga ekonomista, hindi namin maiwasang mapa-facepalm o kaya naman ma-trigger sa mga post na naglalaman ng maling akala o baluktot na pagkakaintindi sa ilang basic economic concepts, tulad ng inflation, budget deficits, utang panlabas, o “golden age” ng ekonomiya.

Bilang tugon sa patuloy na pagkalat ng mga maling impormasiyon tulad nito, naisipan ng aming grupo—na binubuo ng graduate students at young professionals sa disiplina ng Economics—na magtipon upang mag-ambag sa pagpapalago at pagpapalalim ang usapang pang-ekonomiya sa Pilipinas.

Kaya naman itinatampok namin ang Usapang Econ Blog (UEB)! 

usapang econ logo

Linggo-linggo ay maglalathala kami ng mga explainer, fact check, infographic, atbp. sa wikang Pilipino na magbibigay-linaw tungkol sa iba’t-ibang aspeto ng ating ekonomiya, lalo na yung mga napapanahon at nakakaapekto sa nakararaming Pilipino.

Ang Usapang Econ Blog ay ginagabayan ng mga sumusunod na prinsipyo:

1) BALANSE

Sa bawat isyung pang-ekonomiya, mayroong mabuti at masama. Gusto naming ipabatid ito sa aming mga post, at lilimitahan namin ang pagbibigay ng opinyon upang hayaan ang mga mambabasa—anumang kulay pulitikal ang kanilang tinatangkilik—na mag-isip at magpasya sa kanyang sarili ukol sa mga isyu at mga polisiyang pang-ekonomiya.

2) LINAW

Naniniwala kaming ang usapan tungkol sa Economics ay para sa lahat—bata o matanda, mahirap o mayaman—at di kailanman dapat manatili lamang sa mga taong gubyerno, akademiko, o nakaaangat sa buhay.

Kaya naman sisikapin naming ipaintindi ang mga konsepto at mga isyu sa pinakamalinaw na pamamaraan. Iiwasan namin ang paggamit ng mga technical terms at jargon na maaring maging sanhi ng pagkalito ng mga mambabasa o kaya naman ng malubhang balingoyngoy (in English, nosebleed). Subalit bawat isa sa amin ay gagamit ng iba’t-ibang estilo at tono ng pagsusulat sa aming mga post.

3) PERSPEKTIBO

Malawak ang disiplina ng Economics, mula sa microeconomics, macroeconomics, public economics, international economics, education economics, health economics, at iba pa.

Sa aming blog gagamitin namin ang kanya-kanya naming interes at expertise upang mag-alok ng pinaka-malawak at malalim na perspektibo tungkol sa iba-ibang isyung pang-ekonomiya. Kung hindi namin mapunan ito ay magtatampok kami ng mga guest contribution mula sa mga kaibigan at iba pang mga eksperto.


Aminado kaming di namin kayang tapatan ang mga batikan at “rockstar” economists ng bayan—tulad nila Emmanuel De Dios, Raul Fabella, Mareng Winnie Monsod, Ciel Habito, atbp.

Ngunit sa pamamagitan ng UEB, nawa’y makapagbigay kami ng alternatibong platform para matutunan ng mas maraming Pilipino ang disiplina ng Economics sa mas madali at mas simpleng pamamaraan—iwas-nosebleed, kumbaga! Sana rin ay makatulong kami sa mas malalim at matalinong pagsusuri sa mga isyung pang-ekonomiya na kinakaharap ng ating bansa.

Anumang post sa Usapang Econ Blog ay sa amin lamang at di sumasalamin sa mga ideya o posisyon ng aming mga kinabibilangang grupo o organisasyon.

Hihikayat namin ang ibang pang mga Economics students na magsulat rin para sa Usapang Econ! Mag-email lamang sa usapangecon@gmail.com.