Ni JC Punongbayan |

uebin

Ang inflation rate ang sumusukat sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kapag mataas ang inflation rate ay bumababa ang purchasing power natin. Ibig sabihin, mas kaunting produkto at serbisyo ang ating mabibili.

Noong nakaraang taon ay tumaas ang inflation rate sa nakapataas na 6.7% noong Setyembre. Ito ang pinakamataas sa halos isang dekada at lagpas-lagpas sa target ng gobyerno na 2-4%.

Ngunit kung gaano kabilis ang pagtaas ng inflation ay ganun din kabilis ang pagbaba nito. Sa katunayan, noong Oktubre lang ay nasa 0.8% na lang ito. Wala pang isang porsiyento!

Pero mabuti nga ba ang ganitong kababang inflation? Ano ba ang sanhi nito?

inf2
Source: Rappler.com at PSA.

Maraming dahilan sa mabilis na pagbaba ng inflation sa mga nakalipas na buwan.

Una, mayroong technicality na tinatawag na base effect: dahil nanggaling tayo sa mataas na inflation rate, anumang pagbagal ng pagtaas ng presyo ng bilihin ay magdudulot talaga ng pagbaba ng inflation.

Para mas maging malinaw ang konsepto ng base effects, ilagay natin ito sa konteksto ng exam results. Halimbawa, sabihin nating ikaw ay nakapagtala ng 50 points sa first exam, 75 points sa second exam, at 100 points sa third exam. Kung ating susuriin ang pagtaas ng iyong test scores mula first exam hanggang third exam, makikitang tumataas ito ng 25 points kada exam. Subalit kung titignan natin ang pagtaas nito bilang porsyento ng nakalipas mong exam score, makikitang bumaba ito mula 50% (from 1st to 2nd exam) patungong 33.33% (from 2nd to 3rd exam).

Screen Shot 2019-11-15 at 11.43.20 AM
Paglalarawan ng Base Effects sa konteksto ng Exam Scores

Kaya naman maaring ganoon rin ang nangyayari sa presyo ng ating mga bilihin ngayon sapagkat mataas na ang base prices ng mga ito.

Ngunit tandaan na di porket bumababa ang inflation ay bumababa rin ang presyo ng mga bilihin. Tumataas pa rin, pero mas mabagal na.

Pangalawa, nagsibabaan kasi ang presyo ng bigas ngayong taon dahil sa Rice Tariffication Act na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Valentine’s Day.

Dahil sa pagpasok ng imported na bigas, dumami ang supply ng bigas sa bansa at bumulusok pababa ang presyo nito.

Ano ang kinalaman ng presyo ng bigas sa inflation?

Ang inflation kasi ay base sa tinatawag na basket of goods o mga produkto/serbisyo na ang presyo ay laging minomonitor ng gobyerno.

Pinakamalaking bahagi nitong basket of goods ang pagkain, at sa pagkain bigas ang pinakamalaking bahagi. Kaya naman kaunting taas o baba ng presyo ng bigas ay malaki ang epekto nito sa inflation.

Bagamat mabuting balita ang mababang presyo ng bigas para sa mga mamimili ng bias, malaking sakit ito ng ulo para sa milyon-milyong magsasaka.

Pangatlo, sinasabi ng iba na ang mababang inflation ay maaaring senyales ng humihinang ekonomiya.

Ito ay dahil kapag di gumagastos ang mga tao, bumababa ang demand para sa iba’t-ibang produkto at serbisyo, at—dahil sa supply at demand—pati mga presyo.

Mahina nga ba ang ekonomiya ngayon?

Sa unang kalahati ng 2019 ay mabagal ang usad ng ekonomiya: wala pang 6% ang paglaki ng GDP (gross domestic project), samantalaang ang target ng gobyerno ay 6-7%.

Pero noong 3rd quarter naman ng taong ito nakabawi na ang GDP growth sa 6.2%, salamat sa pagbawi ng construction projects ng gobyerno.

Gayunpaman, kailangang lumago ng ating ekonomiya nang 6.7% sa huling 3 buwan ng 2019 para maabot natin ang taunang target na at least 6%.

Sa ngayon ay di pa klaro kung sinasalamin talaga ng mababang inflation ang mahinang ekonomiya. Kailangan pa nating obserbahang maigi ang mga indicator na ito sa mga susunod na buwan.

Sa tatlong salik na nabanggit, marahil mas matimbang ang unang 2 kaysa sa pangatlo. Kung totoo ito, ang mababang inflation ngayong taon ay bunga ng isang technicality (base effect) at ang pagbulusok pagbaba ng presyo ng bigas.

Bagamat mukhang maganda ang mababang inflation, tandaan na mayroong target inflation ang gobyerno: 2-4%. Ibig sabihin di dapat bababa sa 2% o lalagpas sa 4% ang inflation.

Obserbahan natin sa susunod na mga buwan kung aakyat ang inflation sa loob ng target na ito. Pero kung manatili itong mababa baka kailangan nang umaksyon ng gobyerno para pataasin ito (gamit ang iba’t-ibang polisiya).

Ang article na ito ay hango sa nauna kong article sa Rappler.com: “Why free-falling inflation is not all good.”

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s