Ni Rainier Ric B. de la Cruz |

Noong nakaraang buwan ay nagdeklara ang Department of Health ng national dengue epidemic bunsod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng naitalang dengue cases sa buong bansa.

Base sa datos ng ahensya at ng World Health Organization, mula January hanggang August 2019 ay umabot na sa mahigit 229,736 ang naitalang mga kaso, 107% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2018.

Taon  Kaso ng dengue Mga namatay sa dengue Case fatality rate
2018 110, 970 582 0.53%
2019 229, 736 958 0.42%

Table 1. Total Dengue Cases and Reported Deaths (January – August 17)

Source: World Health Organization. Philippines Situation Report #6. 

Kung titingnan ang Figure 1, pinakamarami ang naitalang kaso sa Western Visayas na umabot na sa 39,982. Higit na apat na beses na mas mataas ito sa kaparehong panahon noong 2018.

Sinundan ito ng CALABARZON na nakapagtala ng 30,889 na kaso, halos tatlong beses na mas marami kumpara noong nakaraang taon.

Figure 1. Bilang ng reported dengue cases sa iba’t-ibang rehiyon, January-August 17 (2018 vs 2019)
Source: World Health Organization. Philippines Situation Report #6.

Base sa Figure 2, pinakamarami rin ang naitalang dami ng mga namatay sa dengue sa Region VI (Western Visayas), na umabot na sa 179, halos tatlong beses na mas marami kumpara noong nakaraang taon. Sinundan ito ng CALABARZON (98) at Central Visayas (90).

Figure 2. Bilang ng mga namatay sa dengue sa iba’t-ibang rehiyon, January-August 17 (2018 vs 2019)
Source: World Health Organization. Philippines Situation Report #6.

Samantala, pinakaapektado ng dengue ang mga edad 5-9 na taong gulang, na nakapagtala ng 23% ng mga kaso. Pinakamarami rin ang namatay sa edad na ito na umabot na sa 40%.

Inaasahan pang darami ang kaso ng mga nagkakadengue sa mga susunod na buwan lalo na ngayong rainy season.

Bukod sa Pilipinas, tumaas din ang bilang ng dengue cases sa mga karatig-bansa natin tulad ng Cambodia, China, Lao PDR, Malaysia, Singapore at Vietnam. Mayroon na ring nararanasang outbreaks sa Bangladesh at Honduras (Central America).

Ano ang dengue?

Ang dengue fever, at ang mas malalang dengue hemorrhagic fever, ay acute viral infection na dulot ng isa sa apat na serotype ng dengue virus (type 1, 2, 3, at 4) na naipapasa mula sa kagat ng infected na babaeng lamok na Aedes aegypti.

Ang lamok ding ito ang nagdadala ng iba pang sakit tulad ng chikungunya, Zika fever, at yellow fever.

Sa ngayon ay wala pang nadidiskubreng gamot na maaring gamitin laban sa dengue.

Sa Global Burden of Disease study na isinigawa noong 2013 ay kasama ang dengue sa mga parasitic at vector diseases na nangungunang sanhi ng pagkamatay sa buong mundo.

Sa parehong pag-aaral, tinatayang aabot sa 58.4 milyon ang mga kaso ng dengue sa buong mundo, na nagreresulta sa halos 10,000 kaso ng pagkamatay taun-taon.

May nauna pa ngang pag-aaral na nagsasabing pinakaapektado ang mga bansa sa Asya, kung saan matatagpuan ang halos 70% ng mga kaso taun-taon.

Epekto ng dengue sa ekonomiya

Bukod sa dalang panganib pangkalusugan, malaki rin ang economic burden na dulot ng sakit na ito.

Anu-ano nga ba ang epekto ng dengue sa ekonomiya?

Sa pagkalkula ng epekto ng anumang sakit, kailangang isaalang-alang ang tinatawag na direct costs at indirect costs.

Kasama sa direct costs ang gastusing medikal tulad ng bayarin sa ospital at mga doktor, mga test, mga gamot at iba pa.

Kasama rin dito ang transport costs at iba pang kaukulang gastusin tulad ng pagpapalibing kung nagresulta ito sa kamatayan.

Samantala, kasama sa indirect costs ang tinatawag na productivity losses, o yung nawawalang kita ng isang pasyente kapag hindi siya nakapagtrabaho o nakapasok sa eskwela dahil sa dengue.

Maari ring mawalan ng kita ang mga miyembro ng pamilya na pinipiling hindi pumasok upang mag-alaga sa maysakit.

Bukod sa indibidwal na gastos, may iba pang gastusing kaakibat ng pagkalat ng anumang sakit, lalo na ang dengue. Halimbawa, kailangang pagkagastusan ng mga ospital, pribado man o publiko, ang mga kawani, mga makina at mga equipment na maaring gamitin sa pagdiagnose at pagresponde sa mga pasyenteng may dengue.

Pagdating naman sa komunidad, kasama rin sa gastos ang mawawalang kita dahil sa pagkalat ng epidemiko. Halimbawa, maaring mabawasan ang kita mula sa buwis, sa turismo, at sa pamumuhunan kapag nagkaroon ng outbreak ng dengue sa isang lugar.

Kapag pagsasamahin lahat ng mga gastusing ito, gaano kalaki ang epekto ng dengue sa ekonomiya?

Sa isang pag-aaral noong 2013 ay tinatayang aabot sa $8.9 bilyon (halos P463 bilyon) ang gastos taun-taon sa buong mundo dahil sa dengue. Kasama na riyan ang gastos sa pagpapagamot at mga nawawalang kita kapag nagkasakit.

May isa pang pag-aaral na nagsasabing maari pa ngang umabot sa $39.3 bilyon ang kabuuang gastos, o katumbas ng $414 o mahigit P21,000 bawat kaso.

Samantala, sa isang mas bagong pananaliksik ay tinatayang aabot sa P5.9 bilyon($139 milyon) ang magagastos ng mga Pilipino taun-taon mula 2016 hanggang 2020 dahil sa dengue. Aaabot naman sa P821 milyon ang mawawala kada taon dahil sa productivity losses.

Hindi pa dito kasama ang P3 bilyon na aktwal na ginastos ng DOH sa pagbili ng dengvaxia vaccine, na kalaunan ay hindi rin naman itinuloy ang paggamit.

DALY

Isa pang sukatan ng masamang epekto ng sakit ay ang tinatawag na DALY o disability adjusted life year.

Ang isang DALY ay maaaring isipin bilang isang nawalang taon ng “malusog” na pamumuhay.

Ang kabuuan ng mga DALY na ito sa buong populasyon, na sumusukat sa burden ng sakit, ay sukat ng agwat ng kasalukuyang katayuan sa kalusugan at isang perpektong sitwasyon sa kalusugan kung saan ang buong populasyon ay nabubuhay sa  advanced na edad, na walang sakit at kapansanan.

Sa datos mula sa Global Burden of Disease study noong 2013 ay tinatayang aabot sa 1.4 milyong DALY ang nawawala taun-taon dahil sa dengue. Ibig sabihin, kung susumahain lahat ng nawalang taon sa lahat ng mga namatay o nagkasakit dahil sa dengue ay aabot ito sa 1.4 milyong taon.

Sa Pilipinas naman ay aabot ang kabuuang nawalang DALY dahil sa dengue ay aabot sa 50,622 taon.

Datos vs dengue

Hindi maikakailang napakalaking problema ng dengue hindi lang sa Pilipinas ngunit sa buong mundo. Endemic ang sakit na ito sa mahigit 125 na mga bansa at higit sa 50% ng pandaigdigang populasyon ang nakatira sa mga lugar na maaring tamaan nito.

Kaya naman upang tugunan ang isyung ito ay importante ang pagkolekta ng kaukulang datos.

Ang pagsukat ng mga pasanin (burden) na dulot ng dengue ay mahalaga para sa pagtatakda ng mga prayoridad ng pamahalaan at lahat ng mga apektadong sektor, sa paggawa ng mga patakaran at polisiya, paglaan ng pondo, at paghahanap ng mga epektibong solusyon sa problemang ito. 

One thought on “Ano ang epekto ng dengue sa ekonomiya?

  1. Hello po. Student po ako from UPDEPP, tanong ko lang po sana kung may references kayo para po dito sa article about dengue and sa iba pang articles posted sa website niyo po. Gumagawa po kasi kami ng economic research paper. Baka sakali may makuha po kaming additional info or other ideas from the references po. Pero sobrang helpful po ng article niyo. Hoping for a response. Thank you in advance! God bless and keep on writing!

    P.S.
    Kung may maisusuggest po kayo na topic para sa economic paper sobrang appreciated po huhu. Thank you po ulit!

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s