Ni Jefferson Arapoc |

Untitled

Noong 2017, napagdesisyunan ng ating gobyerno na i-block ang mga kilalang porn streaming sites sa bansa, gaya ng Pornhub, Redtube, at Xvideos. 

Bagamat hindi naging malinaw kung ano ang tunay na dahilan sa pagsuspinde ng mga ito, sinasabing ang Republic Act 9775—o mas kilala sa tawag na Anti-Child Pornography Law—ang naging batayan nito.

Ipinatupad ito ng National Telecommunications Commission (NTC) sampung araw matapos umugong ang balitang patuloy na nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamahabang average viewing time sa Pornhub sa nakalipas na limang taon.

Kung tutuusin, hindi na naman bago ang porn bilang isang klase ng adult entertainment, subalit nanatili pa rin itong maselang usapin sa ating lipunan. Kaya naman nakakagulat na malamang isa tayo sa mga bansang tila addicted sa panonood ng porn. 

Pero bakit nga ba nakakabahala ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa porn? O meron nga ba tayong dapat ikabahala?

Porn bilang isang industriya

Malaki na ang ipinagbago ng industriya ng porn. 

Nagsimula ang masiglang komersiyalisasyon nito noong 1950s kung saan sumikat ang ilang kilalang adult magazines gaya ng Playboy at Hustler

Muling nag-iba ang mukha ng porn noong 1980s dahil sa mga teknolohiyang tulad ng videocassette recorder (VCR) na nagpabilis sa distribusyon ng mga pelikula. Ito rin ang nagsilbing hudyat sa paglakas ng video pornography sa iba’t-ibang bansa. 

Pero masasabing ang internet ang tuluyang nagpabago sa kalakaran ng industriyang ito. 

Mas naging madali at accessible kasi sa milyon-milyong tao sa mundo ang panonood ng porn. Ayon sa isang pag-aaral, sinasabing ang panonood ng porn ay isa sa sampung internet activities (gaya nalamang ng panonood ng YouTube, Netflix, etc.) na may pinakamataas na global bandwidth consumption

Kung susumahin ang oras na inilalaan ng mga taong nanonood ng porn, sinasabing aabot ito sa humigit kumulang na 191.5 bilyon na araw—at ito ay galing lamang sa datos ng Pornhub.com sa loob ng isang taon.

Porn sa konteksto ng moralidad

Bagamat malaki ang kontrobusiyon ng porn industry sa paglikha ng yaman at trabaho sa mga bansa, gaya ng US at Japan, hindi pa rin maiwasang mailagay ang usaping ito sa konteksto ng moralidad. 

Maraming feminists at religious groups ang umaalma sa samut-saring isyung kinahaharap ng industriyang ito, gaya na lamang ng pang-aabuso sa mga modelo at paggamit ng mga menor de edad (e.g., kaugnay dito ang mga isyu ng human trafficking and child pornography).

Nakakabahala rin ang pagdami ng mga kabataang maagang namumulat sa mundo ng pornography. 

Ayon sa pag-aaral na ginawa ng National Center on Sexual Exploitation (NCOSE), halos 64% ng mga kabataang nasa edad 13 hanggang 24 ang aktibo sa paghahanap ng mga pornographic materials. 

Malaki ang kontribusyon ng lumalawak na internet service sa problemang ito. Inaalis kasi nito ang mga hadlang o barriers sa pag-access ng porn—gaya ng gastos sa paghahanap ng pisikal na tindahan nito (tinatawag ring search cost)

Kaya naman napakalaki ang naitutulong ng gobyerno sa pagbabawal ng mga porn sites sa problemang ito. 

Porn at kriminalidad

Maraming pag-aaral na rin ang tumingin sa relasyon ng pornograpiya at kriminalidad. Subalit imbis na magbigay ng linaw, naging daan pa ang mga ito sa mahabang talakayan at diskurso sa tunay na epekto ng porn sa lipunan.

Ayon kasi sa isang pag-aaral, extreme sexual aggression ang madalas na tema ng mga pornographic materials, gaya nalamang ng mga eksenang nagpapakita ng pananakit o pang-aabuso. 

Sinasabing maaari kasi itong makaapekto sa sikolohiya o psychological behavior ng mga tumatangkilik nito. Sa katunayan, mayroong report sa US na nagsasabing halos 41% ng mga naitalang sexual assaults doon ay may kaugnayan sa panonood o pag-gamit ng mga pornographic materials.

Sa kabilang banda, isang pag-aaral naman ang nagsasabing walang matibay na koneksyon sa pagitan ng porn at sexual crimes

Ipinapakita rin dito na tila bumababa pa nga ang kaso ng rape cases sa US kasabay ng pagtaas ng pagkunsumo ng pornographic materials ng mga tao. Ipinapakita ng datos na tila yata maaaring nagiging substitute ang porn sa mismong paggawa ng mga karumaldumal na krimen.

Subalit kahit na may mga pag-aaral na nagsasabing maaaring may mabuting naidudulot ang porn, hindi ito sapat na batayan upang masabing magiging totoo na rin ito sa konteksto ng ibang bansa, gaya nalamang sa Pilipinas.

Maraming pang salik o factors ang kailangang isama upang mas maunawaan ang tunay na epekto ng pornograpiya sa ating lipunan.

Sa ngayon, hindi naman siguro masamang suportahan ang desisyon ng ating gobyerno na ipagbawal ang mga online porn sites. Sa panahon kasi ng teknolohiya at internet, napakaraming alternatibong pwedeng gawin na makapagbibigay rin naman sa atin ng masaya, subalit mas makabuluhang klase ng entertainment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s