Ni Marianne Joy Vital |

endo

Kamakailan ay nabalita ang pag-veto ni Pangulong Duterte sa Security of Tenure (SOT) bill o ang mas kilala bilang “anti-endo” bill na sinasabing magpapatigil sa kontraktwalisasyon ng mga manggagawa.

Nabigla ang marami dahil isa ito sa mga ipinangako ni Pangulong Duterte mula pa noong 2016. 

Ayon sa kanyang veto message, ang pangunahing dahilan ay ang posibleng negatibong epekto nito sa mga kumpanya, na maaaring makasama sa kapakanan ng mga manggagawa sa katagalan. 

Dagdag pa dito, sinabi rin niya sa isang speech na posibleng maabuso ng mga empleyado ang batas. 

Gamit ang perspektibo ng economics, malamang nahirapan ang pangulo sa kanyang desisyon lalo na’t dapat niyang balansehin ang interes ng mga stakeholder sa bansa. 

Sa article na ito, subukin nating himayin ang kanyang naging desisyon.

Ano ang laman ng Security of Tenure bill?

Ang naipasang bill ng Kongreso ay may apat na pangunahing probisyon. 

Una sa lahat, kinikilala pa rin ng SOT bill ang kontraktwalisasyon ngunit kinaklaro ang kahulugan ng legal na kontraktwalisasyon o “job contracting.” 

Nililinaw din nito ang ilegal na kontraktwalisasyon o “labor-only contracting”, na kung saan ang mga job contractors ay taga-supply lamang ng mga manggagawa. At ang mga gawain o trabaho ng mga manggagawa ay may direktang kinalaman sa pangunahing business ng kumpanyang kumontrata sa job contractor, na hindi pinapayagan ng batas.

Kaya naman nililinaw din ng batas kung anong mga gawain o trabahong maaaring i-outsource sa mga kontraktwal na manggagawa.

Ikalawa, magtataguyod ng Industry Tripartite Councils sa bawat industriya upang mapagdesisyonan (kasama ang labor secretary) kung ano ang legal na maa-outsource na trabaho. 

Ikatlo, hinihigpitan din ang contractor o ang kumpanyang magsu-supply ng mga kontraktwal na manggagawa. Maraming kondisyon ang kailangang sundin upang mabigyan ng lisensya. 

Ikaapat, maeenjoy ng seasonal o project-based na kontraktwal na manggagawa ang benefits na natatamasa ng mga regular na empleyado. Ngunit maeenjoy lang nila ito habang sila ay naka-kontrata.

Bakit isinusulong ang SOT bill?

Ayon sa mga supporter ng anti-endo bill, ang SOT ay naglalayong sugpuin ang ilegal na kontraktwalisasyon. 

Ito rin ay makakatulong sa pag-alis ng tinatawag na unfair practices, na kung saan ang mga manggagawa ay nag-eend of contract (endo) upang hindi maging regular na empleyado. 

Ayon sa isang pag-aaral ng PIDS o Philippine Institute for Development Studies, na kung saan nag-survey ng mga kontraktwal na manggagawa, malaki ang proportion na kuntento sa trabaho nila dahil sa mga benepisyong nakukuha tulad ng overtime pay, minimum wage, at 13th month pay. 

Pero siyempre, hindi naman lahat ng manggagawang kontraktwal ay nakukuha ang mga ito. May mga kumpanya na hindi kayang ibigay ang mga ganitong mga benepisyo.

Totoo bang makasasama ang SOT bill sa mga kumpanya?

May mga posibleng negatibong epekto ang SOT bill.

Una, dahil kailangan na nilang tratuhing regular na empleyado ang mga manggagawa, maaaring magdulot ito ng mas mataas na gastos sa mga kumpanya dahil sa dagdag benepisyong kailangan nilang ibigay .

Ikalawa, dahil dito, mas kinakailangang matiyak ng mga kumpanya na angkop nga ang kukuning aplikante dahil mataas ang firing costs (o ang gastos kaugnay sa pagsisante ng mga manggagawa tulad ng dagdag benepisyo at mga posibleng kaso sa National Labor Relations Commission).  

Ibig sabihin, mas tataas ang hiring costs. Kasama dito ang pag-advertise ng job vacancy, pag-interview, at kung anu-ano pang mga gastos upang malaman kung karapat-dapat nga ang aplikante.

Ikatlo, kung halimbawang maaaring i-outsource ang ibang mga trabaho, kailangan nilang maghanap ng lisensyadong job contractor. Dahil sa dami ng requirements upang maging lehitimong job contractor, posibleng sila ay maningil ng mas malaking bayarin sa mga kumpanya. Sa makatuwid, dagdag gastos na naman ito.

Masama rin ba ang SOT bill sa mga manggagawa?

Bagamat magandang ma-regular ang mga empleyado, lalo na’t mahirap kumita sa ngayon, maaari rin itong makasama sa kanila.

Isang dahilan ay maaaring maghigpit ang mga kumpanya sa pagkuha ng empleyado. 

Posibleng itaas nila ang standards o qualifications ng mga empleyado, tulad ng mas mataas na lebel ng edukasyon, o di kaya’y mas mahabang work experience.

Ikalawa, may mga kumpanya na maaaring hindi kayanin ang karagdagang gastos, lalo na ang maliliit na business o micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Kung sila’y magsasara, mawawalan din ng trabaho ang kanilang mga empleyado. 

Kung halimbawang maraming kumpanya ang sabay-sabay magsara, maraming mawawalan ng trabaho at mahihirapan silang maghanap ng panibagong trabaho. 

Makikita ang mekanismong ito sa kabuuang labor market (Figure 1). Ang pagbaba ng demand ng labor mula sa mga kumpanya ay posibleng magpapababa ng dami ng employed at ang pagbaba ng sahod. 

Hindi ito makabubuti sa ekonomiya, lalo pa’t tumataas ang supply ng manggagawa dahil sa patuloy na pagtaas ng populasyon.

Figure 1 - labor supply and demand
Source: Usapang Econ Blog.

Paano natin mababalanse ang interes ng mga manggagawa at kumpanya?

Ang pangunahing concern ng gobyerno ay dapat sa kapakanan ng mga tao. Ngunit ang pagtingin ng solusyon sa issue na ito ay dapat hindi lamang sa panandalian o short-term, kundi sa pangmatagalan o long-term.

May mga ekonomistang nagsasabi na ang dapat pagtuunan ng pansin ay ang pagpapabuti ng economic environment upang dumami ang mga kumpanya na makakapagbigay ng trabaho. 

Ang kwalipikasyon ng mga manggagawa, kasama na dito ang edukasyon at skills, ay kailangang mapabuti ng pamahalaan upang matulungan silang makahanap ng maayos at disenteng trabaho.

Pwede ring tignan ng gobyerno ang iba pang uri ng suporta para sa manggagawa upang matulungan silang kayanin ang mataas na cost of living. 

Ang mga polisiya ay maaaring mag-focus sa safety nets tulad ng health insurance, mas mura at accessible na pagkain, at mabuting imprastraktura tulad ng maayos na pampublikong transportasyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s