Ni Paul Feliciano
Tayong mga Pinoy ay likas na masikap at madiskarte sa buhay. Kadalasan, layunin nating makapagbigay ng maginhawang buhay para sa sarili at sa pamilya.
Maraming paraan upang makamit ito tulad ng pagkuha ng regular na trabaho, pagiging self-employed, o kaya ang pagkakaroon ng sariling negosyo.
Habang lumalaki ang kita, lumalaki rin ang gastusin. Gayunpaman, dumadami rin ang oportunidad para makaipon ng savings.
Iba’t-iba ang layunin natin sa pag-iipon.
Una ay para may pangtustos tuwing emergency, tulad ng pagkakasakit. Pangalawa ay ang pagpundar ng bahay o pagbili ng sasakyan. Kung may pamilya ka, kasama na rito ang gastos sa edukasyon ng iyong mga anak. Pangatlo ay para sa seguridad ng isang maginhawang buhay lalo kapag magretire.
Ang mga ito ay tugma sa Ambisyon 2040 ng gobyerno, kung saan pinapalagay na layunin nating lahat magkaroon ng matatag, maginhawa, at panatag na buhay ang bawat Pilipino.
Ngunit ano nga ba ang mga magagandang paraan para magipon?
Paano makakamit ang isang maginhawang buhay?
Sa lahat ng oras, sinisikap natin na mapabuti ang ating mga buhay. Kasama na rito ang tamang paggamit ng pera at paglalaan ng savings sa mga produktong pinansyal na nagbibigay ng interes o karagdagang kita.
Isang instrumento na sigurado ay ang pagbubukas ng account sa bangko.
Ngunit sadyang kaunti lang ang naibibigay na interes nito at hindi ito sapat para tuluyang mapalago ang pinag-ipunang pera. Mas kaunti pa ito kapag mataas ang inflation. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)
Depende sa risk appetite at antas ng kaalamang pinansyal, maaari mong ilagak ang pera sa stock market, insurance o iba pang sopistikadong produktong pinansyal. Magkakaiba ang returns o balik ng bawat produkto at walang kasiguruhan ang kita. Sa mga nabanggit, ang pag-invest sa stocks and may pinakamalaking risks pati narin ang returns.
Sa tamang pamamahala ng iyong pera, maaaring lumago ang kapital at makamit ang layunin na magkaroon ng maginhawang buhay.
Sa kabila nito, may mga nagsasamantala kay Juan at Juana.
Ang pangako nila ay malaking tubo at halos walang risks. Tinatawag itong Ponzi scheme, hango kay Charles Ponzi na nag-imbento nito. Mahalaga na pag-usapan ito dahil malaki ang panganib na dulot ng mga Ponzi scheme sa kinabukasan ng bawat Pinoy.
Ano nga ba ang isang Ponzi scheme?
Magkakahawig ang lahat ng Ponzi scheme, at ay dalawang elemento ito.
Una, ito ay karaniwang may malaking interes na walang katumbas na risks. Ito ay pangako na mababawi ang pera sa madaling panahon at walang kaakibat na kondisyon maliban sa paglalagak ng pera.
Pangalawa, sinisigurado nito na mababawi ng investors ang kanilang pera para magmukha itong lehitimo.
Ngunit ang katotohanan ay walang pundasyon ang isang Ponzi scheme. Nakasalalay lang ito sa patuloy na paglagay ng kapital ng mga late investors o narerecruit na investors. Sila kadalasan ang talo sa ganitong sistema.
Ponzi schemes sa Pilipinas
Nitong nakaraang mga linggo, naging mainit ang usapin tungkol sa isang relihiyosong grupo na tinatawag na Kapa Community Ministry International Inc. (o Kapa Ministry) na itinatag sa Bislig City, Surigao del Sur noong 2015.
Ayon sa mga ulat, sa bawat piso na donasyon mula sa mga miyembro nito makakatanggap sila ang buwanang 30% na “blessings” hanggat nabubuhay sila.
Kung tutuusin, maibabalik ang donayon sa loob lamang ng apat na buwan (Figure 1). Makikita sa dilaw na parisukat na kung naglagak ka ng “donation” sa noong January 1, makakakuha ka na dapat ng “blessings” pagdating ng May 1.

Ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), ang ganitong scheme ay tinatawag na affinity fraud. Kinukuha ang loob ng mga biktima nito sa pamamagitan ng pagsali nila sa isang grupo na kung saan nagaganap ang panloloko. Nagkataon na relihiyosong organisasyon daw ang Kapa, kaya mas madali itong makahimok ng mga tao.
Dagdag pa rito, di makatotohanan ang kaperahan ng Kapa. Kailangan nito ang P50 bilyon sa loob ng tatlong buwan kung magpasya itong bayaran ang 5 milyong miyembro nito (kung ang bawat isa sa kanila ay may donasyon na di bababa sa P10,000).
Kung gayon, daig pa ng Kapa ang kita ng mga malalaking negosyo sa laki ng kapital na kailangan! Base sa ebidensya, masasabi talagang Ponzi scheme ang Kapa.
Ano ang magagawa ng gobyerno ukol dito?
Ayon sa mga balita, may mga investor ang Kapa na nilagak ang buong ipon nila sa Kapa, o nagbenta pa ng mga ari-arian para lang makapag-invest dito.
Maiiwasan sana ito kung sapat ang financial literacy sa bansa. Ngunit hindi.
Isa kada apat o 25% lamang ng mga Pilipino na edad 15 pataas ay maituturing na financially literate o may kakayahan na gumawa ng desisyon ukol sa pagiipon, pamumuhunan, pangungutang at iba pa (Figure 2).
Kung ihahambing, nahuhuli tayo kumpara sa Singapore (59%) at Malaysia (36%), pero halos pantay lang sa Thailand (27%) at Viet Nam(24%).

Malaki ang responsibilidad ng gobyerno para makamit ang matatag, maginhawa at panatag na buhay ng bawat Pilipino.
Ngunit higit sa pagtaas ng per capita income o kita ng bawat tao, dapat pang i-promote ang financial literacy ng bawat Juan at Juana.
Kailangan ding palawigin ang proteksyon sa mga konsumer mula sa mga scam tulad ng Kapa na maaaring ubusin ang ipon at sirain ang mga buhay ng mga tao sa isang iglap.
Great explanation! Yes its pure Ponzi scheme and entering the scheme is basically like gambling.
LikeLike