Ni Jefferson Arapoc

Untitled

Marami ang nagulat sa naitalang GDP growth rate sa unang quarter ng 2019.

Umabot lamang ito sa 5.6%, higit na mas mababa sa 6% hanggang 7% na target ng gobyerno. Ito rin ang pinakamabagal na paglago ng ating ekonomiya sa nakalipas na apat na taon (Figure 1).

Kaakibat rin nito ay ang mataas na inflation na nagsimula noong 2018.

Picture1
Figure 1. GDP growth ng Pilipinas kada quarter simula 2015

Subalit ipinagwalang-bahala ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang naitalang pagbagal ng ekonomiya. Pansamantala lang daw ito at sisigla rin ang ekonomiya sa mga susunod na buwan.

Gaano nga ba katotoo ang pahayag na ito ng Malacañang? At ano nga ba ang epekto ng pagbagal ng ekonomiya sa mga ordinaryong mamamayan?

Balikan natin: Ano ang GDP?

Ano nga ba ang kahulugan ng gross domestic product (GDP)?

Ang GDP ay ang halaga ng lahat ng produkto at sebisyong ginawa sa loob ng isang ekonomiya sa loob ng isang panahon. (BASAHIN: Paano sinusukat ang isang ekonomiya?)

Isa sa mga paraan upang sukatin ang GDP ay sa pamamagitan ng pagtingin sa paggastos ng economic agents sa loob ng isang bansa. Binubuo sila ng mga pribadong pamilya, mga negosyo, gobyerno, at mga exporters at importers o mangangalakal sa pandaigdigang merkado (Figure 2).

Screen Shot 2019-06-19 at 5.05.07 PM
Figure 2. Isang Paglalarawan sa Pagsukat ng GDP

Ngayong taon inaasahan sana na lalago ang ekonomiya sa tulong ng eleksiyon. Malaki kasi ang ginastos ng mga kandidato sa kampanya, lalo na sa karera sa sa pagka-senador. May mga nagsasabing mahigit sa isa’t kalahating bilyon piso ang inilabas para sa kampanya.

Kung gayon, ang gastos sa eleksiyon ay nagsisilbing economic stimulus dahil hindi ito pangkaraniwan at nangyayari lamang kada tatlong taon.

Ngunit hindi ito naging sapat para higitan ang paghina ng ekonomiya. Bakit kaya?

Bakit bumagal ang paglago ng ekonomiya?

Malaking sanhi ng pagbagal ng ekonomiya ang pagkaantala ng 2019 national budget.

Hindi naisabatas ang 2019 budget sa takdang panahon at kinailangang gamitin ang aprubadong 2018 budget. Tinatawag itong reenacted budget.

Nangyari na ito tatlong beses sa loob ng siyam na taon sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Negatibo ang epekto nito sa isang lumalaking ekonomiya dahil maraming proyekto ng gobyerno ang mawawalan ng pondo, at hindi sila maihahatid o maitatayo sa natakdang panahon. Higit sa lahat, apektado ang Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte na siyang inaasahang lilikha ng mga trabaho at proyektong imprastraktura.

Halimbawa, napakaraming batang gustong mag-aral ngunit kulang ang mga silid-aralan. Napakarami ring motorista ngunit di naman lumalaki o lumuluwag ang mga daan. Ang mga problemang ito at hindi matutugunan sa ilalim ng isang reenacted budget. Kung ating papasimplehin, ang pagkakaroon ng reenacted budget ay parang pagsusuot ng luma mong damit na hindi na kasya sa iyo (Figure 3).

Screen Shot 2019-06-20 at 2.44.58 PM
Figure 3. Maraming proyekto ang naapektuhan ng reenacted budget

Masama rin ang epekto ng El Niño sa sector ng agrikultura na nagtala lamang ng pagtaas ng 0.8%.

Bumaba ang produksyon sa agrikultura (maliban sa mga mangga) dahil sa mainit na panahon at kakulangan ng tubig. Maliban dito, humina ang kita ng mga magsasaka, at nagdudulot rin ito ng pagtaas sa presyo ng gulay at prutas.

Bakit importante ang gobyerno sa ekonomiya?

Malaki ang papel ng gobyerno sa paglakas ng ekonomiya dahil sa multiplier effect ng bawat proyektong kaniyang ipapatupad.

Sinasabi ng multiplier effect na kapag gumastos ka sa isang bagay, may panggastos na yung pinagbilhan mo, at sa paggastos niya, lalaki rin ang kita ng pinagbilhan niya, atbp.

Ganito rin ang epekto pag gobyerno ang gumastos. Kapag lumikha ito ng bagong tulay o kalsada ay lumilikha rin ng mas maraming trabaho tulad ng mga construction workers at mga tindero at tindera ng pagkain katabi ng construction site.

Ang pagbili naman ng mga materyales na gagamitin sa mga ito ay magsisilbing kita ng mga negosyante na may pambili na para sa kanilang expansion (Figure 5).

Screen Shot 2019-06-19 at 8.32.16 PM
Figure 5. Multiplier Effect ng Government Spending

Kaya naman kapag naantala ang mga proyekto ng gobyerno, nawawala ang magagandang oportunidad dulot ng multiplier effect.

Bukod sa gobyerno, dapat din tugunan ang matamlay na sektor ng agrikultura kung saan mahigit 25% o 10 milyong Pilipino ang umaasa para sa kanilang kabuhayan.

Ang seguridad sa pagkain at malakas na produksyon ay makakatulong sa kita ng ating magsasaka, lalo na sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin.

May dapat ba tayong ikabahala?

Maraming international economic think tanks ang nagbaba ng kanilang GDP forecast para sa taong 2019, gaya na lamang ng World Bank (WB), Asian Development Bank (ADB), at International Monetary Fund (IMF).

Pero sa kabila nito, nanatiling positibo ang kanilang kabuoang pananaw sa ating ekonomiya.

Inaasahan ring makabubuti sa ekonomiya ang patuloy na pagbaba ng inflation rate, sapagkat makatutulong ito upang pasiglahin ang konsumo ng mga mamimili sa bansa.

Kung tutuusin, hindi rin naman masama ang 5.6% GDP growth rate kung ikukumpara ito sa ating mga karatig bansa sa Asia. Pero kumpara sa orihinal na target ng gobyerno, di hamak na kaya pa natin itong pagbutihin.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s