Ni Rainier Ric B. de la Cruz
Mag-iisang buwan na ang nakararaan matapos ang eleksiyon noong May 13. Maraming nadismaya sa mga resulta, at marami rin namang natuwa.
Pero ano kaya ang mga salik na nakaapekto sa pagdedesisyon ng mga botante?
Sa article na ito ipapakita natin na maraming masasabi ang economics ukol dito. Di ba nga’t “science of making choices” ang economics?
Sa katunayan, lahat ng botante ay biased sa kanilang pagboto.
Rational choice: Ang tradisyonal na pananaw
Ang tradisyonal na pananaw ng mga ekonomista ay tinatawag na rational choice theory.
Pinapalagay na ang bawat indibidwal ay mapanuri o rational sa kanyang mga desisyon sa buhay. Hawak ng bawat tao ang lahat ng impormasyong kailangan niya upang magdesisyon (perfect information) at gamit ito, pinipili niya kung ano ang makapagbibigay sa kanya ng pinakamalaking pakinabang (maximum utility).
Ang rational na tao ay magaling magtuos o magcalculate ng benefits at costs ng kanyang mga desisyon. Samakatuwid, siya ay Homo economicus.
Sa konteksto ng eleksiyon, ang mga tao ay dapat pumili ng mga kandidatong sa tingin nila ay magbibigay ng pinakamalaking pakinabang para sa bayan.
Sa halip na iboto ang mga walang alam sa pamumuno, trapo, o magnanakaw, dapat iboto ng mga tao ang mga may karanasan, husay, at integridad.
Bounded rationality: Ang makabagong pananaw
Ngunit ang tradisyonal na pananaw na ito sa economics ay napapalitan na ng mga bagong pananaliksik sa isyu ng decisionmaking. Nakapaloob ito sa larangang tinatawag na behavioral economics.
Ngayon, pinapalagay na ang mga tao ay may “bounded rationality” o limitadong kapasidad upang mag-isip sa rational na paraan. Maling isipin na naglalakad na mga computer ang mga tao, tulad ng inaakala ng rational choice.
Sa librong Thinking, Fast and Slow na isinulat ni Daniel Kahneman, isang behavioral psychologist na nanalo rin ng Nobel Prize sa economics, may dalawang sistema tayo ng pag-iisip (Figure 1).

Ang una ay ang System I (o Automatic System) na ginagamit natin sa mga bagay na hindi masyadong nangangailangan ng matinding pag-iisip. Madalas itong nakasalalay sa ating intuition.
Halimbawa, kapag napaso ang bibig mo ng mainit na kanin, kapag namimili ka ng pipilahan sa grocery, o kapag tinanong ka kung ano ang 1+1. Di mo na kailangang isipin nang matagal ang gagawin o sasabihin mo.
Samantala, ang System II (o tinatawag na Reflective System) ay mas mabagal, mas kontrolado, at mas malalim na paraan ng pag-iisip. Kalimitan itong ginagamit sa mga mas komplikadong problema o desisyon.
Halimbawa, kapag tinanong ka kung ano ang 17×35, kapag nagdedesisyon ka kung mangingibang-bayan, o kapag namimili ka ng pakakasalan, hindi ka (kadalasang) sasagot kaagad. Kailangan mo itong pag-isipan nang mas maigi.
Biased sa pagboto
Pagdating sa pagboto, mas maganda siguro kung ginagamit natin ang System II sa pagdedesisyon. Napakakomplikado ng pamumuno (governance) at kailangang busisiin ang kakayahang mamuno ng mga nangangarap maging lider.
Subalit ayon sa mga pag-aaral at eksperimento, madalas ginagamitan ng System I ang pagboto. Maraming cognitive biases kasi na pumapalit sa dapat sana’y masusi at matalinong pagboto:
- Confirmation bias: Madalas naka-focus lamang tayo sa mga ebidensya na susuporta sa ating mga argumento o pananaw, at tinataboy ang mga maaring tumaliwas dito. Sa Facebook o Twitter, halimbawa, mas nila-like mo ang mga post na sumasang-ayon sa mga pananaw mo.
- Affinity bias: Ito ang kagustuhan nating makasalamuha lamang ng mga taong kapareho nating mag-isip. Makikita mo ito sa pagfollow o pagblock mo sa mga tao sa social media.
- Bandwagoning: Sumusunod lang tayo sa nais ng nakakarami, kahit na hindi mo naman lubusang pinag-isipan kung bakit.
- Status quo bias: Ito ang pagtanggi sa pagbabago dahil gusto mong panatiliin ang kasalukuyan. Kaya naman sa midterm elections, madalas may advantage talaga ang administrasyon.
- Heuristics: Mga mental shortcut. Kaya naman maraming umaasa sa “sample ballots” tuwing eleksiyon para di mahirapan ang mga tao na magmemorize kung sino ang iboboto.
- Attentional bias: Madalas ay nakafocus tayo sa mga bagay na pumupukaw sa ating atensyon. Di kagulat-gulat na mas maraming naakit sa “budots” dance ng isang politiko kaysa sa mga boring o matagal na debate. Alam rin ito ng mga politiko, kaya maraming di na nag-abalang sumali sa mga debate.

System I o System II?
Sa totoo lang, lahat tayo ay biased sa pagboto at di ito katakataka.
Sa isang panayam kay Daniel Kahneman tungkol sa nakaraang US presidential elections, ipinunto niya na pati mga Amerikano ay biased sa mga pinunong mabilis magdesisyon (System I) kaysa sa mga mabagal magdesisyon (System II). Itinuturo rin itong dahilan sa pagsikat ng mga populist sa buong mundo ngayon.
Ang tanong, anong sistema nga ba ang dapat pairalin ng mga Pilipinong botante tuwing halalan?
Dapat ba tayong mag-isip nang masinsinan gamit ang System II? O magpadala na lamang sa bugso ng damdamin gamit ang System I?
Paano kaya natin magagamit ang mga aral ng behavioral economics para pagbutihin ang pagboto natin sa mga susunod na eleksiyon?