Ni JC Punongbayan
Tapos na ang eleksiyon at balik trabaho na ang mga mambabatas.
Tinukoy na ni Speaker Gloria Arroyo ang mga batas na nais nilang isulong sa Mababang Kapulungan, kasama ng Senado (Figure 1). Sa 12 na panukala, pang-11 ang “Resolution Proposing the Revision of the 1987 Constitution of the Republic of the Philippines.”
Matatandaan na ito ang panukalang baguhin ang konstitusiyon ng Pilipinas patungo sa pederalismo.

Pero noong isang araw nagpahayag din si Sec. Ernesto Pernia ng NEDA na sa pagtataya ng economic managers ni Pangulong Duterte ay hindi pa handa ang Pilipinas sa pederalismo.
“Ang isip ng karamihan namin ay hindi tayo prepared for federalism,” ani Pernia. (Tignan ang video sa ibaba.)
Hindi ito ang unang beses na sinalag ng economic managers ang ideya ng pederalismo. Nauna nang sinabi noon ni Pernia na maaring magdulot ng kaguluhan (“wreak havoc”) ang pederalismo sa ating ekonomiya.
Kailangan ba natin ang pederalismo? Ano ba ang pros and cons nito? Ilista natin ang 3 argumento pabor at 3 argumento kontra sa pederalismo.
Argumento pabor sa pederalismo
Una, makatutulong daw ang pederalismo para bawasan ang kahirapan sa bansa.
Marami talagang mga rehiyon at probinsya na nahuhuli sa kaunlaran. Halimbawa, bagamat bumaba sa 21% ang kahirapan sa buong Pilipinas sa unang 6 na buwan ng 2018, nakapataas pa rin nito sa ilang rehiyon tulad ng ARMM (63%) at Zamboanga Peninsula (40%).
Sa pamamagitan daw ng pederalismo ay mas makakahabol ang mga mahihirap na rehiyon sa mga mayayaman.
Pangalawa, bibigyang laya raw ng pederalismo ang mga lokal na pamahalaan para mas makapamuno sa kanilang mga nasasakupan.
Sinasabi na sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas maraming kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan (“federated regions”) ay mas makokontrol ng mga lokal na lider ang pag-unlad ng kani-kanilang mga lugar.
Samakatuwid, mas matutugunan din nila ang mga hinaing at pangangailangan ng kanilang mga mamamayan.
Pangatlo, masyado na raw masikip sa NCR o National Capital Region, at nagdudulot ito ng matitinding problema tulad ng trapik at polusyon.
Binanggit mismo ni Pangulong Duterte na ang Maynila ay magiging “dead city” na sa loob ng 25 taon. Bagamat 12 milyon ang nakatira sa NCR, lumulobo ang populasyon nito sa 15 milyon kapag araw dahil sa mga dumadayo para magtrabaho.
Inaasahan na kapag umunlad daw ang ibang mga rehiyon dahil sa pederalismo ay luluwag rin ang NCR.
Argumento kontra sa pederalismo
Una, hindi tiyak na mababawasan ang kahirapan o ‘di pagkakapantay-pantay ng mga kita ng Pilipino.
Sa isang 2018 na pag-aaral nina National Scientist Raul V. Fabella at Prof. Sarah Daway-Ducanes ng UP School of Economics, ipinakita nila gamit ang datos mula sa iba’t-ibang bansa na ang pederalismo ay maiuugnay sa mas mataas na antas ng poverty (kahirapan) at income inequality.
(Panoorin ang interview nila sa ANC ukol dito.)
Pangalawa, hindi maganda ang mga insentibo sa mga lokal na pamahalaan ayon sa mga panukala.
Idineklara ng Korte Suprema noong Hulyo 2018 na lahat ng LGU o local government unit ay dapat makakuha ng 40% ng lahat ng kita ng pambansang pamahalaan. Pinapakita nito na kaya pala nating bigyan ng malalaking pera ang mga LGU kahit sa kasalukuyang konstitusyon.
May mga kamukhang probisyon sa mga plano sa pederalismo. Halimbawa, paghahatian ng “federated regions” ang kalahati ng lahat ng kita ng pambansang pamahalaan. Popondohan rin ng mga mayayamang rehiyon ang mahihirap na rehiyon gamit ang “equalization fund.”
Dahil sa mga ito, maaaring lumobo ang budget deficit (o kakulangan sa pondo) ng gobyerno lagpas ng 6%, o mahigit doble ng orihinal na 3% limit.
Pangatlo, maaaring gamitin ang charter change para magsingit ng mga makasasamang probisyon.
Halimbawa, sa draft nina Speaker Arroyo tinanggal ang ban on political dynasties at pati ang term limits sa lahat ng mambabatas. Ang mga ito ay probisyon na inilagay para malimitahan ang abuso sa kapangyarihan ng mga politiko (bagamat pwede rin magdebate kung gaano kaepektibo ang mga ito).
Sinasabi rin ng ilang legal experts na ang “transitory provisions” ay maaring gamitin para magdeklara ng revolutionary government o palawigin ang termino ng presidente atbp.
Kailangan pang pagdebatehan
Napakaraming argumento pabor o kontra sa pederalismo, at kailangan pa itong pagdebatehan nang maigi—di lamang ng mga mambabatas kundi pati ng mga ordinaryong mamamayan na siyang mag-aapruba o kokontra rito sa huli.
Pero kung ang tatanungin ay ang economic managers, hindi pa handa ang Pilipinas sa pederalismo. Mag-focus na lamang daw tayo sa “regional development” na kaya namang gawin nang di pinapakialaman ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan.
Pero ikaw, ano sa tingin mo?
Hanggat may culture of corruption ang mga opisyales ng gobyerno, hindi nababagay ang pederalismo sa bansa natin dahil lalo pa nitong palalawigin . Meron ding posibilidad na lalong titindi ang political dynasty kapag isulong natin ang pederalismo.
LikeLike