Ni Jefferson Arapoc

Jeff

Papalapit na nang papalapit ang araw ng eleksyon, at marahil sawang-sawa ka na makita ang mukha ng mga pulitiko sa kalsada, sa TV commercials, o maging sa iba’t-ibang social media platforms.

Simple lang naman ang gusto nilang mangyari, ang makuha ang matamis mong “oo” (boto) sa darating na halalan.

Pero gaano nga ba kahalaga ang ating boto sa darating na Mayo? At bakit kailangan nating maging mapili sa mga kandidatong ating ihahalal?

Ang eleksyon ay parang job hiring process kung saan may kumpanyang naghahanap ng mga emplyedong magpapatakbo ng kanyang negosyo. Upang mapalago niya ito, kinakailangan niya ng mga kwalipikado at mapagkakatiwalaang empleyado.

Pero paano nga ba natin masisiguro na gagampanan ng isang empleyado ang kanyang tungkulin na mapalakad ang ating kumpanya ng maayos? Maaring kulang ang impormasyon na ibinibigay ng mga aplikante, at dahil dito maaring mauwi ito sa maling pagpili ng empleyado. Tinatawag itong ‘information asymmetry’.

Ano ang information asymmetry?

Ang information asymmetry ay sitwasyon kung saan hindi pantay ang impormasyong taglay ng dalawang partidong pamupasok sa isang transaksyon.

Halimbawa, limitado ang impormasyong nalalaman ng kumpanya sa mga aplikanteng interesado sa trabaho.

Kaya naman upang mabawasan ang problemang hatid ng information asymmetry, maraming dokumentong hinihingi sa mga aplikanteng nagnanais magkatrabaho, gaya nalamang ng résumé, diploma, transcript of records, NBI Clearance, at medical records. Bukod sa mga ito, maaari rin silang dumaan sa job interviews at background checks.

Bagamat malaki ang maitutulong ng mga ito sa hiring decision ng isang kumpanya, dapat din nating tandaan na hindi sila perpektong batayan upang masukat ang galing ng isang aplikante.

Ang problemang ito ay kahawig sa suliraning kinakaharap nating mga botante sa paparating na halalan.

Napakaraming kandidato (aplikante) ang nagnanais makaupo (magkatrabaho) sa mga bakanteng posisyon sa ating gobyerno (kumpanya). Subalit mahirap para sa maraming botante na alamin kung sino nga ba sa kanila ang karapat-dapat na iboto (gawing empleyado).

Ano ba ang maaaring gawin?

Gaya nga ng laging sinasabi ni Ka Ernie Baron noong nabubuhay pa siya, kung walang knowledge, walang power.”

Malaki ang magiging papel ng tamang impormasyon sa pagpili natin ng tamang kandidato sa darating na eleksyon.

Una, importanteng malinaw sa atin ang job description ng bawat posisyong tinatakbuhan ng mga kandidato.

Ang job description kasi ang magdidikta kung anong kwalipikasyon ang dapat mong tignan sa pagpili ng kandidatong iboboto. Halimbawa, alam mong kailangang marunong magluto ang isang aplikanteng nag-aapply bilang cook sa isang restaurant.

Kaya naman mahalagang alam natin kung ano ang pagkakaiba-iba sa trabaho ng senador, mayor, congressman, at iba pa.

Pangalawa, kilalanin natin ang lahat ng tumatakbong kandidato sa bawat posisyon.

Hindi sapat na mag-focus lamang tayo ng mga kandidatong pamilyar na sa atin.

Ituring natin ang bawat kandidato na aplikante sa ating kumpanya. Alamin natin ang kanilang educational background, previous work experience, at iba bang impormasyong magagamit nating pamantayan ng kanilang kwalipikasyon.

Bukod sa kwalipikasyon ng mga kandidato, isaalang-alang rin natin ang integridad ng mga tumatakbo.

Dapat lamang na sila ay mapagkakatiwalaan dahil malaki ang magiging papel nila sa paggamit ng pera ng bayan. Mahirap ito malaman, ngunit mainam na tignan ang kanyang dating record kung siya ba ay tapat o may kahina-hinalang kasaysayan.  

Pangatlo, alamin natin ang posisyon ng mga kandidato sa iba’t-ibang isyung kinakaharap ng ating bansa.

Tandaan, ang bawat desisyon ng mga politiko ay may kaukulang epekto sa pang araw-araw nating pamumuhay.  Kaya naman importanteng malaman kung ano ang kanilang pananaw upang tugunan ang mga isyung pang-ekonomiya

Halimbawa, pabor ba sila sa mas mataas na buwis? Sa TRAIN law sequels? Sa death penalty? Sa divorce? At siyempre, dapat nating malaman kung kaya ba nila ito panindigan, lalo na’t madaling magbitiw ng mga salita habang nangangampanya

Bukod dito, mahalaga ring malaman natin ang priorities ng mga tumatakbong kandidato, dahil posibleng makaapekto ito kung paano hahatiin ang budget ayon sa kanilang prayoridad. Kailangan nating bumoto ng mga pulitikong may kongkretong plano sa mga sektor na nangagailangan ng matinding pamumuhunan tulad ng edukasyon, pangkalusugan, at iba pang mahahalagang usapin.

Tignan ang link na ito para sa summary ng platforms ng mga tumatakbo bilang senador:

Screen Shot 2019-04-23 at 5.12.32 PM.pngGawa ni Bella Brillantes.

Panghuli, tumulong tayo sa pagpapalaganap ng tamang paraan sa pagkilatis ng mga tumatakbong kandidato.

Wag nating hayaang maging hadlang ang kawalan ng pondo ng mga kwalipikadong kandidato sa kanilang pagkapanalo. Malayo ang mararating ng mga simpleng pakikipag-usap natin sa mga tricycle drivers, mga tindera sa sari-sari stores, at sa iba pang mga taong nakakasalamuha natin sa pang araw-araw.

Kung gusto talaga natin ng tunay na pagbabago, wag na siguro natin itong iasa sa pangako ng mga politiko. Bagkus, simulan natin ito sa matalinong pagboto.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s