Ni Marianne Joy Vital
Eto ang una sa dalawang posts tungkol sa water crisis na naranasan ng Maynila at mga karatig na lugar sa mga nakalipas na linggo. Subukin nating sagutin ang tanong gamit ang economic concept na “public good,” at ang papel ng gobyerno sa pagbigay ng serbisyo ng tubig.
Malaking isyu ngayon ang krisis sa tubig na nakaapekto sa milyon-milyong residente ng Metro Manila.
Dahil sa malaking abalang dulot ng water crisis, marami ang nagtatanong: Di ba dapat libre ang tubig? Bakit hindi na lang ibalik sa gobyerno ang serbisyo ng tubig?
Tubig bilang karapatang pantao
Marami ang naniniwalang ang pagkakaroon ng tubig ay karapatang pantao, at dahil dito ay dapat gobyerno ang mag-supply nito.
Kinilala ito ng United Nations General Assembly noong July 2010, sa pamamagitan ng paglagda sa isang resolusyon. Samantala, layon naman ng Sustainable Development Goals na mabigyan ng lahat ng tao ng access sa malinis at maaasahang supply ng tubig pagdating ng 2030.
Ang pagturing sa tubig bilang karapatan ay sinusuportahan ng mga pagaaral: importante ang access sa tubig upang tugunan ang kahirapan at mabawasan ang mga problemang pangkalusugan.
Regulasyon ng tubig
Kinikilala ng Pilipinas ang importansya ng tubig. Kaya naman may mga batas ukol sa pangangalaga at paggamit nito, pati mga regulasyon sa pagbigay ng tubig sa mga mamamayan.
Kabilang dito ang Presidential Decree No. 1067 (series of 1976) na siyang nagbibigay diin sa kapangyarihan ng gobyerno pagdating sa paggamit ng tubig.
Ang National Water Resources Board ang ahensyang naatasang mag-isyu ng permit sa paggamit nito, tulad ng irigasyon at pagkonsumo ng mga mamamayan.
Ang Provincial Water Utilities Act of 1973 naman ay nagbibigay ng responsibilidad sa mga lokal na pamahalaan (local government unit o LGU) upang tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbuo ng “water district.” Posibleng ito ay pagmamay-ari ng LGU o di kaya pribadong kumpanya na binigyan ng prangkisa ng gobyerno para mag-operate ng water systems na sakop ng LGU.
Ang RA 6234 naman ang nagtayo ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa Metro Manila.
Klaro na ang tubig ay nireregulate ng pamahalaan. Ngunit parehas ba ito sa pagsasabi na ang tubig ay “public good”?
Ano ang public good?
Sa economics, ang public good ay may dalawang katangian: non-excludable at non-rival.
Una, ito ay non-excludable. Ibig sabihin, hindi mapipigilan ang pagkonsumo nito ng kahit sino, kahit ayaw niyang magbayad. Mapipigilan lang siya sa pagkonsumo kung may mga hadlang na magdudulot ng karagdagang gastos mula sa pamahalaan.
Ikalawa, ang public good ay dapat non-rival. Ibig sabihin, ang pagkonsumo ni JC nito ay hindi makakaapekto sa pagkonsumo ni Jeff, ni Paul, o ni Rainier.
Tinatawag na “pure” public good kung parehas na non-excludable at non-rival. Mga halimbawa ay ang ilaw sa kalsada, fireworks display tuwing New Year’s eve, at ang malinis na hangin sa probinsya.
“Impure” public goods naman ang tawag kung isa lang sa 2 kondisyon (non-excludable o non-rival) ang natutupad.
Kung kahit isa ay hindi matupad, ito ay “private good.”
Makikita ang mga halimbawa sa Table 1.
Non-excludable | Excludable | |
Non-rival | Pure public good:
Ilaw sa kalsada |
Impure public good (Club Good):
South Luzon Express Way |
Rival | Impure public good (Common Pool Resource):
Palaisdaan |
Private good:
Isaw |
Table 1: Classification ng iba’t-ibang “goods” at mga halimbawa.
Ang tubig ba ay public good?
Gamit ang classification sa itaas, public good ba ang tubig?
Una, non-excludable ba ito? Kung iisipin, hindi. Madaling pigilan ang isang konsumer tulad ni Jeff na kumonsumo ng tubig. Kung hindi niya ipapa-connect ang kanyang bahay sa isang water system, hindi siya makakakuha ng tubig.
Kung halimbawa naman na siya ay malapit sa mga water reservoir, kailangan pa rin niya kumuha ng permit mula sa gobyerno.
Pangalawa, non-rival ba ang tubig? Hindi rin ang sagot. Kung si JC ay kumokonsumo ng isang galong tubig, mababawasan ang pagkonsumo ni Paul, Rainier, at Jeff. Dito nag-uugat ang water crisis: dahil sa kompetisyon ng mga tao at negosyo sa paggamit ng supply ng tubig.
Dahil excludable at rival ang tubig, ito ay maituturing na private good base sa Table 1.
Ang tubig bilang publicly-provided private good
Bagamat private good ang tubig, inako ng gobyerno ang distribution o pagbigay ng serbisyo na ito dahil ito ay importanteng aspeto sa pag-unlad ng bansa.
Sa katunayan, dating hawak ng gobyerno ang water systems gamit ang National Waterworks and Sewerage System (NAWASA), na pinalitan ng MWSS.
Kaya lang nagkaroon ng krisis sa tubig noong 1990s. Ang rason ng krisis ay dahil sa sinasabing “government failures”: burokrasya at kakulangan sa kakayahan.
Pagkatapos ng krisis, nagkaroon ng privatization ng MWSS kaya tayo ay may Manila Water at Maynilad sa Metro Manila.
Ngunit hindi naman nangangahulugan na mas epektibo lagi ang pribadong sektor. Mayroon ding tinatawag na “market failures,” lalo na kung wala masyadong kompetisyon sa industriya.
Kapag may monopoly, malamang ay aabusuhin ng isang kumpanya kanyang kapangyarihan, tulad ng pagdikta sa presyo. Wala rin itong insentibo na magbigay ng dekalidad na serbisyo dahil wala namang ibang choice ang mga tao.
Kung tutuosin, ang mga water concessionaire agreements natin sa Manila Water at Maynilad ay para na ring monopoly.
Dahil dito, mas lalong kinakailangan ng gobyerno na panatilihin ang mainam na regulasyon upang siguruhin ang kapakanan ng mga nagbabayad na konsumer.
So libre ba dapat ang tubig? Hindi, dahil ito ay private good.
Ngunit dapat sinisiguro ng pamahalaan na ito’y mura at madaling ma-access ng nino man, lalo na ng mga mahihirap.
Susunod, Part 2: Tama nga ba ang naging desisyon ng gobyerno na i-privatize ang serbisyong tubig? Ano ang pros at cons nito?
One thought on “Libre ba dapat ang tubig?”