Ni JC Punongbayan
Noong nakaraang linggo iniluklok ni Pangulong Duterte si dating Budget Secretary Ben Diokno bilang bagong pinuno (governor) ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Maraming nag-react sa balitang ito.
Sa isang banda, may PhD naman si Diokno sa economics at mahabang panahon siyang nagsilbi sa gobyerno bilang budget secretary at propesor sa UP School of Economics (UPSE).
Pero sa kabilang banda, marami ring nangangamba dahil sa dala-dala niyang “political baggage.”
Ano nga ba ang mga katangian ng isang ideal na BSP governor?
Una, mas maganda sana ang “insider” ng BSP ang susunod na governor.
Si Amando Tetangco Jr., na nagsilbing BSP governor mula 2005 hanggang 2017, ay nagtrabaho sa BSP simula pa noong 1974. Samantala, ang sumunod sa kanya, ang yumaong si Nestor Espenilla Jr., ay nagsimula sa BSP noong 1981 bilang fresh grad ng UPSE.
Si Diokno naman ay maituturing na “outsider” sa BSP.
Bagamat isa siyang tunay na ekonomista, ang karanasan at kasanayan niya ay nasa fiscal policy (na nakatuon sa kung paano kumikita at gumagastos ang gobyerno), hindi sa monetary policy (na nakatuon sa pagkontrol ng gobyerno ang supply ng pera sa bansa).
Para mapadali ang transition (at di na pagdaanan ang matarik na “learning curve”), umasa ang ilan na ang hahalili kay Espenilla ay isang insider sa BSP na dekada na ang karanasan sa pamamalakad nito.
Ito rin ang suggestion ng ilang mga batikang ekonomista ng UP.
Pangalawa, dapat walang masyadong “political baggage” ang susunod na BSP governor.
Maraming central bank sa mundo ngayon ang “independent” o malaya sa politika. Sa katunayan, pinapalagahan talaga ang independence ng mga central bank.
Importante ito dahil dapat di maimpluwensiyahan ng mga politiko ang economic environment ng bansa para sa sarili nilang kapakanan.
Maaari bang ituring na “apolitical” si Diokno?
Sa isang banda, siya ay naging budget secretary ni Pangulong Duterte mula 2016. Ibig sabihin, kamakailan lamang siyang naging alter ego ni Duterte sa mga isyung pang-budget at naging advocate pa ng mga polisiya tulad ng Build, Build, Build.
Nangagamba rin ang ilan na baka makompromiso ang mga imbestigasiyon sa bank accounts ni Duterte (ngayon o sa hinaharap) dahil ang BSP governor ang ex-officio chair ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.
Kamakailan nadawit din si Diokno sa kontrobersya nang pakiusapan ng maraming mambabatas na sibakin siya ni Duterte sa puwesto dahil sa mga paratang ng korapsiyon.
Sa tingin ng iba, binalak ding bakantehin ni Pangulong Duterte ang posisyon ng budget secretary at ilagay dito ang kaalyado niya rito.
Pangatlo, kailangang maging malinaw ang direksyon na tatakahin ng monetary policy sa pamumuno ng bagong governor.
Importante rin na maging malinaw sa mga tao ang posisyon ng BSP governor sa maraming isyung kinakaharap ng BSP.
Halimbawa, maraming agam-agam ngayon tungkol sa kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya: Patuloy ba na lalakas ang ekonomiya ng US o nagbabadya ba ang recession? Paano maaapektuhan ang Pilipinas ng trade war sa pagitan ng US at China pati ng Brexit?
Pagdating naman sa ating lokal na ekonomiya, itutulak ba ni Diokno ang mga polisiya (tulad ng mababang interes) para masuportahan ang Build, Build, Build ng Administrasyong Duterte?
Pagdating naman sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin, magiging maagap ba si Diokno na rumesponde rito gayong binabale-wala niya ito noong nakaraang taon?
Dahil walang karanasan si Diokno sa monetary policy, lahat ngayon ay nangangapa kung anong direksyon niya dadalhin ang BSP at ang monetary policy ng gobyerno.
Independent pa rin
Masasabing hindi ideal ang pagkakaluklok kay Diokno bilang BSP governor, at marami sanang mas bagay sa posisyong ito.
Ngunit marami ring dahilan para asahang mananatiling independent ang BSP bilang isang institusyon.
Una, iisa lamang si Diokno sa Monetary Board na siyang nagdidikta ng monetary policy para sa BSP.
Pangalawa, marami ring batikang ekonomista sa BSP ngayon na patuloy na gagamit ng datos para bumuo ng pulidong mga analysis ukol (at para sa) ekonomiya ng Pilipinas.