Ni Paul Neilmer Feliciano
Bagamat hindi naman masamang umutang at tumanggap ng tulong mula China, kailangan bantayan nating lahat ito.
Ang ekonomiya ng Pilipinas ay kabilang sa mga papaunlad na ekonomiya na tumatanggap ng official development assistance (o ODA) mula sa mga mas mauunlad na bansa at mga malalaking organisasyong pandaigdig tulad ng World Bank at Asian Development Bank (ADB).
May dalawang uri ng ODA: loan (utang) at grant.
Tulad ng ordinaryong utang, ang loan ay pondong kailangang ibalik o bayaran. Ngunit di tulad ng utang sa bangko pwede itong bayaran sa mas mahabang panahon at mas mababang interes.
Samantala, ang grant ay pondong di naman dapat bayaran pabalik, at pwedeng gamitin ng isang bansa para sa mga proyekto na kalimitang kalakip ay pagtanggap ng tulong teknikal (technical assistance) mula sa nagbigay na bansa.
Dahil sa kakulangan ng pinansyal at teknikal tulad ng Pilipinas, nagiging pangunahing stratehiya ang ODA upang maisulong ang malalaking proyekto tulad ng imprastraktura at social services.
Tulong galing China
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, minarapat nito na kumuha ng ODA mula sa China kapalit ng mas malalim na relasyon pang-ekonomiya at politikal.
Inaasahan na malaki ang magiging ambag ng China sa mga proyekto sa bansa tulad ng Build, Build, Build. (BASAHIN: Para saan ba ang Build, Build, Build?)
Ngunit ayon sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA), tinatayang umabot lamang ng $100 milyon ang kabuoang ODA galing China sa unang kalahati ng 2018 (tignan ang Figure 1).
Napakaliit nito kung ikumpara sa ODA galing Japan ($6.1 bilyon), World Bank ($3.1 bilyon) at ADB ($2.7 bilyon). Ang ambag ng China ay wala pang 1% ng kabuuang ODA na ating natanggap, na higit $15 bilyon.
Figure 1. ODA by fund source (billion USD) as of June 2018.
Kung susuriin ang bilang ng loans at grants, umabot lamang sa tatlo ang napondohan ng China sa kabuuang 366 na naitala ng mga iba-ibang ahensya ng gobyerno.
Nanatiling pinakamalaki ang Japan sa bilang at laki ng loans. Samantalang ang USA at UN agencies ang may pinakamaraming bilang ng programa at pondo para sa grants (tignan ang mga susunod na table).
Figure 2. Indicative ODA Loans and Grants by Fund Source, As of June 2018
Bakit maliit ang tulong galing China?
May mga ilang mga posibleng dahilan kung bakit napakaliit ng ambag ng China sa mga ODAs.
Una, ang implementasyon ng malalaking projects ay dumadaan sa mabusisi at mahabang proseso. Kailangan makuha ang pag-sangayon ng mga iba’t-ibang ahensya para maaprubahan ang proyekto.
Tinatawag itong government bureaucracy. Ang kalabisan nito ay mas kilala sa terminong red tape.
Hindi naman masama ang government bureaucracy dahil ang pangunahing layunin nito ang matukoy at masiguro ang na magiging maayos at efficient ang mga proyekto. Mahalagang bagay ito dahil bilyon-bilyong piso halaga ang gagastusin.
Sa kabilang banda, ang red tape ay nakakasama rin kapag nagdudulot ito ng pag-antala (delays) sa pag-apruba, pagpondo, at implementasyon ng mga proyekto.
Pangalawa, nanatiling malakas ang relasyon ng Pilipinas sa mga tradisyonal at subok na development partners tulad ng Japan, ADB at UN agencies. Maraming dekada na naging kaakibat ng gobyerno ng Pilipinas ang iba’t-ibang bansa at ahensyang ito sa mga proyektong imprastraktura, komersyo, at pampublikong serbisyo.
Maalam na rin sila pangangailangan ng ating bansa at kung paano sila tugunan base sa kanilang malawak at malalim na karanasan sa iba’t-ibang mahihirap na bansa.
Pangatlo at panghuli, malaki ang pangamba sa mga proyektong napondohan ng China.
Nariyan na ang sinasabing debt-trap diplomacy na kung saan pinopondohan ng China ang mga proyektong maliit lamang ang pakinabang.
Sa oras na hindi mabayaran, napipilitan gawing pambayad ng nangutang na bansa ang kanilang mga likas na yaman o ibigay sa China mga kritikal na national assets gaya ng mga seaport o malawak na mga lupain.
Ano ang implikasyon ng lahat ng ito?
Sa laki at lawak ng mga oportunidad na ibinibigay ng administrasyong Duterte sa China, makikitang hindi pantay ang pagsukli nito sa Pilipinas sa pamamagitan ng ODA.
Sa kabilang banda, patuloy ang pagtangkilik sa mga long-term development partners tulad ng Japan, ADB, UN System at USA. Dahil dito, nananatiling matatag ang ating ugnayang pang-ekonomiya sa ibang bansa sa kabila ng maigting na paghingi ng administrasyong Duterte ng tulong galing China.