Ni Marianne Joy Vital
Simula na naman ng pangangampanya, at ang mga kandidato ay may kanya-kanyang paliwanag ng mga plataporma.
Halimbawa, sa pinakabagong senatorial debate ng CNN Philippines (#TheFilipinoVotes) maraming kandidato ang nagpanukalang magkaroon ng iisang minimum wage para sa buong bansa, o national minimum wage.
Tandaan na ang minimum wage ang pinakamaliit na sahod na dapat tanggapin ng mga manggagawa sa formal sector araw-araw. (BASAHIN: Wage hike, why not?)
Pero magandang panukala nga ba ang national minimum wage?
Hindi simple ang pagtatakda ng minimum wage
Ngayon kasi, ang mga rehiyon ay iba-iba ang minimum wages.
Ang nagtatakda nito sa bawat rehiyon, ayon sa batas, ay ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Ilan sa mga konsiderasyon ng RTWPB ay ang presyo ng mga bilihin, bilang ng mga trabaho, at ang aktibidad ng ekonomiya sa rehiyon.
Sa pagtakda ng minimum wage, binabalanse ng RTWPB ang interes ng industriya at manggagawa. Baka kasi walang kakahayan ang mga negosyante na itaas ang kanilang gastos (lalo na ang MSME or micro/small/medium enterprises), na posibleng magresulta sa paghina ng paglikha ng trabaho sa rehiyong iyon.
Tandaan rin na hindi lahat ng manggagawa ay nakaka-enjoy ng minimum wage, kundi yun lamang nasa formal sector. Ang mga tulad nina Aling Nena sa karinderya o Mang Boy na magtataho ay di sumasahod ng minimum wage.
Mas mataas nga ba ang gastusin sa ibang rehiyon kaysa sa NCR?
Maraming senatorial candidates ngayon ang gustong magtakda ng pambansang minimum wage.
Sabi nila, dapat pagpantayin ang sahod sa bawat rehiyon dahil mataas din daw na gastusin sa ibang rehiyon kaysa sa NCR. Mabilis din daw ang inflation rate sa ibang lugar kumpara sa NCR. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)
May mga mali sa argumentong ito.
Una, totoo na mas mabilis nga ang inflation sa ibang rehiyon kumpara sa NCR. Ngunit hindi nangangahulugan na laging mas mataas ang presyo ng mga bilihin sa mga lugar kung saan mataas ang inflation.
Halimbawa, makikita sa Figure 1 na kahit mas mabilis ang inflation sa Region VI, mas mataas pa rin ang presyo ng bigas sa NCR.

Kapasidad ng mga rehiyon na suportahan ang ating mga gastusin
Isa pang indikasyon kung gaano kamahal ang bilihin sa isang rehiyon (cost of living) ay ang kapasidad ng mga rehiyon upang tustusan ang gastos.
Para dito, pwedeng tignan ang gross regional domestic product (GRDP) na nagpapakita kung magkano ang kita ng isang rehiyon. Kapag mataas ang GRDP, mas mataas ang kapasidad ng mga tao na gumastos.
Makikita sa Figure 2 na ang NCR (National Capital Region) ang may pinakamalaking kita sa taong 2017. Hindi ito nakakagulat bilang NCR din ang rehiyon na may pinakamaraming tao. Sinusundan ang NCR ng Region IV at Region III.
Ngunit hindi rin naman nangangahulugan na kapag mataas ang kita ng rehiyon ay marami ring may trabaho.
Ayon sa Figure 2, ang tatlong malalaking rehiyon (NCR, Calabarzon, Central Luzon) ang may mga pinakamababang employment rate o porsiyento ng mga taong may trabaho.
Kahit mayaman isang rehiyon, baka hindi rin naman kaya ng mga negosyo na bigyan ng oportunidad ang lahat ng manggagawa, lalo na’t malaking gastos ang pagsabay sa minimum wage. Kaya ang employment rate ay isa sa konsiderasyon ng mga RWTPB.

Pwede ring tignan ang GRDP per person, na siyang nagbibigay ng indikasyon ng kakayahang gumastos ng bawat tao sa isang rehiyon.
Makikita sa Figure 3 na habang tumataas ang GRDP per person, pataas din ang legislated minimum wage ng RTWPB. Ang NCR na may pinakamalaking kita bawat tao ay siya ring may pinakamalaking minimum wage.
Samakatuwid, kahit papaano ay pinapantayan naman ng legislated minimum wage ang kakayahan ng mga manggagawa na gumastos.

Anong mangyayari kapag naitalaga ang national minimum wage?
Obvious naman ang pagkakaiba ng lebel ng presyo at kapasidad na gumastos sa iba-ibang rehiyon.
Kung gayon, ano kaya ang posibleng mangyari kung maging pantay-pantay na ang minimum wage sa buong bansa?
Kabilang sa panukalang national minimum wage ay gawin itong Php750 kada araw—40% na mas malaki kaysa sa pinakamataas na minimum wage rate (NCR), at 168% na mas malaki kaysa sa pinakamababang minimum wage rate (Figure 4).

Ayon sa mga pagaaral, may mga kaakibat na negatibong epekto ang pagtaas ng minimum wage. Kabilang dito ang paghina ng employment, pagtaas ng kahirapan, pagbabawas ng trabaho, at pag-akyat ng inflation expectations.
Baka mapilitan rin ang mga mahihirap na rehiyon (tulad ng ARMM) na pataasin ang kanilang mga sahod, na posibleng magpalala ng mga nabanggit na negatibong epekto.
Kaya naman sana’y suriing mabuti ng mga kandidato ang kanilang mga panukala.
Kahit na maganda ang kanilang intensyon, baka may mga epektong hindi sinasadya (o unintended consequences) na pwedeng magpalala ng sitwasyon.