Ni Rainier Ric B. de la Cruz
Kamakailan lamang ay mabilisang ipinasa sa ikalawang pagbasa sa Kongreso ang panukalang batas na magpapababa sa minimum age of criminal responsibility (MACR) mula sa kasalukuyang 15 taong gulang patungong 12.
Mas mataas ito sa naunang ipinasa ng Committee on Justice na nagtatakda sa minimum age na 9 na taon.
Samakatuwid, ang mga batang edad 12 (nasa Grade 6 o 7) at pataas ay maaaring panagutin kapag nakagawa ng krimen.
Di umano’y mabuti ang layunin ng batas na ito. Pero may sapat nga bang basehan ang pagbabagong ito? Magdudulot ba ito ng unintended consequences? Isa-isahin natin.
Kapag pinababa ang minimum age of criminal responsibility, mababawasan ba ang mga krimeng kinasasangkutan ng mga bata?
Pangunahing rason sa pagpapababa ng MACR ay ang pagtaas di umano ng kinasasangkutang krimen ng mga kabataan, at ang patuloy na pananamantala sa kanila ng mga sindikato.
Subalit wala namang datos o estadistika na maipakita ang mga kongresistang may-akda at sumusuporta rito.
Una, wala pang masyadong kumprehensibong pag-aaral na nagpapakitang makakatulong nga ang pagbaba ng MACR sa pagsugpo ng krimen.
Katunayan, sa isang pag-aaral na ginawa sa Denmark kung saan ibinaba ang minimum age mula 15 to 14, naging taliwas sa inaasahang resulta ang pagpapatupad ng nasabing batas. Imbes na bumababa ang bilang ng krimen na kinasasangkutan ng mga edad 14, lumobo pa ito nang bahagya. Mas lumaki rin ang posibilidad na bumalik sila sa maling gawain.
Ikalawa, samantalang nakatuon ang pansin natin sa pagpapababa ng MACR sa Pilipinas, ang ibang mga bansa naman ay nais na pataasin ito: hindi lamang upang makasunod sa international standards kundi dahil na rin sa mga makabagong pananaliksik ng mga siyentipiko at sikolohista na tumatalakay sa kapasidad ng mga kabataan sa paggawa ng krimen.
Mayroon ding mga pag-aaral na tumatalakay sa mga pinagdadaanang pagbabago tuwing adolescence na maaring makapagpalaki ng tsansa sa paggawa ng risky behaviors.
Ikatlo, gaya ng ipinaliwanag ng isang dating DSWD Undersecretary, ipinakikita sa datos ng PNP na mula 2002 hanggang 2015 ay napakaliit ng porsiyento ng mga krimeng kinasasangkutan ng mga kabataan na wala pang 2% ng kabuuang mga kasong naitala sa panahong ito.
Samantala, 8% lamang sa mga kasong ito ang tinatawag na serious crimes, habang ang karamihan ay petty offenses o maliliit na kaso.
Ang higit na nakapagtataka, kung ang layunin ng pamahalaan sa pagsusulong ng batas na ito ay maiwasan ang paggamit ng mga sindikato sa mga bata, hindi ba mas makabubuti kung direkta nilang susugpuin ang mga ganitong grupo, kaysa habulin ang mga menor de edad?
Kung ibinababa ang MACR sa 12 o 9, anong pipigil sa mga sindikato na gumamit ng mga batang mas mababa pa ang edad?
Layunin ng panukalang batas na protektahan ang kapakananan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagrereporma sa kanila.
Ayon sa panukala, hindi naman daw isasama sa mga ordinaryong bilanggo ang mga nahuling kabataan ngunit ilalagak sa hiwalay na institusyon—o mga “Bahay Pag-asa”—na ang pangunahing layunin ay tulungan silang “magbagong-buhay.”
Ngunit makakamit nga ba ang layuning ito kung ang mga pasilidad na ito ay mas malala pa sa mga regular na kulungan?
Ayon na mismo sa Juvenile Justice and Welfare Council, marami sa mga Bahay Pag-asang ito ay walang mga pagkain, staff o mga kaukulang gamit kaya napapabayaan ang mga batang nakalagak sa mga ito.
Sa taya pa nga ng Commission on Human Rights at ng DSWD, kulang na kulang ang mga kasalukuyang pasilidad. Sa kabuuang 114 na Bahay Pag-asa na itinatatakda ayon sa batas, 63 pa lang ang naipapatayo hanggang ngayon at lima rito ay hindi na napapakinabangan.
Paano maproprotektahan ang kapakanan ng mga kabataan kung limitado ang pondo para magkaroon ng maayos na pasilidad? Paano pa kaya kung madaragdagan ang mga batang nasasangkot sa krimen?
Sa halip na mabago o mareporma ang mga bata tulad ng gusto ng batas, baka kabaligtaran pa nga ang mangyari.
Hindi pa rin dito isinasaalang-alang ang produktibong taon na mawawala sa mga kabataan kapag pumasok sila sa mga institusyong ito o ang isolation at social stigma na maari nilang maranasan at makaaapekto sa kanilang kinabukasan.
Bukod sa legal at praktikal na implikasyon ng panukala, mahalaga ring suriin ang mga isyung moral at etikal na kaakibat nito.
Sa isa ngang joint statement na pirmado ng ilang dating mga naging kalihim at opisyal ng DSWD ay mariing kinondena ang ganitong panukula. Ipinunto ng mga opisyal na wala itong basehan at imbes na makabuti ay mas maraming pinsalang maidudulot ang batas na ito.
Dagdag pa nila, mas mainam kung palalakasin na lamang ang mga kasalukuyang mekanismo at programang naitatag sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act.
Ayon sa batas, ang DSWD ang pangunahing ahensyang nagtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan. Kung sila na mismo ang tumututol sa panukalang ito, hindi man lang ba tayo magdadalawang-isip sa kabuluhan nito?
Band-aid solution
Ang pagpapababa sa MACR ay isa sa mga ipinangakong pagbabago ni Pangulong Duterte noong nakaraang eleksyon. Kaya naman mukhang sinisuguro ng kanyang mga kaalyado sa Mababang Kapulungan na maipasa ito bago matapos ang kasalukuyang kongreso.
Subalit isa itong halimbawa ng polisiyang tumutugon lamang sa mga sintomas at hindi sa totoong ugat ng problema. Band-aid solution, kumbaga.
Bukod sa anecdotal evidence, wala rin namang sapat na basehan para sabihing masusugpo nga ang kriminalidad kapag ibinaba ang MACR o kaya naman matitigil na ang paggamit ng mga sindikato sa mga bata.
Ang kapakanan ng mga kabataan, lalo na ang mga nasasangkot sa krimen, ay isang mabigat at seryosong usapin. Sa ganitong pagkakataon, hindi dapat isantabi ang kahalagahan ng mga datos at masusing pag-aaral.
Dapat munang iwasan ang pulitika at mga pansariling interes at pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga maapektuhan.
One thought on “Pagbaba sa minimum age of criminal responsibility, solusyon nga ba sa lumalalang krimen?”