Ni Jefferson Arapoc
Kamakailan lang ay pabirong binantaan ni Pangulong Duterte ang mga empleyado ng Commission on Audit (COA) dahil sa di umano’y pagpapahirap nito sa buhay ng mga local government officials.
Pero sa totoo lang malaki ang papel na ginagampanan ng COA sa pagresolba ng lumalalang problema ng korupsiyon sa Pilipinas. Sinisiguro lamang nila na nagagamit ang pondo ng bayan sa tamang pamamaraan.
Ayon kasi sa listahang inilabas ng Transparency International, patuloy ang pagbaba ng Pilipinas sa Global Corruption Ranking. Patuloy na bumababa ang ating Corruption Perception Index.
Noong 2017, nakapagtala tayo ng pinakamababang grado sa loob ng 5 taon. Dahil dito, nalaglag ang Pilipinas sa ika-111 pwesto sa 180 na bansang kalahok sa naturang listahan (Figure 1).

Ano ang korupsiyon?
Ang korupsiyon ay ang pang-aabuso ng kapangyarihan upang maisulong ang pansariling interes sa pamamagitan ng ilegal, maanomalya, o hindi patas na mga pamamaraan.
Ang pagbibigay at pagtanggap ng suhol, paglustay sa kaban ng bayan, pandaraya sa eleksyon, at money laundering ay ilan lamang sa mga halimbawa ng korupsiyon.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng World Bank noong 2009, higit na mas mataas ng tatlong beses ang kinikita ng mga bansang may mababang kaso ng katiwalian kumpara sa mga bansang talamak ang korupsiyon. Higit ring mas mataas ang kanilang literacy rate (porsiyento ng mga marunong magbasa at magsulat) at mas mababa rin ang kanilang infant mortality rate (bilang ng mga batang namamatay bago ang kanilang 5th birthday).
Sinasabi ring mas mahirap umunlad ang mga bansang may mataas na antas ng korupsiyon dahil nagiging balakid ito sa maayos at mabilis na daloy ng kalakalan sa bansa. Kaya naman hindi na nakapagtataka na talamak ang korupsiyon sa mga mahihirap na bansa—gaya na lamang ng Somalia at Cambodia.
Masamang epekto ng korupsiyon sa ekonomiya
Maraming negatibong epekto ang korupsiyon sa ating ekonomiya, gaya na lamang ng pagkakaroon ng uneven wealth distribution, o ang malalang hindi pagkakapantay-pantay ng distibusyon ng yaman sa isang bansa.
Ito ay sa kadahilanang mas nabibigyan ng pabor ang mga oligarchs, o ang mga makapangyarihang negosyante na may kakayahang impluwensiyahan ang mga batas na ipanatutupad ng gobyerno.
Ang pagpapatupad ng mga polisiyang hindi patas at may kinikilingan ay hadlang sa pagkakaroon ng mga bagong negosyo na maaari sanang makapagpasigla ng kompetisyon sa merkado.
Napapababa rin ng korupsiyon ang kalidad ng mga produkto at serbisyo sa bansa. Dahil sa kawalan ng kompetisyon, nawawalan ng insentibo ang mga negosyante na gumawa ng mga dekalidad na produkto at serbisyo. Bukod dito, maaari rin silang magpataw ng mas mataas na presyo dahil sa kawalan ng alternatibong mapagpipilian para sa mga mamimili.
Isa rin sa masamang epekto ng korupsiyon ay ang mababang kalidad ng mga imprastrakturang ipinatatayo ng gobyerno.
Ang mga “tongpats”, kickbacks, at under-the-table negotiations ay nagkapagpapalobo sa gastos ng gobyerno sa mga materyales na ginagamit sa pagpapatayo ng mga kalsada, tulay, at iba pa. Sa kasamaang palad, dahil hindi tugma ang kalidad ng mga materyales sa presyong ipinataw dito, kadalasang nagiging substandard o madaling masira ang mga proyektong nababalot ng korupsiyon.
Ayon sa 2012 report na inilabas ng Commission on Audit (COA), halos P101.82 bilyon ang nawala sa Pilipinas ng dahil sa mga maanomalyang transaksiyon ng gobyerno noong taong 2007 hanggang 2009.
Kung ilalagay natin ito sa konteksto ng economics, hindi lang tayo nawalan ng malaking halaga ng pera, bagkus ay nawalan rin tayo ng pagkakataong magamit ito sa mas makabuluhang pamamaraan. Kagaya na lamang ng pagpapatayo ng mga health centers at paaralan sa kanayunan, o ang pagsasaayos ng irigasyon para sa ating mga magsasaka. Ito ay tinatawag na opportunity cost.

May solusyon ba sa problema ng korupsiyon?
Wala sigurong bansa ang makapagsasabing hindi na nila problema ang korupsiyon.
Subalit may mga bansang naging matagumpay sa pagpapababa ng mga kaso nito, gaya na lamang ng Denmark at New Zealand. Pero, paano nga rin ba natin ito magagawa?
Mahalaga ang pagkakaroon ng mga institusyong nagbibigay ng check and balance, gaya na lamang ng Ombudsman at COA, upang masigurado ang accountability ng mga namumuno sa ating bansa.
Mahalaga rin ang pagkakaroon maayos at gumaganang justice system. Hindi kasi matatakot ang mga nasasangkot sa katiwalian kung walang pangil ang ating mga batas.
Importante rin ang nagiging papel ng edukasyon sa pagresolba ng problema natin sa korupsiyon. Kadalasan kasing nagiging target ng mga trapo ang mga mahihirap at mangmang nating kababayan. Madali kasi silang madala sa mga matatamis na pangako at sa mga political propaganda.
Sila rin ang kadalasang nagiging biktima ng vote buying. Kaya naman ang pagkakaroon ng matatalino at mapanuring mga botante ay maaring maging balakid sa pagkapanalo ng tiwaling opisyales.
Kaya naman sa darating na eleksyon sa May 13, simulan natin ang laban sa korupsiyon sa pamamagitan ng matalinong pagpili ng mga kandidatong ating iboboto.
Dumating sana tayo sa punto kung saan bayan ang tunay na panalo, hindi ang bulsa ng mga ganid na pulitiko.