Ni Paul Feliciano

Edsa traffic

Ngayong papalapit na ang Kapaskuhan, maraming lumalabas para magdiwang at magsaya. Hindi na natin maiiwasan ang paglala pa ng mabagal na daloy ng trapiko na kaakibat ng pagdagsa ng mga tao sa mga parties, reunions, at malls.

Pero mayroon nga bang magagawa ang gobyerno ukol sa lagay ng trapiko, lalo na ngayong Kapaskuhan?

Sa pangalawang pagtalakay sa trapiko ng Usapang Econ Blog, susubukan nating sagutin ang katanungang ito.

Emergency powers bilang sagot sa malubhang trapiko?

Mula sa simula ng Administrasyong Duterte noong 2016, minungkahi ni Pangulong Duterte na bigyan siya at ang kaniyang opisina ng emergency powers. Ito ay magbibigay ng kapangyarihan para maglunsad ng mga proyekto at magpatupad ng mga regulasyon sa trapiko, kasama ang ang paggamit ng special purpose funds. Maaari na mapabilis ang paglunsad ng proyekto dahil maiiwasan ang procurement procedures na kadalasan ay sanhi ng pagbagal ng proyekto.

Samu’t-sari ang pagsalubong dito. Nangakong susuportahan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at ng Makati Business Club ang paggamit ng emergency powers kung makapaglatag ang gobyerno ng konkretong layunin, mga proyekto at detalye kung paano ito gagamitin. Ngunit di sila sang-ayon sa blanket emergency powers kung wala itong kaakibat na plano dahil maaring magresulta sa mas marami pang problema.  (BASAHIN: Public-Private Partnership Center)

Dahil sa kakulangan ng komprehensibong plano, nagpanukala ang Kongreso na idaan ito sa hearing dahil sakop nito ang paglalagak ng pondo na ginagamit ng gobyerno (o power of the purse).

Mula noon, ipinagpaliban ng Presidente ang pagmungkahi nito at sinabing wala ng magagawa ang opisina niya sa lumalalang trapiko.  (Basahin: Philippine News Agency)

Mga iba’t ibang mungkahi sa paglutas ng trapiko

Maliban sa emergency powers ng punong ehekutibo, pag-usapan natin ang mga pangmatagalang solusyon sa trapiko na pwedeng pagtuunan ng pansin ng gobyerno. Maghuhugot din tayo sa mga karanasan ng ibang mauunlad na bansa.

Una, ang pinakaimportante ngunit napakalaking hamon ay ang pagmodernisa ng mass transport system sa bansa. Pinapadali nito ang paglakbay ng mga tao at paggalaw ng mga produkto at serbisyo.

Kabilang dito ang pagsasaayos ng linya ng LRT-1,LRT-2, MRT-3 at PNR na kung saan libu-libong pasahero ang umaasa rito araw-araw. Dagdag na rito ang pagpapahaba ng mga linya ng tren papunta sa mga karatig probinsya.

Kalimitan, ang gobyerno lang ang may kapasidad na akuin ang investments risks sa pagpapatayo ng imprastrakturang pangtransportasyon. Ngunit sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPPs) agreements, nakapaglunsad ang gobyerno at pribadong sektor ng malalaking proyekto tulad ng MRT-7 at Integrated Transport System Project: South Terminal. Naglatag ng mga tamang incentives ang gobyerno para mahikayat ang pribadong sektor na mamuhunan at mamalakad sa mga ito.

Pangalawa, kailangang magtatag ng bus rapid transport (BRT) system kung saan malaki ang papel na ginagampanan ng gobyerno sa pag-organisa ng mga bus at paggamit ng bus lanes.

Tulad ng sa Australia at Singapore, ang mga bus ay pag-aari ng gobyerno at ang pribadong sektor ang nagpapatakbo sa mga ito. May maayos na sistema sa ruta ng bus at regular ang sahod ng mga drayber kaya kadalasan may disiplina sa kalsada.

Pangatlo, malaking parte ng kulturang Pilipino ang mga jeepney. Ngunit mainam na rin na i-upgrade na ang mga ito upang makasabay sa pag-unlad ng mga siyudad.

Makakabuti na isunod ang mga jeepneys sa isang standard tulad ng pagtaas ng kapasidad ng pasaherong masasakay at paglagay ng makabagong makina para mabawasan ang polusyon at maiwasan ang sakit dulot nito.

Kaakibat ng reporma ang suporta mula sa gobyerno para sa mga operator at drayber na maapektuhan ng modernisasyon.

Box 1 Traffic

Pang-apat, kailangang ipagpatuloy ng gobyerno ang paglalatag ng connective infrastructure tulad ng mga kalsada, highway, tulay, airport, at seaport.

Isang halimbawa ay ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX na isang bahagi ng malawak na network ng mga kalsada na nagpapadali ng biyahe mula sa Metro Manila papunta sa mga probinsya sa North Luzon (Figure 2).

Dito papasok ang “Build, Build, Build” na programang pang-imprastraktura na naumpisahan ng mga nakaraan at ipinagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon. (BASAHIN: Para saan ba ang Build, Build, Build?)

TPLEXFigure 2. Larawan at Mapa ng TPLEX

Panglima, tutukan dapat  ang pagpapalakas ng ekonomiya sa labas ng Metro Manila.

Malaki ang kaugnayan ng kaunlaran ng mga lungsod sa congestion at traffic. Kung maaring mabigyan ng hanapbuhay sa mga rehiyon, maiibsan ang pagdagsa ng mga kababayan natin sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod.

Ano ba ang magagawa natin ngayon?

Alam ng lahat na matagal at mabusisi ang proseso ng repormang pangtrasportasyon. Mahabang panahon at malaking pondo ang gugugulin sa mga repormang nabanggit sa taas.

Ngunit marami ang pwedeng gawin sa kasalukuyan para matugunan ang problema sa trapiko.

Paigtingin lalo ang koordinasyon ng iba’t-ibang ahensya tulad ng DoTr, DPWH, MMDA, LTO, LTFRB at pati na rin ang TRB at PNP-HPG  sa ilalim ng  Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT).  Ang grupo na ito ay naglalayon makabuo ng magandang plano at polisiya sa pamamahala ng trapiko sa Metro Manila. (BASAHIN: Manila Bulletin)

Makakatulong din na sumangguni sa mga foreign development agencies tulad ng JICA at World Bank na may technical at institutional na kaalaman tungkol sa pagtugon sa problema ng trapiko sa ibang bansa.

Bilang isang pribadong mamamayan, ang maiaambag natin ay ang tamang pagsunod sa batas trapiko.

Bilang panghuli, ang paglutas sa trapiko ay isang kumplikadong proseso. Hindi ito madali subalit marami ang pwedeng gawin. Kinakailangan ng masusi, malawak, komprehensibo at pangmatagalang istratehiya sa paglutas nito—bagay na napaka-kulang pa sa ngayon.

 

One thought on “Ano ang solusyon sa matinding traffic?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s