Skip to content

Fuel tax hike: bakit at para saan?

Ni Marianne Joy Vital

Article 2018-027

Noong isang araw pumutok ang balitang inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang fuel tax hike o pagpatong ng karagdagang buwis sa mga produktong petrolyo.

Para sa unleaded premium gasoline, mula P7 kada litro magiging P9 na ang buwis sa January 1, 2019. Para naman sa diesel fuel, mula P2.50 magiging P4.50 na ito kada litro.

Ang pagtataas na ito ay ayon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, kung saan naka-schedule ang tatlong round ng bagong buwis sa 2018, 2019, at 2020.

Pero sa kabilang banda, maraming umaangal at nagsasabing dadagdag lang ito sa inflation na pumalo na sa 6.7% noong Setyembre (at ngayo’y nasa 6% nitong Nobyembre). Pati yung mga mambabatas na nagpasa sa TRAIN ay nangangamba ngayon sa epekto ng dagdag buwis sa inflation.

Ngunit para saan nga ba ang buwis na ito?

Ano ba ang fuel tax hike?

Ang fuel tax hike ay isang halimbawa ng excise tax. Ito ay buwis na pinapataw sa konsumo ng piling mga produkto at serbisyo: halimbawa, langis at tobacco.

Isang dahilan sa pagpataw nito ay para makalikom ng pera ang gobyerno. Halimbawa, sa bawat litro ng gasolina na bibilhin mo na may excise tax na P6, ganitong halaga ang pupunta sa gubyerno at hindi sa pinagbilhan mong gas station.

Ang excise tax ay kalimitan ding pinapataw sa mga produkto at serbisyo na may masamang epekto sa ibang tao na di naman bumili nito (sa economics ito’y tinatawag na negative externalities).

Ito ay para pataasin ang presyo ng mga produktong ito, at di ganahan ang mga tao na bilhin at mag-konsumo.

Halimbawa, binubuwisan ang gasolina at mga kotse dahil sa pinsala na dinudulot nito sa lipunan at kapaligiran (tulad ng carbon emissions at global warming). Samantala, binubuwisan din ang tobacco products dahil sa pinsala nito sa kalusugan ng gumagamit at nakakalanghap ng second-hand smoke.

Pero totoo nga bang bababa ang konsumo ng langis pag may dagdag na buwis?

Ano ang nangyayari kapag may fuel tax?

Isang katangian ng langis ay inelastic ang demand ng mga tao para rito.

Kapag inelastic ang demand, hindi masyadong nagbabago ang pagkonsumo ng langis kahit gaano pa kalaki ang paggalaw ng presyo, kaya makikita na ang demand curve ay halos nakatayo na (Figure 1, pulang linya).

Fig 1. Supply and Demand
Figure 1. Supply at Demand ng Langis

Inelastic ang demand sa gasolina sapagkat napakaraming Pilipinong umaasa rito araw-araw, lalo na sa transportasyon, kuryente, at industriya.

Hanggat nakadepende ang ating ekonomiya sa paggamit ng langis, lalo na’t hindi pa natin naiaangat ang paggamit ng renewable energy sa bansa, patuloy pa ring magiging inelastic ang demand ng mga Pilipino sa petrolyo.

Makikita din sa Figure 1 na ang pagpataw ng buwis ay nagdudulot ng pagtaas ng supply curve, na magreresulta sa mas mataas na presyo (P2) at mas maliit na konsumo (Q2).

Mapapansin na di hamak na mas malaki ang itinaas ng presyo kaysa sa ibinaba ng konsumo.

Ano ba ang epekto ng buwis sa ekonomiya?

Sino ang magbabayad ng mas mataas na presyo ng langis dahil sa dagdag buwis dito?

Ayon sa isang pag-aaral sa Pilipinas, dahil mas malaki ang bahagi ng langis sa kabuuang paggasta ng mga mahihirap na pamilya kumpara sa mga mayayaman, mas lubos silang apektado sa paggalaw ng presyo ng mga petrolyo.

Bukod dito, ang langis ay pangunahing input sa produksyon ng iba’t-ibang produkto at maging sa sektor ng transportasyon. Ang mas mataas na presyo nito ay maaaring dumagdag sa inflation.

Nabanggit din sa pag-aaral na ito ang posibleng negatibong epekto nito sa agrikultura, lalo na’t ang mga gumagawa ng mga fertilizer at pesticides ay umaasa rin sa langis.

Kung gayon, bakit ito naging polisiya ng gobyerno?

Dahil inelastic ang demand para sa langis, inaasahang malaking kita ang maaaring makolekta ng gobyerno mula sa dagdag buwis, na siyang popondo sa mga proyektong pangimprastraktura, pati mga programang makakapagpapa-angat sa mga mahihirap tulad ng edukasyon, conditional cash transfer, at healthcare. (BASAHIN: Para saan ba ang Build, Build, Build?)

Baka mas marami ring ma-encourage na gumamit ng renewable energy sources kapag mahal ang langis. Ayon sa pag-aaral na base sa experience ng ibang bansa tulad ng Indonesia, India at Viet Nam, ang mababang presyo ng langis ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi nagagamit ang potensyal ng renewable energy.

Sa madaling sabi, di maganda na masyadong mura ang langis sapagkat ito’y nagdudulot ng matinding polusyon at uncertainty sa pandaigdigang merkado dahil sa pagtaas-baba ng presyo nito.

Ano ang dapat bantayan?

 Dahil sa pagbaba ng presyo ng langis sa merkado sa mga nakalipas na linggo, may mga nagsasabing malamang ay hindi na ganoong kalaki ang epekto ng excise tax sa January 2019. Ngunit walang kasiguraduhan na ang presyo ng langis ay mananatiling mababa.

Kahit hindi lang langis ang sanhi ng inflation, dapat pa rin bantayan ng gobyerno ang epekto nito sa inflation, lalo na’t apektado ang maraming industriya sa pagtaas ng petrolyo. Halimbawa, maaaring tumaas muli ang pamasahe sa jeep o UV express. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)

Dapat din bantayan ang posibleng pag-abuso ng mga kumpanya ng langis sa pagtaas nito ng presyo.

Panghuli, sana magamit ang malilikom na pera sa mga programang makakatulong sa pagbawas ng ating pagdepende sa langis. Dapat nating isipin na walang forever kahit sa supply ng langis.

Kapag dumating ang panahon na paubos na ang supply nito, siguradong tayo rin ang mananagot.

Marianne Joy Vital View All

Marianne Joy Vital is a researcher in the areas of economics, sustainable development, and public policy. As an independent consultant, she has worked with international organizations, government agencies, think tanks and civil society groups. She took her undergraduate and master's studies in the University of the Philippines School of Economics.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: