Ni JC Punongbayan
Noong isang araw ibinalita ko ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. (BASAHIN: Bakit bumabagal ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas?)
Pero siguro mas magandang balikan muna natin: paano nga ba sinusukat ang isang ekonomiya?
Gross domestic product
Ang laki ng isang ekonomiya ay kalimitang sinusukat gamit ang gross domestic product o GDP.
Ito ay ang pinagsama-samang halaga ng lahat ng produkto at serbisyo na ginawa sa loob ng isang ekonomiya sa loob ng isang tinakdang panahon.
Himayin natin ang definition na ito ng GDP.
Kapag sinabing “halaga,” ibig sabihin ay minu-multiply natin kung ilang produkto/serbisyo ang ginawa sa ekonomiya at ang presyo nila.
Halimbawa, kung ang isang maliit na ekonomiya ay may 10 mansanas at 10 mangga, at P50 kada mansanas at P20 ang kada mangga, ang GDP ng ekonomiyang ito ay P700 = (10 mansanas x P50 kada mansanas) + (10 mangga x P20 kada mangga).

Kapag sinabi namang “lahat,” ibig sabihin ay kasama ang mga nabibili sa grocery o palengke o anumang klase ng tindahan.
Hindi kasama rito ang mga produkto na ginagawa sa bahay (gaya na lamang ng abobo na specialty ng mommy mo o mga gulay na tumutubo sa bakuran ninyo). Di rin kasama ang mga ilegal na produkto o yung mga galing sa “underground” na ekonomiya (gaya ng shabu).
Pag sinabing “produkto at serbisyo,” di na kasama dito ang halaga ng mga sangkap na ginamit para gawin sila (tulad ng hiwalay na halaga ng gulong ng isang kotse, o yung halaga ng sili na ginamit sa spicy Chickenjoy).
Di rin kasama yung mga produkto at serbisyo noong nakaraan (tulad ng kotse na ginawa noong 1999 na binenta mo na lang ulit ngayong 2018).
Pag sinabing “loob ng ekonomiya,” di kasama ang produksyon ng mga Pilipino sa labas ng bansa tulad ng mga OFWs.
Kung isasama ito sa GDP, tatawagin na natin itong gross national income o GNI, kung saan idinaragdag ang halaga ng ginawa ng mga Pilipino sa labas ng bansa, at ibinabawas ang halaga ng mga ginawa ng mga foreigner sa loob ng Pilipinas.
Pag sinabing “tinakdang panahon,” maaring ang GDP ay tumutukoy sa isang quarter (3 buwan) o sa isang buong taon.
Halimbawa, noong 3rd quarter ng 2018, ang GDP ng Pilipinas ay nagkakahalaga ng P4.2 trilyon, samantalang noong buong 2017 ito’y nagkakahalaga ng P15.8 trilyon.
Nominal vs real GDP
Sa Figure 1 makikita ang GDP ng Pilipinas mula 1950 hanggang 2017. Pansinin ang dalawang linyang kulay blue at orange na parehas lumalaki sa paglipas ng panahon.
Ang orange ay kumakatawan sa real GDP, samantalang ang blue naman ay sa nominal GDP. Mas mainam na gamitin ang orange kaysa blue (real kaysa nominal) kapag naghahambing tayo ng GDP sa iba’t-ibang taon.
Maaari kasing lumalaki ang GDP di dahil dumarami talaga ang ginagawang produkto o serbisyo sa ekonomiya—baka nagmamahal lang ang presyo nila. Samakatuwid, tinatanggal ng orange ang epekto ng inflation sa GDP. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)
Kaya naman pansinin na mas matarik ang blue kaysa sa orange sapagkat mas mabagal ang paglaki ng ekonomiya kung tatanggalin natin ang epekto ng inflation.
Kanina sinabi natin na P15.8 trilyon ang GDP ng Pilipinas noong 2017. Pero ito ay nominal GDP pa lamang. Kapag tanggalin natin ang epekto ng inflation, nasa P8.7 trilyon na lamang ang laki ng ekonomiya ng Pilipinas.
Pansinin rin na ang linyang blue at orange ay nagtatagpo lamang sa isang punto, at ito ay sa taong 2000. Ito ay ang tinatawag na base o reference year, na siyang ginagamit para ipako ang presyo ng mga bilihin para macompute ang inflation.
Sa Figure 2 naman, pinaghahambing natin ang GDP at GNI, mula ulit 1950 hanggang 2017.
Pansinin na mula 1950 hanggang simula ng 1980s ay halos pantay ang GDP at GNI ng Pilipinas. Pero naghiwalay ang landas nila mula noon, at lumalaki ang agwat nila: di hamak na mas malaki si GNI kaysa kay GDP.
Una, ibig sabihin nito ay di hamak na mas malaki pala ang ekonomiya ng Pilipinas kung isasama ang produksyon ng ating mga OFW. Napakalaki talaga ang ambag nila sa ating ekonomiya.
Pangalawa, ang biglang paglaki ng GNI kumpara sa GDP noong 1980s ay indikasyon ng paglabas sa bansa ng napakaraming OFW noong panahong iyon. Dahil sa malubhang krisis pang-ekonomiya noon—na nagdulot ng kawalan ng trabaho at kita—napilitan ang milyon-milyong Pilipino na magtrabaho sa labas ng bansa.
Magkano ang hati mo sa GDP?
Kung paghahatian naman ng lahat ng Pilipino ang GDP, magkano ang hati mo rito?
Ang tawag sa numerong ito ay GDP per capita (o GDP per person, dahil ang capita ay Latin para sa “ulo”).
Noong 2017, kung paghahatian ng 104 milyong Pilipino ang GDP ng Pilipinas, bawat isa ay may P82,617. Ito ay 2.37 times (o higit doble) na mas malaki sa GDP per capita noong taong 1970, kung saan bawat Pilipino ay mayroon lamang P34,894.
Sa Figure 3 pinapakita ang GDP per capita ng Pilipinas mula 1970 hanggang 2017. Bagamat lumalaki ito sa mga nakalipas na taon, pansining lubhang bumaba ito noong early 1980s.

Bilang panghuli, GDP ang kalimitang ginagamit para sukatin ang laki ng isang ekonomiya. Ang pag-intindi sa mga aspeto nito ay magandang paraan para maunawaan ang mga parteng bumubuo sa isang ekonomiya.
One thought on “Paano sinusukat ang isang ekonomiya?”