Ni Paul Feliciano
Isa sa mga pangunahing strategy ng administrasyong Duterte ay ang pag-utang sa China upang mapondohan ang malalaking imprastraktura sa ilalim ng programang “Build, Build, Build.”
Marami ang nababahala. Pero marami rin naman ang nagsasabing bigyan muna ito ng chance at hintayin ang resulta nito sa mga susunod na taon.
Subalit may dapat nga ba tayong ipangamba? O dapat bang maging positibo muna?
Hindi naman masama ang pangungutang sa ibang bansa, at kailangan din talaga nating i-upgrade ang ating imprastraktura dahil importante ito sa patuloy na pag-unlad ng ating ekonomiya.
Subalit kailangan nating talakayin ang karanasan ng iba’t-ibang bansa sa pangungutang sa China, at magbalik-tanaw sa ating sariling mga transaksyon sa China nitong mga nakaraang dekada.
Una, magkano nga ba ang interest rate ng mga utang galing China kumpara sa ibang bansa? Ang interest rate ang nagtatalaga kung gaano kalaki ang interes na babayaran ng Pilipinas sa kanyang utang, habang hindi pa ito nababayaran nang buo. Ang interes ng China ay pumapatak sa 2 hanggang 3 percent, samantalang ang Japan ay 0.25 hanggang 0.75 percent lamang.
Natamo na ng Pilipinas ang status na investment grade na hudyat na tumatataas ang kakayahan nating makapagbayad-utang. Kaya naman nakakapagtaka kung bakit kailangan nating humiram sa bansang may mas mataas na interest rate.
Pangalawa, maliban sa mataas na interest rate ng China sa pagpapautang, tanging mga Chinese companies, kasama na materyales at manggagawa, lamang ang pinapayagan nilang makinabang sa mga proyektong popondohan nila. Kasama ito sa kasunduan na napapailalim sa tied loans. Kung ating susuriin, tila yata babalik lang sa China bilang kita ang mga pondong uutangin ng Pilipinas.
Malaki ang kaibahan nito kumpara sa Japan kung saan maaaring sumali ang sinomang kumpanya sa proyektong kanilang popondohan. Kasama rito maging ang mga local companies na makapagbibigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
Mayroon na tinatawag na multiplier effect: sa bawat piso na ginagastos sa ekonomiya, lumalawak ang demand sa mga produkto at serbisyo, at sa pagikot ng pera nagbubunga ito ng paggastos sa ibang sektor ng ekonomiya na mas malaki sa isang piso.
Pero kung ang gastusin ay babalik lang sa China, sa kanila lang aandar ang multiplier effect at hindi sa Pilipinas.
Pangatlo, ang stratehiya ng China ay napapailalim sa “Belt and Road Initiative” o BRI kung saan hangarin nilang mapalakas ang kanilang impluwensya sa iba’t-ibang parte ng mundo. Pinopondohan nito ang samu’t-saring impratraktura mula sa mga kalsada, tulay, paliparan at pati na rin ang telecommunications.
Subalit hindi lahat ng bansa ay maganda ang naging karanasan sa China. Dahil sa laki ng pera na kinalang pinapautang, may mga bansang hindi na kayang magbayad at tuluyan nang nabaon sa pagkakautang. Napipilitan silang ibayad ang kanilang mga likas na yaman o kaya naman ay ang kanilang mga kritikal na assets gaya ng mga seaport o malawak na mga lupain. Ito ay ang tinatawag rin na debt-trap diplomacy.
Halimbawa, ang Sri Lanka ay nagbigay ng 99 taon na paupa ng Hambantota Port sa China noong mabigo itong magkapagbayad-utang.
Figure 1. Hambantota Port, Sri Lanka. Source: BBC.
Nung 2017, pinayagan naman ng pamahalaan ng Djibouti na magtayo ng military base ang China sa loob ng kanilang bansa.
Samantala, hiningan naman ng langis ang Venezuela bilang kabayaran sa kanilang utang.
Malawak ang epekto ng ganitong mga kasunduan dahil nagigipit ang bansa sa pagtaguyod ng kanilang epektibong strateghiyang pang-ekonomiya. Ang kawalan ng pambansang ari-arian at mga likas na yaman ay maaring limitahan ang paglago ng kanilang ekonomiya dahil tangan na ito ng ibang bansa.
Panghuli, ang Pilipinas ay mayroon na ring karanasan sa pagpapatayo ng kritikal na imprastraktura na pinondohan ng China.
Sa ilalim ng administrasyong Arroyo, ang programa ng NBN-ZTE deal na nagkakahalaga ng $329 milyon at Northrail Project ay naudlot dahil sa isyu ng korapsyon at labis na pagpresyo ng proyekto.
Malaki ang epekto ng kurapsyon sa ekonomiya sapagkat ang pondo na dapat para sa imprastraktura ay hindi nagagamit sa hustong paraan. Sa huli, babayaran natin at ng susunod na henerasyon ang mga proyekto na hindi naman nagdulot ng positibo sa ekonomiya.
Ano ang dapat gawin upang maiwasan na maulit ito sa Pilipinas?
Ang pinakamainam ay maging bukas ang gobyerno ukol sa mga detalye ng mga kasunduan. Sa laki at lawak ng mga ito, milyong mga Pilipino ang maapektuhan. Importante na makilatis and maunawaan ito ng publiko.
Importante na palawakin ang mga maaaring sumali sa mga proyekto at hindi limitado sa mga kumpanya ng China. Sa kada proyekto na maibigay sa lokal na negosyo, libu-libong pamilya ang makikinabang pati na rin sa mga kumpanyang umaalalay sa mga ito. Magkakaroon din ng multiplier effect sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa track record ng China sa mga proyekto sa bansa at abroad, ibayong ingat at pagbabantay ang kailangan upang masiguro ang alin mang imprastraktura ay maitayong mabuti at mapakinabangan nating lahat.
2 thoughts on “Mga utang sa China, dapat nga bang pangambahan?”