Ni Jefferson Arapoc
Noong nakaraang 2016 presidential elections, isa sa mga naging bentahe ni Pangulong Duterte ang pangakong sugpuin ang problema natin sa droga sa pamamagitan ng kanyang war on drugs.
Naniniwala kasi siya na droga ang puno’t dulo ng mga problemang kinahaharap ng ating bansa, gaya na lang ng krimen at karahasan.
Kung ating titignan ang pangunahing motibo ng war on drugs sa konteksto ng economics, nais nitong patayin ang supply ng ilegal na droga sa bansa.
Sa higit dalawang taong pagpapatupad ng war on drugs, malapit na ba nating maipanalo ito?
Pagsupil sa supply ng droga
Isa sa mga tradisyunal na paraan upang sugpuin ang supply ng ilegal na droga ay ang pagbabawal sa pagbebenta nito.
Bagamat hindi natin nakikita ang bentahan ng droga sa formal markets—gaya sa grocery o botika, talamak itong nangyayari sa black markets sa pamamagitan ng patagong bentahan.
Bilang tugon ng gobyerno sa problemang ito, inilunsad ang ilang programang naglalayong susugpo sa supply nito, gaya na lamang ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP).
Kahit na kwestyonable ang mga pamamaraang ito sa mata ng iba’t-ibang grupo, pinaniniwalaan ng palasyo na epektibo ito dahil sa pagtaas ng presyo ng ipinagbabawal na gamot. Hudyat di umano ito ng tuluyang pagbaba sa supply ng ilegal na droga sa bansa.
Kaya nga lang, ang ilegal na droga ay maituturing na addictive good, o isang uri ng produkto na hindi basta-basta kayang bitawan ng isang consumer kahit pa tumataas ang presyo nito. Ilang pag-aaral na ang nakapagtala ng ebidensiya na hindi madaling bumababa ang demand ng mga taong lulong sa ipinagbabawal na gamot, gaya na lamang ng isinulat ni Becker at Murphy (2005).
Dahil di masyadong bumababa ang konsumo ng droga maski magmahal ito, anumang pagtaas ng presyo ng droga ay nagdudulot ng mas malaking kita para sa mga sindikato at supplier ng droga.
Sa paraang ito, mas lumalaki ang kaban ng pera ng mga sindikato habang umiiigting ang war on drugs.
Mga maaaring gawin sa demand
Para sugpuin ang droga, di lang pagsugpo ng supply ang maaring gawin ng gubyerno.
Tulad kasi ng anumang paninda, may dalawang pwersa sa bentahan ng droga: supply at demand. Kung nais talaga ng gubyerno na sugpuin ang droga, marahil mas epektibo ang pagbibigay pansin sa demand nito.
Marami ng bansa ang nagbago ng istratehiya sa kani-kanilang laban kontra droga, gaya na lamang ng United States at Thailand: imbis na magfocus sa supply, nakafocus na sila ngayon sa demand.
Ang pagsusulong ng mga preventive at rehabilitative programs ay maaring makatulong upang masupil ang demand sa ilegal na droga. Ang pagsasama sa curriculum ng mga paaralan ng talakayan patungkol sa masamang epekto ng illegal drugs ay isang mainam na halimbawa ng isang preventive program.
Samantala, ang pagtatayo ng mga pasilidad na kumakalinga at tumutulong sa mga taong nalulong sa droga upang tuluyang makapagbago ay isa namang halimbawa ng rehabilitative program.
Sa mga ganitong paraan, inaasahang bababa ang bilang ng mga taong tumatangkilik sa ipinagbabawal na gamot na magdudulot ng pagbagsak ng presyo nito. At dahil dito, nagiging mas mababa ang kinikita ng mga nagtitinda ng ilegal na droga na maaaring magdulot ng tuluyan nilang pagkalugi.
Samakatuwid, nangangailangan ang war on drugs ng kambal na solusyon. Hindi sapat na pagtuunan lang ng gobyerno ang pagsupil sa supply ng droga. Bagkus, kailangan rin nitong paigtingin ang mga drug preventive at rehabilitative programs sa bansa.
Panahon na rin siguro upang tignan ang droga bilang problemang pangkalusugan, imbis na isang problemang kriminalidad. Napatunayan na sa ibang bansa na ang ganitong strategy ay mas epektibo at makatao.