Ni JC Punongbayan

Article 2018-019

Noong nakaraang Huwebes (ika-8 ng Nobyembre), ibinalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakabagong datos pagdating sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ang laki ng ekonomiya ng Pilipinas ay sinusukat gamit ang gross domestic product (GDP), o ang halaga ng lahat ng produkto at serbisyong ginagawa sa isang ekonomiya sa loob ng isang quarter o taon.

Ang paglago ng ekonomiya ay sinusukat gamit ang GDP growth rate, o ang taunang pagbabago ng GDP.

Ayon sa PSA, lumago ang ekonomiya ng Pilipinas nang 6.1% noong 3rd quarter ng 2018 (mula Hulyo hanggang Setyembre).

Para bigyan ng konteksto ang pigurang ito, narito ang ilang bagay na kailangan mong malaman:

1) Patuloy na bumabagal ang paglago ng ekonomiya.

Mula sa Figure 1, makikita ang patuloy na pagbagal ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa nakalipas na mga quarter.

Ang 6.1% growth noong 3rd quarter ay di lang mas mababa kaysa sa 6.2% growth noong 2nd quarter (Abril hanggang Hunyo). Ito rin ang pinakamababa mula noong 4th quarter ng 2015 (o 2 taon at 9 buwan na ang nakalipas).

gdpq2
Figure 1.

Kapag bumababa ang GDP growth, mas matagal na nakakamit ang kaunlaran ng isang bansa.

Halimbawa, kapag ang kita mo ay lumalaki nang 7% taun-taon, asahang madodoble ito sa loob ng 10 taon. Pero kung 5% lang ang growth rate ng kita mo, tatagal ng 14 taon bago dumoble ito. Ganito rin ang nangyayari sa GDP.

2) Mas mababa rin ito sa target ng gobyerno.

Para sa 2018, target sana ng gobyerno na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas sa pagitan ng 6.5% hanggang 6.9%.

Nagtatakda ng growth target ang gubyerno upang ipakita sa taumbayan ang commitment nila sa pagkamit ng mabilis na pagunlad ng bansa.

Pero makikita sa Figure 1 na mas mababa ang 6.1% kumpara sa itinakdang target ng gubyerno.

Sa katunayan, binaba na nila ang target GDP growth mula sa 7-8% patungong 6.5-6.9%. Masyado kasing mataas ang naunang target. Gayun pa man, di pa rin nila naabot ang mas mababang target.

Samantala, di rin naabot ng gubyerno ang target nito para sa inflation, na dapat ay nasa pagitan lamang ng 2-4% para sa 2018. Noong Oktubre, naitala ang inflation sa 6.7%. (BASAHIN: Inflation noong Oktubre, good news nga ba?)

Problema ito dahil habang masyadong mababa ang paglago ng ekonomiya, masyado namang mataas ang inflation: Di na nga ganun kabilis ang paglaki ng kita mo, kinakain pa ito ng inflation.

3) Humina ang paggastos sa maraming sektor ng ekonomiya.

Bakit bumabagal ang paglago ng ekonomiya? Himayin natin ang datos.

Una, bumagal ang paggastos sa maraming sektor ng ekonomiya.

Importante ito dahil sa anumang ekonomiya ang kita ninuman ay galing sa gastos ng ibang tao. Kaya kapag lumalaki ang paggastos ng mga tao, lumalaki rin ang ekonomiya.

Pinapakita ng Figure 2 na sa 6.1 puntos na kabuuang paglaki ng ekonomiya, 4.8 puntos ang galing sa gastos sa pamumuhunan o investment (blue). Lumiit ito kumpara noong nakaraang quarter.

gdpcomponents1_ue
Figure 2.

Samantala, 3.47 puntos ang nanggaling sa gastos ng mga ordinaryong konsumer tulad mo at tulad ko (green). Lumiit din ang kontribusyon nito.

Ang gastos naman ang gubyerno ay nag-ambag ng 1.49 puntos, at bahagya itong lumaki kumpara sa 2nd quarter (orange).

Kung pagsasamahin ang green, blue, at orange, makukuha mo ang GDP growth na 9.76 puntos. Pero ang totoong GDP growth ay 6.1 puntos dahil kailangan nating isama ang negatibong ambag ng “net exports” sa paglago ng ekonomiya, o -4.06 puntos (gray).

Samakatuwid, imbis na palakihin ang GDP, pinaliit ito ng net exports. Ito’y dahil mas malaki ang halaga ng ating inaangkat (imports) kaysa iniluluwas (exports). (BASAHIN: Lumalaking trade deficit, dapat bang pangambahan?)

4) Humina ang produksyon ng industriya at lumiit ang agrikultura.

Isa ring paraan para himayin ang datos ng GDP growth ay sa pamamagitan ng pagsuri ng produksyon sa malalaking sektor ng ekonomiya: agrikultura, industriya, at serbisyo.

Pinapakita sa Figure 3 na noong 3rd quarter, sa kabuuang 6.1 puntos na GDP growth, 4.06 puntos ang galing sa sektor ng serbisyo (orange). Kalakip dito ang maraming uri ng serbisyo tulad ng pagtitinda, transportasyon, pagbabangko, atbp.

Samantala, 2.08 puntos naman ang galing sa industriya (blue), kung saan nakapaloob ang manufacturing, construction, pagmimina, atbp. Pansining bumaba ang kontribusyon nito mula sa mga nakaraang quarter.

Panghuli ang sektor ng agrikultura (green). Noong 3rd quarter, lumiit ang sektor na ito at humila pababa sa kabuuang GDP growth (-0.03 puntos) imbis na tumulong sa paglaki nito.

gdpcomponents2_ue
Figure 3.

Ano ang pwedeng gawin ng gubyerno?

Paano manunumbalik ang mabilis na paglago ng ekonomiya?

Unang-una, sa usapin ng paggastos, kailangan masolusyonan agad ng gubyerno ang lumalalang inflation. Habang mabilis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, di ginaganahan ang marami sa ating mga kababayan na gumastos.

Samantala, bagamat mas malaki ang halaga ng imports kaysa sa exports, kailangan siguruhin na mapupunta ang imports sa mga puhunang makakatulong sa paglago ng ating ekonomiya sa hinaharap.

Pagdating naman sa mga sektor, kailangang tugunan ang pagbagal ng manufacturing, ayusin ang mga isyu sa pagmimina at quarrying, at hikayatin ang mas marami pang pamumuhunan.

Panghuli, kailangang maresolba agad ang pagkalugmok ng agrikultura sa bansa, lalo na ang pagsasaayos ng supply ng bigas, gulay, at isda.

2 thoughts on “Bakit bumabagal ang paglago ng ekonomiya?

  1. Good morning! Wasn’t increase in government spending the objective for build build build? If then, is it possible to know it’s percentage contribution to GDP?

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s