Ni Rainier Ric B. de la Cruz

Maugong ang balita kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tila yata humupa na ang pagtaas ng ating inflation rate. (Sinusukat ng inflation rate ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.)

Base sa pinakabagong datos, nanatili sa 6.7% ang headline inflation rate noong Oktubre, katulad ng lebel nito noong nakaraang buwan (orange na linya sa Figure 1).

Sa katunayan, 6.68% ang aktwal na tala, bahagyang mas mababa ito kumpara noong Setyembre.

  Figure 1.

Samantala, patuloy naman ang pagtaas ng core inflation rate mula 4.7% noong Setyembre tungong 4.9% nitong Oktubre (blue). Sinusukat rin ng core inflation ang galaw ng mga presyo, pero hindi kasama ang piling mga produkto gaya ng pagkain at petrolyo na mabilis magbago-bago ang presyo.

Iba’t ibang salik

Matatandaan na ang inflation rate ay porsyentong pagbabago ng consumer price index (CPI), na siyang sumusukat sa iba’t ibang presyo ng mga bilihing kalimitang tinatangkilik ng mga ordinaryong Pilipino. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)Con

Kung susuriin ang bawat component ng CPI (Figure 2), makikita na ilan sa mga ito ay bumagal na ang pagtaas, samantalang ang iba ay nanatili sa dati nitong lebel. Subalit may mga bilihin pa ring patuloy ang pagtaas.

Halimbawa, ang inflation sa pagkain at mga inumin, na siyang may pinakalamaking porsyento sa CPI (halos 40%), ay bumaba mula 9.7% tungong 9.4%.

Bagamat bumaba nang bahagya mula 21.8% tungong 21.6%, pinakamataas pa rin ang inflation sa alak at tabako. Sinisisi ito sa mas mataas na buwis sa ilalim ng TRAIN Law.

Samantala, tumaas naman ang inflation sa transportasyon (8% to 8.8%). Tandaan na hindi pa kasali rito ang inaprubahan ng LTRFB na pagtaas ng pamasahe sa mga jeepney at bus. Magsisimula pa lang ito ngayong Nobyembre.

Tumaas din ang inflation sa mga produkto at serbisyong pangkalusugan, pangkultura at kasiyahan, at utilities (tubig, kuryente, gas, at iba pa).

Figure 2.

Inflation sa mga rehiyon

Magkakaiba rin ang pagbabago sa inflation sa bawat rehiyon.

Ang NCR, na may pinakamalaking bahagdan sa ating CPI, ay nakapagtala ng bahagyang pagbaba sa inflation mula 6.3% tungong 6.1%.

Figure 3.

Bagamat bumagal nang kaunti, pinakamataas pa rin ang inflation sa Bicol Region (9.9%). Sinundan ito ng Region IV-A o MIMAROPA (7.3% to 9.0%).  Sila rin ang nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas noong Oktubre (1.7%).

Pinakamababa pa rin ang inflation sa Central Luzon (Region III), na nakaranas din nang bahagyang pagbaba sa inflation (0.1%).

Kung susumahin, 7 rehiyon ang nakapagtala ng pagtaas ng inflation (Figure 4). Ilan sa mga ito ay naapektuhan ng mga nakaraang bagyo. Samantala, bumagal naman ang paggalaw ng presyo sa 9 pang rehiyon, kabilang ang NCR.

Tanging sa Ilocos Region (Region I) nanatili sa dati nitong lebel ang inflation.

Figure 4.

Good news nga ba?

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, magandang balita raw ang hindi pagtaas ng inflation rate noong Oktubre.

Sa unang banda, magandang marinig na sa unang pagkakataon simula noong Enero ay tumigil na sa diretsong pagtaas ang ating inflation rate.

Subalit imbes na magbunyi kaagad ay dapat munang maging mapanuri at maingat sa ating expectations.

Una, dapat tandaan na mataas pa rin ang 6.7% at nanatiling pinakamataas ito sa loob ng mahigit na 9 taon.

Pangalawa, base sa galaw ng presyo mula Enero hanggang Oktubre ay malayo pa ring makamit ang target ng Bangko Sentral na 2-4% na inflation para sa buong taon ng 2018.

Dapat ding tandaan na nalalapit na ang holiday season, lalo na ang Kapaskuhan, kung kailan karaniwan nang inaasahang tataas ang demand ng mga consumer para sa mga pagkain at iba pang produkto. Maaring magresulta naman ito sa demand-pull inflation, na pwedeng makapagbaliktad sa kasalukuyang trend.

Nagbabadya ring makaakpekto sa inflation ang naaprubahan nang pagtaas sa singil sa pamasahe sa jeep at bus. May magiging epekto rin kung maaprubahan na ang hinihinging wage hike ng ilang grupo ng mga manggagawa. (BASAHIN: Wage hike, why not?)

Panghuli, matatandaang ang sunud-sunod na pagtaas sa inflation rate na naranasan bago ang Oktubre ay sinisisi ng gobyerno sa mga isyu sa suplay, lalo na sa paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at sa krisis sa suplay ng bigas.

Nitong mga nakaraang buwan ay medyo humupa na ang pagtaas sa presyo ng bigas dahil sa pagpasok ng anihan, at sa pag-aangkat ng supply ng bigas sa mga karatig-bansa.

Subalit magiging panandaliang pahinga lamang ang mga ito hangga’t hindi nabibigyan ng pangmatagalang solusyon ang isyu sa bigas.

Tandaan rin na may panibagong round pa ng buwis na ipapataw ang gobyerno sa mga produktong petrolyo sa January 1, dahil sa TRAIN Law. Malamang makadagdag pa ito sa inflation sa mga susunod na buwan.

Kaya masyado pa sigurong maaga para magbunyi sa balitang ito.

 

2 thoughts on “Inflation noong Oktubre, good news nga ba?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s