Ni Marianne Joy Vital
Isa sa mga napapanahong usapin ang posibleng pagtataas ng minimum wage, lalo na’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sa katunayan, ilang grupo na ng mga manggagawa ang nagmungkahing itaas na ang minimum wage rate. Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello, maaari naman daw magkaroon ng pagtaas sa sahod, subalit hindi kasing laki ng inaasahan ng labor groups.
Ano ba ang minimum wage rate?
Ang minimum wage rate ay nagsisilbing batayan (o benchmark) ng pinakamababang sweldo na dapat maibigay sa mga manggagawa kada araw.
Makikita sa Table 1 na ang minimum wage rate ay nagiiba-iba depende sa rehiyon ng Pilipinas o sa uri ng industriya na kinabibilangan ng manggagawa (sa agrikultura man o hindi).
Table 1. Local Minimum Wage Rates
Region | WO No./Date of Issuance | Date of Effectivity | Non-Agriculture | Agriculture | |
Plantation | Non-Plantation | ||||
NCR | WO 21/September 14, 2017 | October 05, 2017 | ₱475.00-₱512.00 | ₱475.00 | ₱475.00 |
CAR | WO 19/July 20, 2018 | August 20, 2018 | ₱300.00-₱320.00 | ₱300.00-₱320.00 | ₱300.00-₱320.00 |
I | WO 19/November 24, 2017 | January 25, 2018 | ₱256.00-₱310.00 | ₱265.00 | ₱256.00 |
II | WO 18/August 11, 2017 | September 25, 2017 | ₱340 | ₱320 | ₱320 |
III | WO 21/June 28, 2018 | August 1, 2018 | ₱339.00-₱400.00 | ₱324.00-₱370.00 | ₱312.00-₱354.00 |
IV-A | WO 18/February 28, 2018 | April 28, 2018 | ₱317.00-₱400.00 | ₱303.00-₱370.00 | ₱303.00-₱356.00 |
Mimaropa | WO 08/September 05, 2017 | September 24, 2017 | ₱259.00-₱300.00 | ₱259.00-₱300.00 | ₱259.00-₱300.00 |
V | WO 19/August 14, 2018 | for publication | ₱295.00 – 305.00 | ₱295.00 – 305.00 | ₱295.00 – 305.00 |
VI | WO 24/June 08, 2018 | July 12, 2018 | ₱295.00-₱365.00 | ₱295.00 | ₱295.00 |
VII | WO 21/June 18, 2018 | August 3, 2018 | ₱318.00-₱386.00 | ₱313.00-₱368.00 | ₱313.00-₱368.00 |
VIII | WO 20/May 17, 2018 | June 25, 2018 | ₱305.00 | ₱275.00 | ₱275.00 |
IX | WO 20/June 29, 2018 | July 30, 2018 | ₱316.00 | ₱303.00 | ₱303.00 |
X | WO 19/May 23, 2017 | July 16, 2017 | ₱316.00-₱338.00 | ₱304.00-₱326.00 | ₱304.00-₱326.00 |
XI | WO 20/June 27, 2018 | August 16, 2018 | ₱370.00 | ₱365.00 | ₱365.00 |
XII | WO 20/April 13, 2018 | May 11, 2018 | ₱311.00 | ₱290.00 | ₱290.00 |
CARAGA | WO 15/November 10, 2017 | December 08, 2017 | ₱305.00 | ₱305.00 | ₱305.00 |
ARMM | WO 17/April 23, 2018 | June 15, 2018 | ₱280.00 | ₱270.00 | ₱270.00 |
Source: National Wages and Productivity Commission, accessed 31 October 2018. http://www.nwpc.dole.gov.ph/pages/statistics/stat_current_regional.html
Bakit iba-iba ang wage rates?
Ayon sa Republic Act No. 6727 o ang “Wage Rationalization Act,” bawat rehiyon ay may Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na siyang nagtatakda ng minimum wage base sa kondisyon ng kani-kanilang rehiyon.
Sa isang banda, tinitignan ang pangangailangan ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya, presyo ng mga bilihin, at employment level.
Sa kabilang banda, dapat din suriin ng RTWPB ang epekto ng minimum wage sa mga industriya, lalo na’t kinikilala ng batas ang importansya ng kalakalan sa mga probinsya.
Maaari kasing di lahat ng kumpanya o employer ay may kayang magpasahod ng masyadong mataas na minimum wage rate, at pag masyado itong mataas ay baka magsara ang ilan sa kanila at humina ang paglikha ng trabaho sa rehiyon.
Sa madaling salita, binabalanse dapat ang interes ng mga manggagawa at ng mga kumpanya.
Para sa mahihirap ang minimum wage, di ba?
Sa unang tingin, aakalaing mahihirap ang nakikinabang sa minimum wage.
Pero sa totoo lang, ang nakikinabang dito ay ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa pormal na sektor ng ekonomiya.
Kung gayon, sino ang mga hindi kasali?
Sila ang mga self-employed, may-ari ng sakahan, o nagtatrabaho sa negosyo ng pamilya. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga nagbebenta ng prutas o bulaklak sa kalsada, naglalako ng taho, nagsasaka ng sariling lupain, at gumagawa ng walis o basahan na binebenta sa EDSA.
Ayon sa datos, tinatayang 15 milyong manggagawa, o 38% sa kabuuang bilang ng mga manggagawang Pilipino, ang wala sa pormal na sektor (Figure 1).
Figure 1. Formal and informal workers in the Philippines, 2016-2018

Ayon din sa datos, ang mahihirap ay di masyadong nakadepende sa sahod/sweldo bilang pinagkukunan ng kita, kumpara sa mayayaman.
Mas maraming pamilyang kumikita ng mas mababa sa P60,000 kada taon ang naka-depende sa pansariling negosyo at ibang income sources (Figure 2). Ibig sabihin, di rin magiging masyadong malaki ang impact ng mas mataas na minimum wage sa kita ng mga mahihirap.
Figure 2. Sources of income, by income group

Ano ang epekto ng mas mataas na minimum wage?
May mga posibleng positibo at negatibong epekto ang pagtaas ng minimum wage. Makikita ang mga argumento sa Table 2.
Table 2. Posibleng epekto ng pagtaas ng minimum wage
Positibo | Negatibo | |
Manggagawa | Gaganahan magtrabaho ang mga manggagawa. | Baka mas mahirapan maghanap ng mga trabaho yung mga wala pang trabaho. |
Kumpanya | Mas produktibo ang mga manggagawa, at tataas ang kita ng kumpanya. | Mahihirapan din ang maraming maliliit na negosyo (micro, small, and medium enterprises o MSMEs).
Baka magsara ang ilan na hindi kayang magbayad ng minimum wage. |
Gubyerno | Mas maraming buwis na makukuha kapag produktibo ang mga manggagawa at kumpanya. | Kapag humingi ng mas mataas na sahod ang manggagawa, sa pagtaas ng gastos sa produksyon ay baka magkaroon ng domino effect sa ekonomiya (wage-price spiral) at magdulot ng pagtaas ng presyo ng bilihin (inflation). |
May mga pag-aaral rin na nagpapakita ng epekto ng pag-taas ng minimum wage sa Pilipinas. Narito ang ilan sa mga resulta:
- Ang pagtaas ng minimum wage rate ay may negatibong epekto sa paglikha ng trabaho. Ang higit na apektado dito ay mga kababaihan, mas bata, mas mababa ang lebel ng edukasyon, at mas kaunti ang experience.
- And mabilis na pagtaas ng minimum wage ay may kaakibat na paglaki ng porsyento ng mga mahihirap.
- Ang mga maliliit na negosyo ay napansing mas nagbabawas ng trabaho tuwing tumataas ang minimum wage.
- Ang pagtaas ng minimum wage, lalo na sa mga panahon ng mataas na inflation, ay may kasamang pagakyat ng “inflation expectations”.
Base sa mga nabanggit na pag-aaral, kailangang maging maingat ang pamahalaan sa pagtatakda ng mas mataas na minimum wage.
Higit sa pagbalanse ng interes ng manggagawa at ng mga negosyante, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang ugat ng kawalan ng disente at pangmatagalang hanapbuhay ng mga Pilipino.
2 thoughts on “Wage hike, why not?”