Ni Jefferson Arapoc

barter

Ikinagulat ng maraming tao ang pagpapatupad ni Pangulong Duterte ng Executive Order No. 64, o ang kautusang naglalayong buhaying muli ang barter trade system sa Mindanao.

Ayon mismo sa Pangulo, naniniwala siyang kaya nitong i-solve ang lumalalang inflation sa bansa. Maaari daw kasi nitong mapababa ang presyo ng mga pangunahing pagkain, gaya na lamang ng bigas.

Subalit meron nga bang katotohanan ito?

Ano ang barter trade?

Ang barter trade ay isang sistema ng kalakalan na hindi ginagamitan ng pera o salapi. Sa halip ay direktang nagpapalitan ng mga paninda o kalakal ang mga kalahok dito.

Ito ay isang lumang sistema ng kalakaran na ginamit ng ating mga ninuno upang makipagkalakaran sa mga dayuhan, gaya na lamang ng mga Tsino.

Bagamat simple at madali itong ipatupad, merong kalakip na problema ang nasabing sistema.

Para maging matagumpay kasi ang barter trade, kinakailangan mong makahanap ng taong mayroon nung bagay na gusto mo at dapat gusto niya rin yung bagay na ipapalit mo—o ang pagkakaroon ng ‘double coincidence of wants’.

Halimbawa, kung ikaw ay masahista at gusto mong matuto ng economics, kelangan mong humanap ng ekonomistang handang magbigay sayo ng economics lecture kapalit ang isang masarap na Swedish massage.

Solusyon nga ba ito sa lumalalang inflation?

Kung ating pagbabasihan ang kasaysayan, may ilang pagkakataon kung saan epektibo ang paggamit ng barter trade sa kalakaran.

Halimbawa rito ay ang Germany matapos ang World War II. Dahil tuluyang nawalan ng halaga ang kanilang salapi, napilitan ang mga taong gumamit ng mga produktogaya na lamang ng sigarilyona nagsilbing pera sa pakikipag-kalakaran.

Subalit ibang-iba ang nangyayari sa ekonomiya ng Pilipinas ngayong 2018.

Ayon sa mga eksperto, ang lumalalang inflation ngayon ay bunsod ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ng mababang produksiyon sa sektor ng agrikultura. Kaya naman hindi ganoong kalinaw kung paano makakatulong ang pagbuhay ng barter trade sa bansa.

At kung sakali mang kaya ngang maresolba ng barter trade ang kakulangan sa supply ng mga produktong pang-agrikultura sa Mindanaogaya na lamang ng bigaspaano nito maiibsan ang tumataas na presyo ng mga bilihin sa buong bansa?

Ayon kasi sa datos, halimbawa, pinakamataas ang inflation ngayon sa Bicol Region na nasa 10%, kumpara sa pambansang inflation na 6.7% lang. (BASAHIN: Inflation noong Setyembre 2018: Mga dapat mong malaman)

Bukod dito, dapat niyo ring malaman na hindi exempted ang barter systems sa pagkakaroon ng inflation.

Sa barter system kasi, may presyo pa rin ang mga produkto: hindi sa anyo ng perang papel o barya, kung di sa dami o klase ng produktong kailangang ipalit dito. Kaya kung magkakaroon ng kakulangan sa supply ng isang produkto, tulad ng bigas, maaaring dumami rin ang produktong kailangang ipalit para makuha ito.

Sa ngayon, hindi klaro kung paano malulutas ng barter system sa ARMM ang problema natin sa inflation.

May mga praktikal na problema din sa bagong EO ni Pangulong Duterte.

Paano malalalaman ng Mindanao Barter Council kung ano ang palitan ng mga produktong ibabarter? (Halimbawa, ang isang toneladang bigas ay katumbas ng ilang toneladang patatas?) Hindi ba nito papataasin ang gastos ng pagnenegosyo sa rehiyon (a.k.a. cost of doing business) at gagawing legal ang ilang uri ng smuggling?

Para maging epektibo ang bagong EO, kailangan matugunan ang mga isyung ito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s