Ni Jefferson Arapoc
Kamakailan ay laman ng mga pahayagan at ng iba’t ibang social media platforms ang balita tungkol sa patuloy na paglobo ng utang ng Pilipinas.
Ayon sa datos, umabot na sa PhP 7.159 trillion ang ating national outstanding debt.
Sa unang tingin, tila nakakalulang makakita ng utang na nagkakahalaga ng trilyong piso. Pero dapat nga ba tayong mabahala sa laki ng ating pambansang utang?
Sa totoo lang, hindi magandang sukatin ang utang ng isang bansa sa pagtingin lamang sa aktwal na laki nito.
Halimbawa, tignan niyo na lamang ang infographic sa ibaba (Figure 1). Makikitang pareho naman ng utang sila Susan at Gladys, subalit tila yata mas nakaka-angat si Gladys sapagkat mas malaki ang kanyang sinasahod kumpara kay Susan.

Sa madaling salita, mas akmang sukatin ang utang ng isang bansa kapag inihambing ito sa laki ng kanyang ekonomiya.
Isa sa mga ginagamit na panukat nito ay ang tinatawag na debt-to-GDP ratio. Ito ay ang porsiyento ng utang ng isang bansa kumpara sa kanyang gross domestic product (GDP), na siyang halaga ng lahat ng produkto at serbisyong nagawa sa loob ng isang bansa.
Kung ating titignan ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas, makikitang unti-unti na itong bumababa sa mga nagdaang mga taon (Figure 2).

Ang patuloy na pagbaba ng ating debt-to-GDP ratio ay maituturing na isa sa mga dahilan kung bakit tayo nagkaroon ng sunod-sunod na credit rating upgrade sa mga nakalipas na taon, o ang pagtaas ng ating grado na sumusukat sa kakayahan ng ating bansang magkapagbayad-utang.
Habang gumaganda ang pananalapi ng Pilipinas, mas naaakit ang mga mamumuhunan na mag-negosyo sa bansa. Kaya naman maganda sa ating imahe ang patuloy na pagtaas ng ating credit ratings.
Masama bang mangutang?
Hindi naman kaila sa atin na mayroon talagang negatibong dating ang pangungutang. Iniisip kasi ng nakararami na hindi magandang gumastos ang isang bansa ng higit sa kaya nitong kitain.
Subalit hindi sa lahat ng pagkakataon ay masama ang pangungutang. Sa katunayan, malaki ang nagiging papel nito sa pagpapalago ng ekonomiya ng isang bansa. Dahil sa pangungutang, nagagawa ng isang bansang gumastos sa mga proyektong magkapagbibigay sa kanya ng mas maraming kita sa hinaharap.
Maari natin itong maihalintulad sa isang pamilyang nangutang upang mamuhunan sa pagbili ng jeep o tricycle. Sa halimbawang ito, nagkaroon sila ng regular na pagkakakitaan mula sa kanilang inutang.
Ganoon din ang nangyayari sa mga bansang gumagamit ng kanilang inutang sa pagpapagawa ng mga proyektong pang-imprastraktura, na inaasahang makapag-papasigla ng kanilang kalakalan. (BASAHIN: Para saan ba ang Build, Build, Build?)
Mga dapat bantayan sa pangungutang ng isang bansa
Bagamat hindi naman talaga masama ang pangungutang, may mga bagay pa rin na kailangan isaalang-alang ang ating gobyerno.
Isa dito ay ang tamang pagpili ng bansa o institusyon na ating uutangan. Kailangan din siguraduhin na maayos at patas ang mga kasunduang kalakip ng ating pag-utang, gaya na lamang ng ipapataw na interes.
Importanteng matiyak ng gobyerno na may kakayahan tayong sumunod sa mga ito upang hindi tayo magaya sa mga bansang tuluyan ng nabaon sa pagkakautang, tulad ng ilang bansa sa Africa at Asia na napilitang ibigay ang kanilang mga likas na yaman o teritoryo kapalit ng kanilang kawalan ng kakayahang magbayad-utang.
Isa pa sa mga dapat bantayan ng gobyerno ay ang bumabagsak na halaga ng piso kontra dolyar, sapagkat nagdudulot ito ng paglaki ng ating utang.
Ang bumababang halaga ng ating pera ay nangangahulugan na mas maraming piso ang ating kakailanganin upang makabili tayo ng isang dolyar. (BASAHIN: Mga dapat mong malaman tungkol sa ‘exchange rate’)
Bagamat wala tayong direktang kontrol sa exchange rate, may mga bagay na maaring gawin ang gobyerno upang mapalakas ang halaga ng piso—gaya na lamang ng pagsusulong ng mga polisiyang makapagpapalakas ng ating exports at makapanghihikayat ng mas maraming foreign direct investments.
Importante ring pag-isipang mabuti ng gobyerno ang mga proyektong paggagamitan ng mga inutang nito. Mahalagang matiyak na mas malaki ang magiging benepisyo natin sa hinaharap kumpara sa laki ng gastos sa pagpapagawa ng mga ito.
Makabubuti rin kung maiiwasan ang anumang klase ng katiwalian o korapsyon upang masigurong walang masasayang sa pera na ating inutang o sa pera ng taumbayan, kahit ni isang singkong duling.
One thought on “Lubog na nga ba sa utang ang Pilipinas?”