Ni JC Punongbayan
Sinabi ni Pangulong Duterte kahapon—habang pinararangalan ang bagong mga National Artist—na wala raw magagawa ang gubyerno para tugunan at labanan ang inflation.
“I have assembled all of the talents available… low-key but brilliant minds. ‘Yun ba namang inflation na ‘yan, kung sa mga utak na ‘yan hindi kaya, hindi talaga kaya eh. Wala, wala tayong magawa kasi…,” sabi ni Duterte.
Sinisi niya rin ulit ang kakulangan natin ng langis bilang sanhi ng inflation.
“We don’t have the buffer on oil. The reserve, we can just increase little by little, but we don’t have that luxury, and that is why inflation is high. You can crucify me, behead me, I cannot do anything in oil.”
Pero wala nga ba tayong magagawa? Sa totoo lang, marami.
Narito ang ilang hakbang na maaaring gawin ng guberyno para tugunan ang inflation:
(1) Pigilan ang next round ng petroleum excise tax hikes sa January 1, 2019 dulot ng TRAIN Law.
Nakasaad sa TRAIN Law na sa pagsapit ng Bagong Taon ay magkakaroon ng pangalawang round ng pagtaas ng excise tax o buwis sa mga produktong petrolyo tulad ng gasolina, diesel, at kerosene.
Pero dahil nakadaragdag ito sa inflation, baka makatulong ang pag-postpone nito para ibsan ang inflation, tulad ng orihinal na ipinanukala ni Sen. Bam Aquino buwan na ang lumipas.
Nagkataon rin na pumalo na sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai Crude (benchmark ng pandaigdigang presyo ng langis), na siyang kondisyon sa TRAIN Law para ihinto ang next round ng petroleum excise taxes sa Bagong Taon.
(2) Pabilisin ang pag-import at distribusyon ng bigas.
Sa mga nakalipas na araw, bahagya nang bumaba ang presyo ng bigas dahil pumasok na ang anihan (harvest season).
Ngunit dahil sa krisis sa bigas at tumataas na inflation sa nakalipas, nangako rin ang Department of Agriculture at NFA na mag-aangkat ang gubyerno ng bigas mula sa labas ng bansa.
Pero mukhang di akma ang timing nito dahil sa harvest season na, at magiging kompitensya pa ng imports ang ani ng ating mga magsasaka.
Para huwag masyadong umaray ang mga magsasaka, mas maganda siguro kung nag-import ang gubyerno noong lean months.
(3) Ipasa ang Rice Tariffication Bill na may mababang tariff rate.
Isa pang paraan para itama ang sitwasyon sa bigas ay ang pagpapasa ng Rice Tariffication Bill, kung saan tatanggalin na ang quota sa pag-import ng bigas, at malaya ang sinumang mag-import basta handa silang magbayad ng buwis.
Pero para mas dumami ang supply ng bigas (at mapababa ang presyo nito) ay dapat mas mababa sana ang porsyento ng taripa o buwis.
Sa ngayon kasi, sinasabi ng ilan na masyadong mataas pa rin ang panukalang 35% na buwis sa bigas na aangkatin mula sa ibang bansa sa ASEAN.
(4) Tukuyin at resolbahin ang mga problema sa produksyon ng gulay at isda.
Bukod sa bigas ay nagkaroon din ng problem sa produksyon ng ilang importanteng bilihin—tulad ng gulay, isda, asukal, at karne—sa mga nakalipas na buwan.
Kaya naman ang inflation rate ng gulay ay pumalo noong Setyembre nang 21%, isda 13.4%, asukal 10.3%, mais 8.7%, tinapay 8.6%, at karne 8.4%.
May mga report, halimbawa, na nahirapan ang pag-harvest ng mga gulay dahil sa mga bagyong dumaan. Humina rin ang pangingisda sa ibang lugar dahil sa parehong dahilan.
Para maawat ang inflation ng pagkain, kailangan tukuyin ng gubyerno ang mga problema sa agrikultura at resolbahin ang mga ito.
(5) Pabilisin ang distribusyon ng ayuda sa mga mahihirap.
Parte ng kita mula sa TRAIN ay mapupunta sa mga mahihirap na sasagasaan ng mataas na inflation (ang pera ay tinatawag na unconditional cash transfers).
Ngunit sa pinakabagong datos ay higit 6 milyong pamilya pa lang ang naaabot ng kakarampot na ayudang ito (P2,400 bawat taon sa isang pamilya na may 5 miyembro), samantalang 10 milyong pamilya ang nais nilang maabot.
Kailangan pabilisin ang pagbibigay ng ayudang ito para maitawid ng mahihirap ang kanilang buhay sa gitna ng pag-arangkada ng mga presyo.
(6) Taasan ang interest rates ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ginagawa na ito ng BSP. Sa pamamagitan nito, halimbawa, hindi gaganahan ang maraming tao na mangutang para sa kanilang mga kotse o bahay. Ito’y inaasahang magpapababa sa kabuoang demand sa ekonomiya, pati na rin sa presyo ng mga bilihin.
Pero saka pa natin mararamdaman ang epekto pagdating ng 10 hanggang 12 buwan. Kapag nasobrahan, maaari din nitong pahinain ang paglago ng ating ekonomiya sa hinaharap.
Pero marahil isa ito sa pinaka-importanteng senyales sa mga tao na may ginagawa ang gubyerno para ibsan ang inflation.
Bilang panghuli, aminado naman si Pangulong Duterte na may kinalaman din ang gubyerno sa inflation. Aniya, “I’m not saying that we are not responsible for the inflation because when you are here, you swallow everything. Sa panahon mo eh.”
Pero hindi akmang sabihin na walang magagawa ang gubyerno ukol dito.
Napakaraming paraan para umaksyon, at nawa’y maliwanagan ang Pangulo ukol sa mga ito.
Unang gawin: alisin ang economic team nya: pernia, diokno, dominguez at bsp prez, etc.
2ng gawin: ibalik ang econ team ng previous admin dahil magaling ang nagawa nila
3ng gawin: tanggalin si piñol, sya’y walang ginagawa bilang DA kaya mahina produksyon.
4 na gawin: Ilipat ang mga pagtaas sa sweldo ng mga pulis at sundalo doon sa ibang sektor ng direktang nahirapan sa inflation.
5ng gawin: Ihinto ang TRAIN sa oil products.
LikeLike
1. Bigyan ng tunay na kabuhayan ang magsasaka at mangingisda.
2. Ipamudmud ang bukbuk rice sa mga taong gobyerno kapalit ng Christmas cash gift. Kahit 10 cavan bawa’t isa mula sa bureau chief pataas. Ang naipong halaga, ibigay sa IRRI para makatuklas ng bagong strain ng palay panlaban sa darting na global warming.Kung may matira ibili ng matining bigas para sa tunay na mahihirap..
LikeLike