Ni Rainier Ric B. de la Cruz
Sa unang bahagi ng aking artikulo sa TRAIN 2 o TRABAHO Bill ay tinalakay natin ang kasalukuyang sistema ng corporate taxation sa bansa at ilan sa mga panukalang pagbabago sa ilalim ng isinusulong na batas. (BASAHIN: TRAIN 2: Dapat nga ba tayong mabahala sa pagharurot nito?)
Tinalakay ko rin ang investment incentives na ibinibigay ng pamahalaan para mahikayat ang mga negosyanteng mamuhunan sa bansa.
Ang tanong ngayon, kanino galing ang mga insentibong ito?
Investment Promotion Agencies (IPAs)
Ito pa ang isang isyung nais solusyunan ng TRABAHO Bill.
Sa kasalukuyan kasi ay napakaraming mga ahensya ng gobyerno ang pinagmumulan ng mga incentive, pangunahin dito ang Board of Investments (BOI) at ang Philippine Economic Zone Authority (PEZA). Makikita sa mapa ang 16 na iba pang investment promotion agencies at special economic zone authorities.
Source: http://boi.gov.ph/investments-promotion/map-of-ipas/
Dahil sa dami ng IPAs ay nagiging komplikado ang kasalukuyang sistema. Ang mga insentibong ito ay napapaloob rin sa 123 na batas tungkol sa pamumuhunan, at 192 non-investment laws. Napakarami, di ba?
May posibilidad pang magkaroon ng overlap sa kanilang mga gawain at polisiya, o kaya naman madoble (o maging redundant) ang mga binibigay na insentibo: mamumuhunan pa rin naman sila kahit walang incentives.
Halimbawa, isipin mo ang bunso mong kapatid na binigyan ng nanay mo ng malaking baon para mahikayat siyang pumasok sa eskwela. ‘Yun pala, papasok naman siya kahit hindi malaki ang baon niya. Redundant di ba?
Kung wala sanang overlap, walang redundancy, at hindi nadodoble ang mga insentibo ay maayos na makahihikayat ng mga negosyante sa bansa, at hindi masyadong malaki ang mawawalang pera sa pamahalaan.
Mayroon ding mga pag-aaral na nagsasabing hindi ganun kalaki ang epekto ng incentives sa pagpapalago ng pamumuhunan sa bansa.
Samakatuwid, mas makabubuting isaayos at tutukan muna ang iba pang mga salik kaysa purong insentibo lamang ang ibinibigay.
Pagbabago ng incentives sa ilalim ng TRABAHO Bill
Upang mabawi ang kitang nawawala umano sa pamahalaan, panukala ng TRABAHO Bill na isaayos ang mga insentibo at pagsamahin sa iisang sistema ang lahat ng mga benepisyong ibinibigay ng iba’t ibang mga ahensya.
Mungkahi ring gumawa ng Strategic Investment Priorities Plan (SIPP) kada tatlong taon sa pangunguna ng BOI. Ang mga proyektong nakalista sa SIPP ang pwede lamang magparehistro at mag-apply upang makatanggap ng incentives.
Palalawigin din ang kapangyarihan ng Fiscal Incentives Review Board, isang ahensiyang kalakip ng DOF. Lahat ng mga ibibigay na insentibo ay dadaan sa pagsusuri at pag-apruba ng ahensiyang ito.
Ano naman ang mangyayari sa kasalukuyang mga benepisyo?
Depende ito kung gaano na katagal tinatanggap ng isang negosyo ang insentibo. Maaari na lamang ipagpatuloy ng 2 taon ang insentibo para sa mga aktibidad na tumanggap nito sa higit 10 taon; 3 taon naman para sa mga aktibidad na tumanggap na nito ng 5-10 taon; at 5 taon para sa mga nakatanggap na nito ng mas mababa sa limang taon.
Tugon ng mga mamumuhunan
Gaya ng inaasahan, maraming mga negosyante ang umaangal sa mga panukalang ito.
Sabi nila, maaaring magdulot ito ng malawakang unemployment kapag nagdesisyon ang mga kumpanyang magsara o huwag nang ipagpatuloy ang operasyon sa Pilipinas dahil sa pagkawala ng mga tinatamasang insentibo.
Ngayon pa lang, nagrereklamo na ang PEZA at ang BOI.
Ayon sa kanila, ang pagsasabatas ng panukalang ito ay maaaring magdulot ng malawakang pag-alis ng mga dayuhang namumuhunan sa Pilipinas.
Sa tingin ng PEZA, magdudulot din ng paglabag sa mga kasalukuyang kontrata ang pagtanggal o pagpapaiksi sa mga kasalukuyang insentibo, bukod pa sa ibang mga problemang legal.
Para naman sa BOI, malaking tulong ang dulot ng mga insentibo. Sa tantiya ng ahensya, sa bawat P1 gastusin ng gobyerno sa mga insentibo ay kumikita ito ng dagdag na P2 tax revenue, katumbas ng P13 na halaga ng mga lokal na kalakaran, at P16.56 na katumbas na halaga ng kita mula sa export.
Taliwas ito sa taya ng DOF na sa bawat P1 na ginagastos sa mga insentibo ay P0.60 lamang ang bumabalik sa pamahalaan.
May mga umaangal din mula sa mga samahan ng mga mamumuhunan tulad ng Joint Foreign Chambers of Commerce of the Philippines (JFC) at Philippine Ecozones Association (Philea).
Samantala, ayon sa taya ng Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation Inc. (SEIPI) ay pwedeng umabot sa 140,000 ang mga mawawalang trabaho sa industriya ng semiconductors kapag tuluyang naisabatas ang panukala.
Bukod pa ito sa mga trabahong hindi direktang apektado. Kung matatandaan, semiconductors at mga piyesang elektroniko ang panguhaning produktong iniluluwas ng bansa.
TRABAHO Bill na sisira ng trabaho?
Sa tingin ng ilang eksperto at mga nagsusulong nito, ang TRABAHO Bill ay solusyon sa matagal nang magulong sistema.
Para naman sa mga kritiko nito, ang TRABAHO Bill ay isang kabalintunaan (irony). Habang ang layunin nito ay magbigay ng mga panibagong oportunidad at dagdag trabaho, maaring taliwas naman ang magiging resulta nito: kawalan ng trabaho.
One thought on “May trabaho nga ba sa TRABAHO Bill?”