Gaano kahirap maging mahirap dahil sa lumalalang inflation?

Ni Paul Neilmer Feliciano

inflation

Nitong mga nakaraang linggo, sinabi ni Congressman Joey Salceda na mahigit 2.4 milyon na Pilipino ang maaring nabaon sa kahirapan dahil sa lumalalang pagtaas ng inflation. Sila yung mga hindi naman mahirap dati pero nasadlak na sa kahirapan (o “near poor”).

Nakakabahala ito sapagkat taliwas ito sa target ng gobyerno na ibaba ang bilang ng mga mahihirap sa bansa.

Pero ano nga ba ang kaugnayan ng inflation sa kahirapan? At ano bang mga bagay ang nakakaapekto dito?

May mga nauna nang mga nasulat tungkol sa usapin ng inflation (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?; Inflation noong Setyembre 2018: Mga dapat mong malaman), subalit hindi pa ganoong natalakay ang direktang epekto nito sa kahirapan.

Paano nga ba sinsusukat ang kahirapan?

Umpisahan natin sa tatlong halimbawa ng trabaho at kita ni Juan at Juana.PIC 1 - Poverty.png
Base sa mga impormasyon na nasa itaas, sino sa kanila ang maituturing na mahirap? At sino naman ang hindi?

Ayon sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), maituturing na mahirap ang isang indibidwal o pamilya kapag hindi nito nahigitan ang tinatawag na poverty threshold: ito ang pinakamaliit na kita na kailangan para matustusan ng isang pamilya ang mga pangangailangan nito, tulad ng pagkain at iba pang bagay.

Noong 2015, ang poverty threshold para sa isang indibidwal ay Php 23,000 kada taon, samantalang Php 109,000 kada taon para sa isang pamilya na may limang miyembro. Sinumang kumikita ng mas maliit sa mga poverty threshold na ito ay mahirap.

Ang mabuting balita ay bumaba naman ang kahirapan sa Pilipinas noong 2015 kumpara sa mga nakaraang taon (Figure 1).

Una, nabawasan ang porsiyento at bilang ng mahihirap sa bansa. Tinatayang nasa 21.6% na lamang na porsiyento ng mahihirap kumpara sa 26.6% noong 2006.

Pangalawa, bumaba rin ang bilang ng mahihirap: 21.9 milyon noong 2015, mula sa 23.7 milyon noong 2012.

Figure 1. Tindi at Dami ng Kahirapan, iba-ibang taonChart 1 - PovertySource: Philippine Statistics Authority

Ano ang mga bagay na may epekto sa kahirapan?

Marapat na tignan ang mga bagay na may impluwensya sa pagtaas at pagbaba ng kahirapan.

Una, ang paglago ng GDP o gross domestic product (Figure 2) ay nangangahulugang lumaki ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagdami produkto at serbisyo na nilikha nito sa loob ng isang taon.

Base sa datos, halos 6% na ang paglaki ng ekonomiya noong 2012, at pumalo pa ito ng 6.4% nung 2015.

Figure 2.  Tindi ng kahirapan, paglaki ng GDP at InflationChart 2 - PovertySource: Philippine Statistics Authority, World Bank WDI

Kapag malakas ang paglago ng GDP, mas maraming oportunidad sa ekonomiya tulad ng dagdag pamumuhunan, karagdagang trabaho at mataas na sahod. Dumadami ang sideline na trabaho ni Manong Rainier; tumataas ang kita ni Aleng Maien at nakapag-invest pa ng kaniyang sariling turo-turo; at si Kuya JC ay nakahanap ng mas regular na trabaho bilang delivery boy.

Ngunit isa sa balakid sa pagsugpo sa kahirapan ay ang mataas na inflation (Figure 2). Kapag mataas ang presyo ng bilihin at walang sapat na kita, makakadanas ng gutom at maaring pang magkasakit. Kasama na rito sina Manong Rainier at maari ring si Aleng Maien.

Mapapansin na noong 2006 hanggang 2009 ay mas mataas ang inflation kaysa sa GDP growth, kaya marahil di gaano kalaki ang pagbaba ng kahirapan noong panahong iyon.

Mula 2012 hanggang 2015, mas mataas na GDP sa inflation at makikita na mas mabilis ang bagsak ng antas ng kahirapan. Ganito ang kaugnayan ng GDP, inflation, at kahirapan.

Kamusta ang kahirapan sa mga karatig-bansa sa ASEAN?

Ang Pilipinas ay pumapangatlo sa rehiyon base sa tindi ng kahirapan. Mapapansin din na  mas mataas ang average na kita ng bawat Pilipino kumpara sa taga-Vietnam at Cambodia, pero ang antas kahirapan ay mas mababa kaysa sa atin. (Figure 3)

Kaya siguro maraming Pilipino pa rin ang mahirap, kumpara sa ibang mamamayan ng ASEAN, ay mabagal ang paglago ng ating ekonomiya sa nakalipas na apat na dekada; kakaunti ang de kalidad na trabaho; madalas na mataas na inflation; di pantay na distribusyon ng kita at yaman ng bansa (income inequality); at mga samu’t-saring krisis.

Figure 3. Tindi ng kahirapan sa mga bansang ASEAN, panghuling releaseChart 3 - Poverty.pngSource: Asian Development Bank, World Bank WDI

Kaakibat ng kahirapan ang income inequality, at ang Pilipinas ang may pinakamalubhang income inequality sa buong ASEAN region. 

Kapag ganito, kahit na anong antas ng paglago ng ekonomiya, malaking bahagi pa rin nito ay napupunta sa mayamang bahagi ng populasyon, at di gaano nararandaman ng mga pinakamahihirap nating kababayan.

Ano ang maaring gawin ng gobyerno?

Sa lahat ng isyu na kinakaharap ng gobyerno, marahil ito na ang pinakamalaking hamon na kailangan tugunan.

Unang-una, mainam na siguraduhin ang mabilis na paglago ng ekonomiya sa antas na 6 to 8% at kaakibat ng mababa na inflation.

Pangalawa, bawasan ang income inequality sa pamamagitan ng pagtaas sa paggastos sa pampublikong edukasyon at kalusugan, pagbuti ng kalidad ng trabaho at pag-ubaya ng skills training, pagbigay ng conditional transfers sa mga pinakamahihirap (tulad ng Pantawid Pamilya), at pagbigay suporta sa importanteng sector lalo na sa agrikultura kung saan nagtatrabaho ang karamihan ng mahirap.

Pangatlo, kailangan paigtingin pa ang paglago ng ekonomiya, pati ang pamumuhunan sa bansa, lokal man o banyaga. Kasama na rito ang pagpapadali sa proseso ng pagnenegosyo at kalakal sa bansa. Makatulong dito ang Build Build Build. (BASAHIN: Para saan ba ang Build, Build, Build?)

Ang pagsugpo sa kahirapan ay isang malaking proyekto na dapat pagtulungan ng gobyerno, pribadong sector, at lahat ng Pilipino.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s