Ni Marianne Joy Vital
Sa nauna kong article, tinalakay ko ang ating lumalaking “trade deficit,” o ang kalabisan ng imports kumpara sa ating exports. (BASAHIN: Lumalaking trade deficit, dapat bang pangambahan?)
Marahil ang pinaka-importanteng sanhi nito ay ang Build, Build, Build (BBB) program ng kasalukuyang administrasyon, na naglalayon na gumastos ng P8-9 trilyon para sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Pero bakit ba kasi may BBB, at ano ang saysay nito sa ekonomiya?
Ano ang imprastraktura at para saan ito?
Ang imprastraktura ay mga pisikal na puhunan na umaalalay sa ating pang-araw-araw na buhay.
Kasama rito ang mga daan, kalye, tulay, airport, tren, daungan ng barko, hydroelectric dams, linya para sa kuryente, drainage system, at iba pa.

Importante ang imprastraktura dahil nakakatulong ito sa paglago ng ekonomiya, at natutulungan din nitong maiangat ang antas ng pamumuhay sa bansa.
May iba-ibang klase ng imprastraktura, tulad ng connectivity infrastructure na siyang naguugnay sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas, lalo na ng mga malalayong lugar. Napapabilis nito ang kalakal at bentahan ng mga produkto.
Importante din ang imprastraktura sa kalakaran natin sa ibang bansa. Ito ang dahilan kung bakit nagagawa nating mag-import ng mga iPhones at Samsung phones. Nagagawa naman nating ibenta ang mga electrical circuits na ina-assemble natin sa mga factory na siyang pangunahin nating export sa ngayon.
Malaya ring nakakapaglakbay (travel) ang mga tao gamit ang mga kalsada at pang-masang transportasyon. Maaari kang mag-uwian kahit na hindi ganoon kalapit ang iyong pinagtatrabahuan. Magagawa mo ring mabisita ang iyong mga kamag-anak sa iba’t-ibang parte ng bansa, pati na rin sa abroad.
Ang infrastructure ay nakakapag-pausbong rin ng ating turismo dahil naging accessible ang mga magaganda ngunit malalayong tanawin. Nakakatulong ito sa mga probinsya dahil nagkakaroon ng demand para sa kanilang mga tourist spots at produkto.
Trabahong dulot ng Build, Build, Build
Isa pang benepisyo ng BBB ay ang paglikha nito ng maraming trabaho habang isinasagawa ang konstruksyon. Sa katunayan, inilunsand ng gobyerno ang Jobs, Jobs, Jobs website kamakailan.
Subalit ang tunay na layon ng BBB ay hindi lamang para lumikha ng pansamantalang trabaho, ngunit upang makapagbigay ng pangmatagalang hanapbuhay para sa ating mga kababayan.
Isang magandang halimbawa ang farm to market roads (FMR). Dahil dito, mas magiging madali na para sa mga magsasaka at iba pang negosyante na magpadala ng kanilang mga produkto sa mga sentro ng komersyo. Kapag maganda ang transportasyon, magdudulot ito ng mas mababang gastos at mas malaking kita.
Ang karagdagang tubo (profit) ay maaari namang gamitin ng mga negosyante (maski lokal o foreign) para palakihin pa ang kanilang mga negosyo. Habang lumalaki ang negosyo nila ay makalilikha pa ng karagdagang negosyo at hanapbuhay.
Kaya naman malaki rin ang maidudulot ng BBB sa pagpapadami ng trabaho sa ating ekonomiya.
Gumugulong na ba ang Build, Build, Build?
Noong 2017, inilabas ng Administrasyong Duterte ang BBB na tinatayang aabot sa Php 8.4 trillion ang gastos mula 2017 hanggang 2022 (Figure 2).

Makikita naman sa mapa (Figure 3) ang distribusyon ng mga proyekto sa buong bansa.

Ang pinagkaiba ng BBB sa ibang programang ng nakalipas na administrasyon, ay ang hindi paggamit ng public-private partnership (PPP), kung saan nagtutulungan ang gobyerno at pribadong sektor sa gastos at paggawa ng mga proyekto (at naghahati sa gastos nito).
Samakatuwid, malaking bahagi ng gastos sa BBB ay manggagaling sa kita mula sa buwis (tax), utang (loans), at official development assistance o tulong mula sa ibang bansa gaya ng Japan at China.
Bagamat maganda ang layunin ng BBB, may mga balakid sa pagpapatupad nito.
Ayon sa datos, sa 35 proyekto na naaprubahan simula 2017, dalawa pa lang ang natutuloy na construction, at pito ang nagsisimula pa lamang.
May pag-usad naman, ngunit sadyang mabagal ito, lalo pa sa pagkuha ng mga construction firms na sa ngayon ay sinasailalim pa sa masusing pagpili ng gobyerno. Kaya naman may mga nagdududa kung matatapos ang kabuuang target ng BBB sa dulo ng 2022.
Hindi maiiwasan ang pagkaantala dahil sa patong-patong na burokrasya, mga striktong batas pagdating sa paggastos ng pondo ng gobyerno, at limitadong kakayahan ng mga ahensya lalo na’t biglang dumami ang mga proyekto na kailangang i-proseso (tinatawag na absorptive capacity).
Mismong pamahalaan na ang nagsasabing kahit ang Aquino administrasyon ay nakaranas ng pagkaantala na tumagal ng 2 hanggang 3 taon. Halimbawa, ngayon pa lang gumugulong ang mga proyekto tulad ng LRT 1 Extension at MRT 7.
Kailangang maresolba ang mga balakid na ito para mapabibilis ang implementasyon ng BBB at mapadami pa ang imprastraktura na bansa na kailangan natin sa patuloy na paglago ng ating ekonomiya sa hinaharap.
7 thoughts on “Para saan ba ang Build, Build, Build?”