Ni JC Punongbayan

Article 008

Kaliwa’t kanan ang problemang kinakaharap ng ekonomiya ng Pilipinas ngayon, lalo na ang tumataas na inflation o pagbulusok pataas ng mga presyo ng bilihin. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)

Ngunit sa kabila nito, pinagmalaki kamakailan ni Secretary Ernesto Pernia na magiging “upper-middle income” na bansa na raw ang Pilipinas sa susunod na taon (2019).

Kinumpirma naman ito ng World Bank: malapit na raw tayong mahanay sa ibang upper-middle income na bansa tulad ng China, Malaysia, at Thailand.

Totoo nga ba ito? Talaga bang mas magiging maunlad na ang Pilipinas sa susunod na taon?

Good news

Simulan natin sa good news: hindi malayo na marating na natin ang upper-middle income status sa lalong madaling panahon. Paano?

Ang kabuoang kita ng isang bansa ay sinusukat ng GDP o gross domestic product: ito ang halaga ng lahat ng produkto at serbisyo na nililikha ng mga tao sa isang ekonomiya sa isang taon, maging Pilipino ka man o banyaga.

Isa pang sukat ay ang GNI o gross national income: idagdag mo sa GDP ang halaga na nililikha ng mga Pilipino sa labas ng bansa (tulad ng OFWs) at ibawas mo ang halaga na nililikha ng mga foreigner sa loob ng bansa.

Pag hinati-hati mo ang GNI sa lahat ng Pilipino, tinatawag iyon na GNI kada tao (GNI per person).

Importante ang GNI kada tao dahil ito ang ginagamit ng World Bank para i-grupo ang mga bansa base sa kanilang kita.

Pinapakita sa Table 1 ang GNI kada tao na kailangan ng bansa at kung ano ang kaukulang grupong kinabibilangan nito.

Grupo GNI kada tao
Mababang kita (low-income) Mas mababa sa $995
Lower-middle income $996 hanggang $3,895
Upper-middle income $3,896 hanggang $12,055
Mataas na kita (high-income) $12,056 o lagpas pa

Table 1.

Pero gaano na ba kalaki ang GNI kada tao ng Pilipinas? Noong 2017 naitala ito sa $3,660.

Sa makatuwid, $236 na lang ang butal para maging upper-middle income tayo. Kada taon, mula 2018 hanggang 2019,  kailangan na lang tumaas ng $163 ang GNI kada tao para maturing na tayong upper-middle income na bansa.

Makikita sa Figure 1 kung gaano na tayo kalapit sa income threshold na ito.

umi2019
Figure 1.

Samakatuwid, di nga malayo na maging upper-middle income na tayo sa 2019. Tandaang napabilang tayo sa “lower-middle” income group simula pa noong 1987. Matapos ang 32 years ay ga-graduate na tayo sa wakas. Good news talaga ito.

Bad news

Ngunit maraming dapat tandaan sa nalalapit nating pagbabago ng income status.

Una, ang minimum income na kailangan para dito (ngayon ay $3,896) ay patuloy na tumataas, at kailangang patuloy na umunlad ang ating ekonomiya para mahabol natin ito.

Pangalawa, kailangan nating suriin kung bakit mabagal ang pag-unlad natin kumpara sa ating mga kapitbahay.

Pinapakita sa Figure 2 na noong 1950s at 1960s ay pinakamaunlad ang Pilipinas sa rehiyong ASEAN. Ngunit noong 1960s hanggang 1980s ay unti-unti tayong naungusan ng Malaysia, Thailand, at Indonesia.

Sa ngayon, Viet Nam, Laos, Myanmar, at Cambodia na lang ang mas mahirap sa Pilipinas, ngunit napakabilis ng kanilang pag-unlad. Malapit-lapit na nga ring maging upper-middle income country ang Viet Nam.

Kaya naman mas maganda sigurong tanungin kung bakit tayo napaghulihan ng mga karatig bansa natin sa ASEAN, at ano ang magagawa natin para pabilisin pa ang ating pag-unlad?

aseangdppc_ue
Figure 2.

Pangatlo, hindi ibig sabihin na magiging mas mayaman na ang lahat ng Pilipino sa 2019.

Hindi kasama sa GDP o GNI per person ang pagkakapantay ng kita sa lipunan. Maaari kasing iilan lang ang nakikinabang sa paglago ng ekonomiya, at marami sa ating kababayan ang naiiwan sa laylayan. 

Halimbawa, noong 2015 ay halos 4 milyong pamilyang Pilipino pa ang nabuhay sa mas mababa sa P10,000 kada buwan, o mahigit lang sa P333 kada araw. Mas maganda sana kung kumakaunti rin ang bilang ng mahihirap habang tumataas ang kita ng bansa.

Sa Figure 3 makikita na napakabagal ng pagbaba ng kahirapan sa Pilipinas kumpara sa ibang bansang ASEAN.

Sa Malaysia at Thailand halos wala ng nabubuhay sa $1.90 kada araw. Sa Viet Nam naman ay napakabilis ng pagbaba ng porsyento ng kanilang populasyon na nabubuhay dito.

aseanpov
Figure 3.

Panghuli, dapat ding bantayan ang mga banta sa paglago ng ating ekonomiya.

Halimbawa, sa mga nakalipas na buwan ay pababa nang pababa ang paglago ng ating GDP, mula 7% hanggang 6%. Palayo rin ito nang palayo sa target ng gubyerno na nasa 7% hanggang 8% para sa 2018.

Bukod dito, halos di rin lumaki ang sektor ng agrikultura noong 2nd quarter ng 2018 (nakalulungkot dahil dito nagtatrahaho ang marami sa mahihirap). Ang paggastos naman ng mga pribadong indibidwal ay bumagal na rin dahil sa inflation.

Kapag di natin mabantayan ang mga ito ay baka di natin mapatangawan ang ating upper-middle income status.

Dapat ipagbunyi?

Sa pangkalahatan, magandang balita na maituturing na tayong upper-middle income country.

Pero di rin ito dapat lubos na ipagbunyi. Kailangan nating panatilihin ang paglago ng ekonomiya, pabilisin ang pagbaba ng kahirapan, at siguruhin na maraming Pilipino ang makikinabang sa kaunlaran at di lang ang mayayaman.

2 thoughts on “Pilipinas, magiging ‘upper-middle income’ na nga ba sa 2019?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s