Ni Rainier Ric de la Cruz

train

Hindi pa man lubos na nahihimasmasan ang marami sa epekto ng pagharurot ng TRAIN Law (“Tax Reform for Acceleration and Inclusion”) ay may bagong paandar na naman ang ating pamahalaan: ang TRAIN 2.

Ang programang ito, na unang ipinanukala ng Department of Finance (DOF) bilang ikalawang yugto sa reporma sa kasalukuyang sistema ng pagbubuwis sa bansa, ay kilala rin bilang “Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities”o TRABAHO Bill.

Ang pagpapalit ng pangalan ay dahil na rin sa kagustuhan ng ilang mambabatas na mailayo ito sa kontrobersyang nilikha ng TRAIN 1.

Noong Setyembre 10, naipasa na ang bersyon ng Lower House (House Bill 8083) sa ikatlo at huling pagbasa. Samantala, ang bersyon ng Senado (Senate Bill 1906) ay patuloy pa ring tinatalakay.

Bakit nga ba sinusulong ng pamahalaan ang TRAIN 2? Ano nga ba ang nilalaman ng bagong panukalang batas na ito? Sinu-sino ang mga makikinabang dito at mga masasagasaan nito?

Mas mababang buwis sa mga korporasyon

Kung ang TRAIN 1 ay nakatuon sa pagpapababa ng ating personal income tax (PIT)o ang buwis na ipinapataw sa kita at sahod ng mga manggagawaang TRABAHO Bill naman ay nakatuon sa pagpapababa ng corporate income tax (CIT), o ang buwis na ipinapataw sa mga rehistradong korporasyon sa bansa.

Sa kasalukuyan, ang CIT rate sa Pilipinas ay nakapako sa 30%. Kumbaga sa P100 na kita (net taxable income) ng korporasyonkung saan bawas na ang gastos sa paggawa, sahod ng mga empleyado, pagkalagas ng mga kagamitan, atbp.P30 ang mapupunta sa gobyerno.

Ito na ang pinakamataas na CIT rate ngayon sa buong rehiyong ASEAN (Figure 1). Singapore ang nakapagtala ng pinakamababang CIT rate sa rehiyon (17%), samantalang nasa 20-25% naman ang sa ibang bansa.

aseancit
Figure 1.

Depende rin sa klase ng korporasyon kung paano ipinapataw ang CIT. Para sa mga domestic o lokal na korporasyon, binubuwisan ang lahat ng kinita nila sa loob at labas ng bansa. Para naman sa mga foreign resident corporation, ang kinita lamang nila sa loob ng bansa ang binubuwisan.

Bukod sa mga korporasyon, kasama rin sa mga nagbabayad ng CIT ang mga GOCCs o mga korporasyong pagmamay-ari at pinapatakbo ng gobyernomaliban sa GSIS, SSS, PhilHealth, at mga local water district.

Samantala, exempted naman sa CIT ang mga pampublikong paaralan, chamber of commerce, non-stock corporations, organisasyong agrikultural o pangmanggagawa, at iba pang mga organisasyong hindi pangunahing layunin ang kumita.

Di maitatanggi na maraming korporasyon sa Pilipinas ang makikinabang sa mas mababang CIT.

Sa orihinal na panukala ng DOF, minumungkahing babaan ang CIT rate mula 30% patungong 25% pagdating ng 2022. Samantala, sa HB 8083 nais pababain ng pamahalaan ang CIT mula 30% hanggang 20% pagdating ng 2029. Samakatuwid, babawasan ang tax rate ng 2 porsiyento kada dalawang taon simula 2021 (Figure 2).

Fig2
Figure 2.

Ngunit para hindi maubos kaagad ang kita ng gobyerno, pararamihin din ng TRABAHO Bill ang mga produkto at serbisyo na maaaring patawan ng buwis o pagpapalawak sa tax base.

Halimbawa, tatanggalin ang ilang tax exemptions (mga produkto o serbisyo na di binubuwisan) at babawasan rin ang mga espesyal na tax rates.

Samantala, ang mga pribadong eskwelahan at non-profit hospitalsna kasalukuyang nagbabayad lamang ng 10% na buwis—ay maaari na ring patawan ng mas mataas na buwis mula 15% hanggang 20% kapag hindi sila makakasunod sa mga alituntuning ipinapatupad ng CHED & DepEd (para sa mga eskwelahan) at ng DOH (para sa mga ospital).

Mga insentibo para sa mga namumuhunan (fiscal incentives)

Marahil ang pinakakontrobersyal na bahagi ng TRABAHO Bill ay ang pagbabawas ng mga fiscal incentive sa mga kompanyang namumuhunan sa bansa.

Ang fiscal incentive ay anumang paraan upang hikayatin ang mga negosyante na mamuhunan sa bansa, lalo na ang mga dayuhang kompanya.

Halimbawa, para piliin nila ang Pilipinas kaysa sa ibang bansa sa ASEAN, pwede silang bigyan ng gobyerno ng income tax holiday (ITH), kung saan hindi muna nila kailangang magbayad ng buwis habang nagsisimula pa lang ang kanilang negosyo. Maaring tumagal ng taon ang ganitong mga incentive.

Marami pang ibang klase ng fiscal incentive. Sa taya ng DOF, gamit ang pinakahuling datos noong 2015, umaabot sa Php 104.4 bilyon ang halaga ng mga insentibong ito. Hindi pa kasama rito ang insentibo sa VAT at ang galing sa mga lokal na gobyerno.

Katumbas daw ito ng 5% ng kabuuang koleksyon mula sa buwis ng pambansang pamahalaan sa taong iyon. Katumbas din ito ng 0.8% ng ating GDP o gross domestic product, na sumusukat sa kabuoang kita ng ating bansa.

Ayon sa DOF, napakalaki ng ginagastos ng gobyerno sa mga incentive na ito, at marami raw na mga negosyante ang umaabuso rito: magnenegosyo pa rin naman sila sa bansa kahit walang insentibo.

Kaya naman, sa paningin ng DOF, makabubuting bawiin ang ilan sa mga insentibong ito kapalit ng mas malaking kita ng gobyerno.

Kung ang TRAIN 1 ay isa sa naging dahilan ng pagtaas ng inflation, ang TRABAHO Bill naman ay pinangangambahang magdudulot ng pagkawala ng maraming trabaho kapag umalis ang mga negosyo sa Pilipinas na mababawasan (o mawawalan) ng mga incentives na kanilang tinatangkilik. 


Sa susunod na post, tatalakayin naman natin ang iba pang aspeto ng TRABAHO Bill at reaksyon ng mga mamumuhunan at negosyante.

 

4 thoughts on “TRAIN 2: Dapat nga ba tayong mabahala sa pagharurot nito?

  1. Request naman, kung pwede lagyan nyo po ng share widget/buttons per post para madahil mashare sa socmed. Thanks!

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s