Ni Paul Feliciano
Marami sa atin ang nagulat sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation.
Ayon sa mga economist, maraming bagay ang ang sanhi ng mas mataas na inflation. Subalit kung si Pangulong Duterte ang inyong tatanungin, walang ibang dapat sisihin dito kung hindi si US President Donald Trump.
Noong September 7, sinabi ni Duterte sa mga Pilipinong nasa Jordan na, “Inflation is… Dahil ‘yan sa — kay Trump. When Trump raised the—‘yung mga tariff niya pati banned other items, nagkaloko-loko…”
Pero tama bang sisihin si Trump sa tumataas nating inflation? At bakit kaya ito nasabi ni Pangulong Duterte?
Masasabing nagsimula ang lahat ng ito sa “trade war” sa pagitan ng US at China.
Ano ang trade war?
Nagkakaroon ng trade war sa pagitan ng mga bansa kapag binabawasan o sinasaktan nila ang kalakalan nila sa isa’t-isa.
Noong Marso, nagpataw ang administrasyon ni Trump ng buwis sa imports nilang galing China (tulad ng aluminum at bakal). Ang buwis sa imports ay tinatawag ring taripa (tariff).
Ang pangunahing target ng US ay ang China dahil pinaniniwalaang sinasadya ng China na gawing mura ang salapi nito (remnimbi) kontra dolyar, para mas maging mabenta ang mga produkto ng China kumpara sa mga produkto ng US. (BASAHIN: Mga dapat mong malaman tungkol sa exchange rate)
Dahil sa polisiyang ito ng China, inaasahang bababa ang demand sa US exports, na magiging masakit para sa mga Amerikanong manggagawa at industriya.
Sa ngayon, ang mga bagong taripa na ipinataw ng US sa lahat ng aluminum, bakal, washing machine, at solar panel na galing sa China at iba pang bansa ay tinatantyang nagkakahalaga ng $58.3 billion.
Nitong nakaraang buwan, lalo pang umigting ang tensyon sa pagitan ng US at China. Ayon sa datos, higit $500 bilyon na ang maaaring naapektuhang halaga ng produkto.
Bilang ganti sa US, ang China at iba pang bansa—gaya ng European Union, Canada, Mexico, Russia, Turkey, at India—ay nagsimula na ring magpataw ng taripa sa mga produktong galing sa US. Bukod pa ito sa ibang karagdagang regulasyon na maaari nilang ipataw sa US imports.
Samakatuwid, makikitang gumanti na ang iba’t-ibang bansa dahil sa ginawa ni Trump na siyang nagsimula ng trade war.
Ngunit dahil ang US at China ang dalawang pinakamalaking merkado sa mundo, nangangamba ang maraming bansa na di sangkot sa magiging epekto ng trade war sa kani-kaniyang mga ekonomiya.
Ano ang direktang epekto ng trade war?
Pinamamahal ng taripa ang presyo ng mga imported na produkto. Dahil dito, maaaring pahinain ng mas mataas na taripa ang konsumo ng mga naturang produkto.
Halimbawa, kung dati ay P10,000 mo mabibili ang imported na microchip, ngayon ay P12,000 na dahil sa dagdag na taripa na 20%.
Masakit ito di lamang sa mga negosyo (na gumagamit ng imported products bilang sangkap sa kanilang produksyon) kung di pati na rin sa mga consumer.
Halimbawa, kung ikaw ay may pagawaan ng smartphone sa China, magiging mas mahal ang bili mo ng microchip, at baka ipasa mo ang gastos mo sa iyong consumer. Di rin makakatulong na ang ibang mga negosyo ng smartphone na naka-base sa labas ng China at hindi mapapatawan ng karagdagang taripa.
Meron ding mga indirect effect: Maaari ring humina ang lahat ng ibang negosyong umaasa sa imported products na may dagdag taripa.
Halimbawa, kapag humina ang demand ng mga Amerikano sa iPhone na gawa sa China, hihina ang produksyon ng screen mula Samsung, microchip mula Toshiba, pati na rin ang delivery at distribution.
Kung tutuusin ang lahat ng ito, makikitang di lang negosyo sa bansa ang tatamaan kundi pati na rin ang mga negosyo abroad.
May mabuting dulot kaya ang trade war? Marahil ang natatanging positibong epekto nito ay tinatawag na trade redirection o diversion.
Ibig sabihin, dahil bababa ang konsumo ng imported na produkto galing US, China, at iba pang bansa, may oportunidad ang ibang ekonomiya na di direktang sangkot sa trade war. Sila na ngayon ang pwedeng mag-supply ng mga produktong nagmahal ang presyo.
Halimbawa, sa halip na sa China bumili ang US ng semiconductors, maaaring silang bumili mula sa mga Pilipinong kumpanya dahil magiging mas mura ang bili nila mula sa atin.
Ano ang epekto nito sa Pilipinas?
Bagamat ang Pilipinas ay apektado sa trade conflict ng US sa aluminum at bakal, maliit na bahagi lang ito ng kabuoang kalakalan natin sa US.
Tinatayang maliit din ang mga kaugnay na indirect effects. Iilang sektor lang naman sa kaugnay sa supply chain ang maapektuhan, tulad ng wholesale and retail trade, transportasyon, at electric utlilities.
Kaya di maaaring isisi kay Trump o sa US-China trade war ang inflation sa Pilipinas ngayon. (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)
Sa katunayan, may mga posibleng benepisyo ang trade war ng US at China sa Pilipinas. Base sa mga unang pag-aaral, ang mga industriya ng semiconductor, chemicals, at textiles sa Pilipinas ay maaaring punan ang pagtaas ng demand mula sa US.
Sa huli, ang US-China trade war ay maaaring lumikha ng mga oportunidad sa Pilipinas na di dapat natin palagpasin. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa mga kailangan gawin:
Una, dapat maging handa ang mga exporter natin para saluhin ang karagdagang demand para sa mga produktong apektado ng trade war, dulot ng trade redirection.
Pangalawa, mahalaga ring makumbinsi natin ang mas maraming negosyante at exporter na magnegosyo pa sa bansa. Pero para mangyari ito, makatutulong kung ang gobyerno ay magbibigay ng kaukulang suporta sa mga apektadong sektor.