Ni Noel B. Del Castillo | Guest contributor
Bukod sa mabilis na pagtaas ng inflation rate, laman din ng mga balita ngayon ang tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at ang kakulangan ng suplay nito sa maraming lugar.
At dahil ang bigas ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng pamilyang Pilipino, hindi maiiwasan na ito ay maging malaking isyung pulitikal na kailangang tugunan agad ng pamahalaan.
Pero bakit ba may kakulangan sa suplay ng bigas? Para sa isang naturingang “agricultural country,” di ba nakakapagtataka na hindi natin kayang makapag-produce ng sapat na bigas para sa mga Pilipino?
Lagay ng agrikultura sa Pilipinas
Isa sa mga dahilan kung bakit hindi kayang punan ang demand para sa bigas ng buong bansa ay dahil sa mahinang performance ng agriculture sector.
Kahit na maraming lugar pa din sa Pilipinas ang maituturing na agrikultural, kadalasang mas mababa ang paglaki ng sektor na ito kumpara sa sektor ng manufacturing at services.
Sa katunayan, makikita sa Figure 1 na paliit nang paliit ang kontribusyon ng agrikultura sa paglago ng ekonomiya. Noong 2nd quarter ng 2018, halos wala nga itong naiambag.

Ilan sa mga dahilan ng matamlay na agriculture sector ay ang patuloy na problema sa reporma sa lupa (land reform) at mahinang investment sa irigasyon at mga farm-to-market roads.
Bukod dito, mas mura ang irigasyon sa ibang karatig bansa, tulad ng Thailand at Vietnam, dahil may river delta sila na pinanggagalingan ng natural irrigation. Hindi nila kailangan gumastos ng malaking pera para magkaroon ng maayos na irigasyon.
Ipinapakita sa Figure 2 na ang presyo ng wholesale na bigas sa Pilipinas ay lagpas na sa P35 kada kilo. Higit na mas mataas ito kumpara sa Thailand at Vietnam, na may presyong mas mababa pa sa P18 kada kilo.
Mapapansin rin natin na habang ang presyo ng bigas sa Pilipinas ay patuloy na tumataas, nananatiling stable naman ang presyo ng bigas sa Thailand at Vietnam.

Supply at demand
Dahil hindi sapat ang napo-produce na palay sa bansa, isa sa mga polisiyang puwedeng gamitin ng pamahalaan ay ang pag-iimport ng murang bigas mula sa Thailand at Vietnam upang punan (o ma-satisfy) ang demand dito sa Pilipinas.
Sa ganitong paraan, ang pag-iimport ng bigas ay nagpapadami ng suplay na posibleng maging solusyon upang maibsan ang labis na pagsipa ng presyo nito.
Sa basic Economics, kapag mas mataas ang demand ng isang bagay kesa sa suplay nito, tumataas ang presyo dahil ang mga consumers ay nag-uunahan para mabili ang kakaunting suplay na nasa merkado. May mga consumer rin naman na gustong magbayad ng mahal para sa produktong iyon, dahil nga sa kakulangan nito. Ang ending, gagalaw talaga pataas ang presyo ng produktong ito.
Ngunit kung mas marami ang suplay ng isang produkto kesa sa demand nito, ang mga supplier ay mapipilitang ibaba ang kanilang presyo para mabili ang kanilang paninda.
Sa pamamagitan ng pag-aangkat ng bigas, dadami ang suplay nito at mapipigil ang mabilis na pagtaas ng presyo ng bigas upang hindi masyadong mahirapan ang mga mamimili.
Kapag ang demand ng isang bagay ay katumbas ng suplay nito sa merkado, ang presyo nito ay hindi na gagalaw. Ang presyong ito ay tinatawag ring equilibrium price.
Epekto sa consumers at producers
Ang pag-iimport ng bigas ay makakatulong upang masigurong may sapat na suplay ng bigas sa bansa upang maiwasan ang pagsipa ng presyo nito.
Kung ang presyo ng bigas ay stable at mababa, mabuti ito para sa mga consumer. Pero ang pag-iimport ay maaari ring magbigay ng problema sa ating mga magsasaka. Kapag mababa ang presyo ng bigas, mababa rin ang kita na nakukuha nila. Kaya marami sa kanila ay tutol sa rice importation.
Ngunit ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, malaking bahagi ng kita sa bigas ay hindi napupunta sa mga magsasaka, kung hindi sa mga traders at retailers—sila yung nagdadala ng mga produkto ng mga magsasaka sa palengke (Figure 3).

Napipilitan ang mga magsasaka na ibenta ang kanilang produkto sa mga traders sa mas mababang presyo, na makikita sa laki ng diperensya ng farmgate (magsasaka) at retail (Figure 3).
Ito ay dahil sa mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka kagaya na lamang ng kakulangan sa maayos na imprastraktura (e.g., farm-to-market roads), hindi maayos na sistema sa presyuhan, at kawalan ng makinarya para sa paggiling ng palay.
Kung tutuusin, mas maraming maliliit na magsasaka ang net food buyers—ibig sabihin, mas marami pa ang binibili nilang pagkain kesa sa napro-produce nila. Dahil dito, kasama sila sa mga nahihirapan kapag tumataas ang presyo ng bigas.
Food security o food self-sufficiency?
Marami sa nagdaang mga administrasyon ang sumubok magpatupad ng iba’t-ibang polisiyang magsusulong ng rice self-sufficiency. Tinignan nila kung posible ba na huwag mag-import at mag-rely na lamang tayo sa bigas na gawa dito sa Pilipinas.
Sa kasamaang palad, hindi naging matagumpay ang mga polisiyang ito. Hanggat hindi nareresolba ang mga pangunahing problema sa sektor ng agrikultura, hindi natin maiiwasan ang pag-iimport ng bigas.
Sa ngayon, imbis na food self-sufficiency, marahil ay mas kailangan nating masigurong may food security sa Pilipinas: matiyak na may sapat na suplay ng pagkain upang maiwasan ang anumang krisis sa pagkain.
Ang guest contributor ay guro sa Miriam College at lecturer sa UP School of Economics. Ang mga opinyon niya ay pawang sa kanya lamang at hindi sumasalamin sa opisyal na posisyon ng mga institusyon na kanyang kinabibilangan.
Sang-ayon po ako na ang pag-aangkat natin ng bigas sa ibang bansa ay isa sa mga mahahalagang usapin ngayon sa Pilipinas. Meron lang po akong kumento na magbibigay kalinawan sa ilang datos sa artikulo.
– Ang kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa ay hindi dahil sa mahinang performance ng agriculture sector. Kung titignan po natin ang datos sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumataas ang produksyon ng bigas kaya misleading po ang ituring na mahina ang performance ng rice sector. Ang pangunahin rason kung bakit tao nag-aangkat ng bigas ay dahil mas mabilis ang pagtaas ng konsumo sa bigas kesa sa produksyon nito. so, kapag ang growth sa rice demand ay mas mabilis kesa growth sa rice supply, tayo ay nagkakaroon ng rice shortage. Ang mabilis na pagtaas ng rice demand ay dulot ng mabilis na paglago ng populasyon (high population rate) at dahil din sa mas lumalakas kumain ang bawat Pilipino ng bigas taon-taon (increasing per capita consumption) base sa statistika mula sa PSA.
– Ang graph na nagkukumpara sa wholesale price ng bigas mula sa Pilipinas, Vietnam at Thailand ay mukhang may kakulangan sa datos. Dapat po yata iyong landed duty price ng Vietnam and Thailand rice ang gawing basehan ng pagkukumpara sa lokal na presyo ng Philippine rice. I think iyong mga price trends ng Vietnam and Thailand na pinakita sa graph ay mga foreign prices that were directly converted into Philippine peso. if true, then may kulang po sa calculation. From the foreign price, dapat po sinasama sa computation ang tariff + cost of insurance + freight sa port + transport and handling cost to the main retail area (say, manila) then tsaka ito ikukumpara sa retail/wholesale price ng ating bigas sa Pilipinas
– Bilang staple food, ang demand curve ng bigas ay very inelastic. base sa teorya ng economics, kapag subsistence goods like rice and other food items, ang malaking pagtaas sa presyo ng bigas ay hindi gaanong magdudulot ng pagbaba sa dami ng kinakaing bigas ng mga Pilipino. Ang malaking factor na nagpapataas sa presyo ng bigas ay dulot ng pagtaas ng presyo ng mga inputs sa pagsasaka (more of a supply factor). Ang mga may malalaking share sa input costs sa pagsasaka ng palay ay ang labor, fertilizer and seeds. Ang indirect effect ng pagtaas ng presyo ng langis ay isang mahalagang contributor sa pagtaas ng presyo ng bigas. Kapag mataas ang oil prices, tumataas din ang fertilizer prices kasi ang langis ay pangunahing sangkap sa paggawa ng fertilizer. Nakakaapekto din ang presyo ng langis sa mga makinaryang ginagamit sa pagsasaka tulad ng tractor, harvester, water pumps, etc. Higher input cost translates to higher farmgate prices and higher farm price for paddy simply means higher retail price for rice
– Mahalagang maunwaan na ang dami ng rice imports na inaangkat ng bansa ay may humigit kumulang lamang na 10% share sa kabuuang supply ng bigas sa bansa. Ayon sa mga ilang pag-aaral, itong import share na ito ay maliit para makapagdulot ng matinding epekto sa paggalaw ng local na presyo ng bigas.
– Sadya pong mas mataas ang retail price ng bigas kumapara sa farmgate price ng palay. Ang price margin na ito ay dulot ng dagdag gastos sa processing (milling, transport, and other value adding cost) + fees to traders.
– Hindi naman po masamang adhikain ang self-sufficiency lalo nat 90% ng supply ng bigas ay nanggagaling pa din sa ating local na produksyon or galing sa ating mga magsasaka. Ang food security ay ang kakayahan ng bansa na punan ang domestic demand mula sa local na produksyon AT supply galing sa ibang bansa. Ilan sa mga kadahilanan kung bakit hindi lahat inaasa sa ibang bansa ang ating pangangailan sa bigas ay (1) ang pandaigdigang surplus ng bigas ay hindi sapat para tustusan ang kabuuang demand o pangangailangan ng mga pinoy sa bigas, (2) dahil kaunti lang ang supply sa pandaigdigang merkando, anumang paggalaw ng preso sa world market ay makakapagdulot ng matinding epekto sa ating food security tulad noong nagkaroon ng food crisis noong 2008, (3) ang pag-aangkat ng madaming bigas ay magastos para sa gobyerno.
Sana ang mga kumentong ito ay magbigay ng dagdag na kaalaman sa ating lahat. Salamat po sa nagsulat ng artikolo.
LikeLike
Salamat sa pagbabasa ng article at sa iyong maayos at magalang na mga komento. Sinubukan kong tugunan ang mga ito upang mas mapalalim natin ang usapin tungkol dito.
1. Ang kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa ay hindi dahil sa mahinang performance ng agriculture sector. Kung titignan po natin ang datos sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumataas ang produksyon ng bigas kaya misleading po ang ituring na mahina ang performance ng rice sector. Ang pangunahin rason kung bakit tao nag-aangkat ng bigas ay dahil mas mabilis ang pagtaas ng konsumo sa bigas kesa sa produksyon nito. so, kapag ang growth sa rice demand ay mas mabilis kesa growth sa rice supply, tayo ay nagkakaroon ng rice shortage. Ang mabilis na pagtaas ng rice demand ay dulot ng mabilis na paglago ng populasyon (high population rate) at dahil din sa mas lumalakas kumain ang bawat Pilipino ng bigas taon-taon (increasing per capita consumption) base sa statistika mula sa PSA.
– Ang definition natin ng mahinang performance ng agriculture ay nakabatay sa kontribusyon nito sa ekonomiya ng bansa. Pinapakita sa Figure 1 na sa loob ng tatlong taon, hindi pa umabot sa 1% ang ambag ng agrikultura sa paglago ng ekonomiya. Nananatiling mas malaki ang kontribusyon ng industry/manufacturing at services sector. Kung sinasabi natin na agriculture country ang bansa natin, dapat malaki ang impact ng agriculture sa ating ekonomiya kaso sa datos mukhang hindi.
– Sumasang-ayon ako na mas malaki ang demand kaysa suplay ng bigas kaya may shortage. Pero ang ating population rate ay bumagal na kumpara noong mga nakaraang taon. So kung mas bumagal na ang growth rate ng population pero hindi pa rin mapunan ang suplay ng bigas, hindi ba ang problema nun nasa supply side?
2. Ang graph na nagkukumpara sa wholesale price ng bigas mula sa Pilipinas, Vietnam at Thailand ay mukhang may kakulangan sa datos. Dapat po yata iyong landed duty price ng Vietnam and Thailand rice ang gawing basehan ng pagkukumpara sa lokal na presyo ng Philippine rice. I think iyong mga price trends ng Vietnam and Thailand na pinakita sa graph ay mga foreign prices that were directly converted into Philippine peso. if true, then may kulang po sa calculation. From the foreign price, dapat po sinasama sa computation ang tariff + cost of insurance + freight sa port + transport and handling cost to the main retail area (say, manila) then tsaka ito ikukumpara sa retail/wholesale price ng ating bigas sa Pilipinas
– Ang gustong ipakita ng graph ay mas mura ang binibiling bigas ng mga Vietnamese at Thais kesa sa bigas na binibili ng mga Pilipino sa kanya-kanyang merkado. Kaya tama ang paggamit ng datos dito. Kung tutuusin, isa pa ito sa mga sumusuporta sa obserbasyon na mahina ang performance ng agriculture/rice production sa Pilipinas: bakit kaya ng Vietnam at Thailand na mag-produce ng bigas sa mas mababang halaga? Hindi ba ibig sabihin nito mas efficient at mas productive ang rice sector nila dahil mas mura ang cost of production?
3. Bilang staple food, ang demand curve ng bigas ay very inelastic. base sa teorya ng economics, kapag subsistence goods like rice and other food items, ang malaking pagtaas sa presyo ng bigas ay hindi gaanong magdudulot ng pagbaba sa dami ng kinakaing bigas ng mga Pilipino. Ang malaking factor na nagpapataas sa presyo ng bigas ay dulot ng pagtaas ng presyo ng mga inputs sa pagsasaka (more of a supply factor). Ang mga may malalaking share sa input costs sa pagsasaka ng palay ay ang labor, fertilizer and seeds. Ang indirect effect ng pagtaas ng presyo ng langis ay isang mahalagang contributor sa pagtaas ng presyo ng bigas. Kapag mataas ang oil prices, tumataas din ang fertilizer prices kasi ang langis ay pangunahing sangkap sa paggawa ng fertilizer. Nakakaapekto din ang presyo ng langis sa mga makinaryang ginagamit sa pagsasaka tulad ng tractor, harvester, water pumps, etc. Higher input cost translates to higher farmgate prices and higher farm price for paddy simply means higher retail price for rice.
– Bukod sa presyo ng langis, karamihan ng sinabi mo ay patungkol sa mga problema sa agrikultura – na mas nagpapalakas ng argumento na mahina ang performance ng agriculture. Ito mismo yung mga dahilan nun.
4. Mahalagang maunwaan na ang dami ng rice imports na inaangkat ng bansa ay may humigit kumulang lamang na 10% share sa kabuuang supply ng bigas sa bansa. Ayon sa mga ilang pag-aaral, itong import share na ito ay maliit para makapagdulot ng matinding epekto sa paggalaw ng local na presyo ng bigas.
– So ibig sabihin, yung kasalukuyang lebel ng imports ay hindi pa din sapat para maibaba ang mataas presyo ng bigas ngayon. Posibleng kulang pa ang imports o kailangan pang paigtingin ng gobyerno ang mga reporma sa agriculture natin.
5. Sadya pong mas mataas ang retail price ng bigas kumapara sa farmgate price ng palay. Ang price margin na ito ay dulot ng dagdag gastos sa processing (milling, transport, and other value adding cost) + fees to traders.
– Tama ka dun. Pero ang gustong ipakita sa graph ay mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng retailers/traders kesa sa presyo ng mga farmers. Kung mas maayos ang mga kalye natin, mas madaming farmers ang organized, etc., posibleng mas maging malapit ang presyo ng farmgate sa retail price—posibleng mapaliit yung price margin.
LikeLiked by 1 person