Ni Marianne Joy Vital
Bukod sa inflation at exchange rate, matunog rin sa balita ngayon ang dalawang magkaugnay na konsepto: ang trade deficit at current account deficit.
Halimbawa, noong Hulyo raw ay lumobo ang ating trade deficit nang 171%. Samantala, lumobo raw ang current account deficit natin nang $3.1 bilyon mula Enero hanggang Hunyo 2018.
Ano nga ba ang mga konseptong ito, at dapat ba tayong mabahala?
Ano ang trade deficit?
Nagkakaroon ang ating bansa ng trade deficit kapag mas malaki ang halaga ng ating inaangkat na mga produkto sa pandaigdigang merkado (imports) kaysa sa ating iniluluwas (exports).
Masama ba ang pagkakaroon ng trade deficit?
Sa isang banda, mahalagang pagbalansehin ang halaga ng exports sa imports. Tinatawag itong trade balance.
Kaya lang, hindi ito ganoon kadaling makamit: maraming salik ang pwedeng makaapekto sa imports at exports sa anumang oras. Makikita sa Figure 1 ang ilan sa sa mga ito.

Sa kabilang banda, may mga nagsasabing di naman masama ang trade deficit.
Una, mayroong mga produkto na sadyang imposible, mahirap, o magastos gawin sa Pilipinas—tulad ng krudo o langis—at kailangan nating angkatin ang mga ito. Sa katunayan, maraming sektor sa ating bansa ang nakadepende sa imports, tulad ng transportasyon at kuryente.
Ayon sa isang teorya sa Economics, di kailangan gawin ng isang bansa lahat ng produkto: hayaan natin ang mga bansang mag-specialize sa mga produkto na madali nilang gawin—dahil sa kanilang likas na yaman, teknolohiya, o kalinangan—iluwas ang mga ito, at angkatin ang di natin kayang gawin nang kasing-dali. Ito ang teorya ng comparative advantage.
Pangalawa, sinasabi rin ng ilan na natural lang sa mas mahirap na bansa ang pagkakaroon ng trade deficit. Maaaring gamitin ang mga imports na ito bilang sangkap sa produksyon at sa pagpapalawak ng mga industriya na makapagsusulong sa ating exports sa hinaharap.
Halimbawa, ang South Korea at Singapore ay nakapagtala ng malalaking trade deficit noong 1980s hanggang early 1990s, ngunit umunlad rin sila ng mabilis bunga nito (Figure 2). Samakatuwid, okay lang tiisin ang trade deficit kung ito ay magdudulot ng mas mataas na benta ng exports sa hinaharap.

Ano naman ang current account deficit?
Magkaugnay ang trade deficit sa current account deficit.
Sinusukat ng current account (CA) ang lahat kinikita ng mga Pilipino mula sa labas ng bansa. May tatlong bahagi ito:
- Ang kita natin mula sa exports menos gastos sa imports;
- Ang kita ng mga overseas Filipino workers (OFWs); at
- Ang kita mula sa pamumuhunan o sa investments ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Sa tatlong ito, pinakamalaki ang nauna.
Kapag mas malaki ang gastos natin sa abroad kaysa sa kinikita natin, saka nagkakaroon ng current account deficit. Para may pambayad tayo sa mga inaangkat natin, nangangahulugang kailangan tayong mangutang mula sa labas ng bansa.
Kaya naman sinasabi na kapag may current account deficit, ang Pilipinas ay taga-utang mula sa labas ng bansa (net borrower from the world).
Masama ba ang current account deficit?
Sa isang banda, kung ang pagkakaroon ng current account deficit ay bunga ng trade deficit (1), kailangang mas malaki ang kita mula sa OFWs (2) o investment (3) upang mabalanse ang current account.
May mga pagkakataon rin na kusang bumabalanse ang current account. Halimbawa, kapag nasosobrahan ang imports, bumababa ang suplay ng dolyar at humihina ang piso kontra dolyar. Pag nangyari ito, nagiging mahal ang imports at nagiging mas mura ang exports. Sa kalaunan, maaring lumiit ang imports at lumaki ang exports.
Pero di ito parating nangyayari. Halimbawa, makikita sa Figure 3 na kahit bumababa ang halaga ng piso kontra dolyar, patuloy pa rin ang paglobo ng trade deficit. (BASAHIN: Mga dapat mong malaman tungkol sa ‘exchange rate’).
Sa ganitong mga pagkakataon, mas ma-impluwensya ang iba pang mga salik na nakakaapekto sa kalakal na makikita sa Figure 1.

Sa kabilang banda, hindi naman masama ang current account deficit kung ang agresibong paghiram at pag-aangkat ay nagagamit upang lalong maisulong ang ekonomiya.
Halimbawa, sinasabi ng gubyerno ngayon na ang rason ng mas malaking pag-import ay dahil sa programang pang-imprastraktura na Build, Build, Build (BBB). Ang mga gastos sa bakal at asero (iron and steel), transportasyon, makinarya, komunikasyon, at gamit pang-teknolohiya sa ilalim ng BBB ay inaasahang makatutulong sa paglago ng ekonomiya at pagdaloy ng kalakal, serbisyo, at mga tao sa loob at labas ng bansa.
Makabubuti rin para sa mga exporters kung ang imprastraktura ng BBB ay makatutulong sa pagpapadali ng produksyon at pagpapabuti ng kalidad ng kanilang mga produkto.
Panghuli, mahalaga ang papel na ginagampanan ng gobyerno sa pagsulong ng industriya at pagpapalawig ng partisipasyon natin sa pandaigdigang merkado.
Sa susunod na post, bibigyang linaw natin ang iba pang mga isyung nakakaapekto sa kalakalan, at ang mga posibleng polisiya at instrumento para paigtingin ang mga ito.
Nakakaapekto rin ba ang pagdami ng supply ng pera sa ekonomiya? Ganun din sa pagbaba ng velocity of money, ano ang epekto nito sa ekonomiya?
LikeLike