Ni Jefferson Arapoc

Exchange Rate

Usap-usapan ngayon sa iba’t-ibang social media platforms ang exchange rate dahil sa pagbulusok ng halaga ng piso kontra dolyar.

Marahil marami ka na rin sigurong naririnig na kuro-kuro patungkol dito. May mga nagsasabing hindi ito maganda sapagkat nakakaapekto ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Meron din namang naniniwalang nakabubuti ito lalo na sa mga pamilyang umaasa sa perang padala o remittances ng mga kamag-anak nilang nasa abroad.

Subalit ano nga ba ang katotohanan sa likod ng pagbagsak ng halaga ng piso?

Ano nga ba ang exchange rate?

Ang exchange rate ay ang katumbas na halaga ng isang domestikong salapi laban sa isang banyagang salapi.

Kung ilalagay natin ito sa konteksto ng Pilipinas, ang kasalukuyang exchange rate ng piso kontra dolyar ay nasa 54 pesos na kada US dollar (USD). Ito na ang pinakamababang naitalang palitan sa nakalipas na 12 na taon (Figure 1).

pesoave_ue
Figure 1. Ang datos ay nagpapakita ng average kada buwan kaya di lumagpas ng P54/USD.

Para sa kaalaman ng lahat, hindi naman bago sa atin ang paghina ng piso kontra dolyar.

Sa katunayan, taong 2013 pa nagsimulang humina ang palitan ng piso kontra dolyar, sumabay ito sa paghina ng iba’t ibang currencies ng ating mga karatig-bansa sa rehiyong ASEAN.

Subalit noong 2016, nagsimulang makabawi ang karamihan sa kanila maliban sa Philippine peso (Figure 2). Kaya hindi totoo na isa lamang “global trend” ang pagbagsak ng halaga ng piso.

aseancurrpercent2_ue
Figure 2. Ang Piso ay pangalawa sa pinakamahinang currency sa ASEAN.

Bakit nagbabago-bago ang exchange rate?

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nagpapatupad ng floating exchange rate regime, kung saan ang halaga ng piso laban sa dolyar ay nakadepende sa paggalaw ng kani-kanilang demand at supply sa merkado.

Halimbawa, kung bibili tayo ng imported goods sa US, nararapat lamang na ang perang ipambabayad natin sa bansang ito ay nasa US currency, o nasa dolyar.

Samakatuwid, ang labis na pag-aangkat (importation) ay nagiging sanhi ng mabilis na paglabas ng dolyar sa ating bansa. Ito’y nagdudulot ng pagbaba ng supply ng dolyar kumpara sa piso.

Ayon sa basic Economics, ang pagbaba ng supply ay nagiging dahilan ng pagtaas ng halaga ng isang bagay. Halimbawa, mas mahal ang presyo ng bigas kapag nagiging limitado ang supply nito tuwing may krisis o kalamidad.

Maari rin nating gamitin ang konseptong ito sa currencies. Kapag nagiging limitado o bihira ang supply ng dolyar kumpara sa piso, tumataas ang halaga nito laban sa piso, na magreresulta sa mas mababang palitan o ‘mataas’ na exchange rate.

Ayon mismo kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang pagbaba ng halaga ng piso ay dahil sa tumataas nating imports na dulot ng Build, Build, Build (BBB)—ang pangunahing programang pang-ekonomiya ng Administrasyong Duterte.

Ang mga proyektong kaakibat ng BBB ay nangangailangan ng mga materyales (gaya ng mga construction materials) na kailangan pa nating angkatin mula sa ibang bansa.

exim_ue

Masama ba o mabuti ang paghina ng piso?

Isa sa mga mabuting naidudulot ng ‘mataas’ na exchange rate ay ang pagtaas na halaga ng OFW remittances.

Kung nagpapadala ang tatay mong nasa California ng 1,000 USD kada buwan, ang pagtaas ng palitan mula 53 pesos patungong 54 pesos ay magbibigay sa iyo ng additional 1,000 pesos.

Bagamat maganda ang epekto ng tumataas ng exchange rate sa mga pamilyang umaasa sa remittances, dapat mo ding malaman na may epekto ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin (inflation). (BASAHIN: Ano ang katotohanan sa inflation?)

Maraming sektor sa ating ekonomiya ang umaasa sa mga imported goods. Isa na siguro sa pinaka-apektado ng mataas na palitan ay ang sektor ng transportasyon. Pag humina ang piso, mas nagiging mahal ang mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, pati na rin ang gastos ng mga tsuper at driver, kaya asahan ang pagtaas ng mga pamasahe.

Isa rin sa madalas nating marinig na sinasabing magandang epekto ng ‘mataas’ na exchange rate ay ang posibleng pagtaas ng exports.

Base sa teorya sa Economics, kapag bumababa ang halaga ng domestikong salapi kumpara sa halaga ng banyagang salapi, nagiging mas mura ang mga produkto ng isang domestic country sa mata ng mga banyaga.

Isang magandang halimbawa nito ay ang China. Ilang beses nang pinaratangan ang China na sinasadya nilang pababain ang halaga ng Yuan para manatiling malakas ang kanilang exports.

photo 4

Subalit kung titignan mo ang ating datos ng exports, makikita mong hindi naman lumalago masyado ang ating exports kahit na bumabagsak ang halaga ng piso (Figure 3).

Anong ibig sabihin nito? Na mali ang teorya sa economics? Hindi naman sa ganun, sapagkat may iba pang salik—tulad ng presyo at kalidad ng produkto—na maaring nakakaapekto sa malamlam nating exports sa pandaigdigang merkado.

Isa pang masamang naidudulot ng paghina ng piso ay ang pagtaas ng halaga ng ating utang panglabas (o ang ating external debt). Ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas, ito’y umabot na sa 72.2 billion USD.

Samakatuwid, ang pagbaba ng exchange rate ay parehong mayroong positibo at negatibong epekto. Marahil ang kailangan lang nating pag-isipan ay kung anong epekto ang nangingibabaw at mas nararamdaman ng buong bansa.

6 thoughts on “Mga dapat mong malaman tungkol sa ‘exchange rate’

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s