Ni JC Punongbayan
Kamakailan ay ibinalita ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang inflation rate—na sumusukat sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin—noong Agosto ay pumalo na sa 6.4%.
Pinakamataas ito sa loob ng 9.4 taon, lagpas sa mataas na forecast ng gubyerno (6.2%), lagpas sa mataas na target nito (4%), at pinakamataas rin sa rehiyong ASEAN.
Ang 6.4% ba ay mataas o mababa? Mabuti o masama? Ating suriin.
Ano ang inflation?
Ang inflation ay ang porsyentong pagbabago ng consumer price index (CPI) sa loob ng isang taon.
Sinusubukan ng CPI na sukatin ang presyo ng maraming produkto at serbisyo sa isang ekonomiya.
Dahil imposibleng sukatin ang presyo ng 100% ng mga bilihin, sinasali lamang ng CPI ang basket of goods o ang mga produkto at serbisyo na kalimitang binibili ng ordinaryong Pilipinong consumer, tulad ng pagkain, damit, renta sa bahay, bayad sa kuryente, tuition, atbp.
Pinapakita ng Figure 1 na halos 40% ng basket of goods ay dahil sa pagkain lang. Kaya kaunting galaw lang sa presyo ng pagkain ay malaki na ang epekto sa inflation.

Ang inflation ay lagi ring nakadepende sa isang base year (o reference year).
Ang PSA ay gumagamit ngayon ng 2012 base year. Ibig sabihin, ang CPI ay nakapako sa 100 noong 2012. Anumang paggalaw ng CPI mula noon ay ang inflation rate.
Kailan mabuti ang inflation?
Sa loob ng mahahabang panahon—tulad ng maraming dekada o siglo—ang inflation ay katuwang ng paglago ng ekonomiya.
Kung mapapansin, ang mga maunlad na bansa tulad ng US o Japan ay mataas rin ang cost of living. Ito’y dahil sa mahabang panahon, habang yumayaman ang mga Amerikano at Hapon, ay lumaki rin ang kanilang paggastos sa mga produkto at serbisyo.
Alam natin mula sa basic economics na ang mataas na demand ay nagdudulot ng mas mataas na presyo.
Isa pang dahilan kung bakit maituturing na maganda ang inflation ay dahil may masamang dulot din ang deflation, o ang pagbaba (imbis na pagtaas) ng mga presyo ng bilihin.
Bukod sa maaari itong senyales ng pagbagal ng isang ekonomiya, lumalaki rin ang totoong halaga ng mga utang tuwing may deflation.
Kailan masama ang inflation?
Bagamat ok ang inflation sa mahahabang panahon, hindi ito maganda pag masyadong mabilis.
Halimbawa, pinapakita ng Figure 2 na kailan lang ay nanggaling tayo sa panahon ng mababang inflation. Noong gitna ng 2016, wala pang 2% ang inflation. Ngayon, higit sa triple na ito sa 6.4%.

Pangalawa, masasabing labis ang inflation pag kinumpara iyon sa target ng gubyerno. Para sa 2018, ang tinakdang inflation target ay 2% hanggang 4%; di dapat lalagpas ang inflation sa 4%.
Pero makikita sa Figure 3 na lagpas-lagpas na tayo rito (sa katunayan, 60% ang kalabisan).

Ano ang totoong sanhi ng inflation?
Bakit nga ba mataas ang inflation ngayon?
May dalawang uri ng inflation base sa sanhi nito: demand-pull o cost-push.
Nangyayari ang demand-pull inflation kapag umiigting ang paggastos o pagbili ng mga tao ng mga produkto at serbisyo sa ekonomiya.
Nangyayari naman ang cost-push inflation kapag nagmamahal ang mga gamit sa produksyon sa ekonomiya; halimbawa, kapag nagmahal ang presyo ng langis o humihina ang piso (na nagpapamahal sa mga inaangkat nating mga produkto).
Masasabing ang inflation ngayong 2018 ay dulot ng cost-push (hindi demand-pull) inflation.
Bukod sa patuloy na pagmahal ng krudo sa pandaigdigang merkado (pinakamataas sa higit 3 taon), at paghina ng piso kontra dolyar (pinakamahina sa loob ng 13 taon), mayroon din tayong krisis sa bigas, gulay, at isda. Importante ang huli dahil ang pagkain ang pinakamalaking bahagi ng basket of goods, tulad ng tinalakay kanina.
Ngunit may pag-aaral din na ang pinakamalaking salik o factor ng inflation sa Pilipinas (at rehiyong ASEAN) ay ang inflation expectations, o paano asahan ng mga tao ang inflation sa hinaharap.
Maglalaan kami ng mas mahabang paliwanag para dito sa mga susunod na blog. Pero sa ngayon, makikita sa Figure 4 na ang impluwensya ng inflation expectations (blue) ay di hamak na mas malaki sa impluwensya ng presyo ng langis (gray) o presyo ng imports (yellow).
Maraming nagsasabi ngayon na ang inflation ay bunsod ng mga kaganapan sa labas ng ekonomiya, tulad ng pagpalo ng presyo ng langis o si US President Donald Trump (tulad ng nabanggit ni President Duterte).
Ngunit maliit lamang ang kontribusyon ng mga ito sa inflation.
Halimbawa, bagamat apektado tayo ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, nasa kontrol ng gubyerno ang TRAIN law na nagpapataw ng karagdagang buwis sa diesel, gasolina, o kerosene.
Samantala, maari lang tayong maapektuhan ng trade war ng US at Tsina kung tayo mismo ay sasali sa trade war at magpapataw ng mga buwis sa inaangkat na produkto mula sa dalawang bansang iyon. Pero di naman iyon ginawa ng administrasyong Duterte.
Mas magiging problema siguro kung bumagal ang ekonomiya ng US at Tsina dahil sa trade war nila. Pero sa ngayon, walang datos na nagpapatunay nito.
Samakatuwid, ang inflation ay sanhi ng mga salik sa loob at labas ng bansa. Pero sa mga nakalipas na buwan, mukhang mas nananaig ang nauna kaysa sa nahuli.
14 thoughts on “Ano ang katotohanan sa inflation?”